Sunday, July 2, 2006

PASYONG MAHAL-Ang Pagtatanggal sa ating Panginoong Hesukristo at ng mga babae sa Mahal na Santa Kruz

Ang pagtatanggal sa ating Panginoong Hesukristo at ng mga babae sa Mahal na Santa Krus

Ay ano nga’y ng maganap
mahigit na tatlong oras
pagkapako’t paghihirap,
pagkamatay na nahayag
ni Hesus Haring mataas.

Noo’y dalawa katao
banal at dakilang Santo
ang nagsadya kay Pilato,
hiningi nilang totoo
ang bangkay ni Hesukristo.

At ang kanilang winika
doon sa nangagparaya
yamang nasunod nang pawa
pita niyo’t mga banta
pagpatay sa taong aba.

Ang aming ipinaglakbay
dito sa inyong harapan
kami po’y inyong tulutan,
mangyaring inyong ibigay
yaong kay Hesus na bangkay.

Di tumanggi si Pilato
sampu pa ng mga hudyo
ibinigay na totoo,
sa mga banal na tao
bangkay ng abang Kordero.

Alipala ay pumanaw
ang dalawang mga banal
at napaluwal sa bayan,
ng dala’y dalawang hagdan
na sangkay nga sa pagtanggal.

Si Hosep ang una-una
apelyido’y Arimatea
ito’y taong mapaninta,
at sumasampalataya
ka Hesus na Poong Ama.

Ang ikalawang may irog
banal na si Nikodemos
dating katoto ni Hesus,
kaya nga’t ang buong loob
inialay inihandog.

Nang sila ay dumating na
doon sa lupang Golgota
ang lumbay ay sabihin pa,
halos manaw ang hininga
nang si Hesus ay makita.


Tumatangis umiiyak
luha’y baha ang katulad
nilapitan nilang agad,
napasintabi’t nangusap
sa Inang lipos ng hirap.

Oh! Birhen anilang mahal
tigib ng pighati’t lumbay
kung iyo pong kalooban
ay kami’y pahintulutan
as Anak mo ay tumanggal.

Kusa po nang aming loob
ang parito at dumulog
at ng tanggali’t ihugos
sa pagkakapako sa Krus
yaong bangkay nga ni Hesus.

Gayong nasa’y ng malining
nang Inang mahal na Birhen
napahinuhod na tambing,
aniya’y inyo ng kalagin
bangkay na Anak kong giliw.

Agad na ngang hinawakan
ni Hosep ang isang hagdan
at kanilang sinandigan,
ang kamay sa dakong kanan
niyong sumakop sa tanan.

Sinandigan naman nila
ang kaliwa ngang paripa
ng mangyaring matanggal na,
ay inialis kapagkaraka
rotulong apat na letra.

Ang koronang tinik naman
inalis na pinagdahan
saka nila sinaklayan,
magkabilang tagiliran
ng kayong kanilang taglay.

Tinanggal nila’t pinukpok
yaong pakong nangagtagos
sa kanang kamay ni Hesus,
nang maalis at mabunot
ang kaliwa’y isinunod.

Saka nila pinagtibay
yaong kayong nasasaklay
katawa’y nalulungayngay,
isinunod nila naman
pako sa paa’y tinanggal.

Pinagdahang inihugos
katawang kalunos-lunos
malumanay na sinambot,
at kanilang iniabot
sa Inang Birheng tibobos.
Kinalong kapagkaraka
si Hesus nang Birheng Ina
lumbay hapis sabihin pa,
at pagbubuntong hininga
nang kaniyang kaluluwa.

Dibdib ay halos mawalat
nang sakit at madlang hirap
luha’y baha ang katulad,
nang pagtangis at pag-iyak
ito ang ipinangusap:
Oh maliwanag kong araw
at maalindog kong buwan!
aba bituing malinaw,
liwanag mo’y nahalinhan
nang dilim ng kasakitan!

Ito kaya’y mababata
ng Ina mong nagdurusa
oh bunso kong sinisinta!
ano’t hindi mapakali
hininga ko’t kaluluwa.
Hesus, dili baga ikaw
mapang-aliw sa may lumbay
bukal ng kaginhawahan!
ano at pinasakitan
itong mahal mong katawan?

Oh paraluman ng mata
at mutya niyaring Ina!
ang buhay ko’y anhin ko pa
kung baga mangungulila
sa bunso ko’t aking sinta?
Ito baga ang katawan
na pinanganganinuhan
ng lupa at Sanglangitan!
ano at pinaglahuan
at naging mistulang bangkay.

Ito baga bunsong liyag
kamay mong sakdal na dilag
na iginawad sa lahat?
bakit ngayon ay may butas
at ang dugo’y nagdaranak?
Ito baga ang buhok mo
tuwi na’y sinusuklay ko
hinuhusay kong totoo?
bakit ngayo’y gulong-gulo
natitigmak ng dugo mo?

Oh bunso kong sinisinta!
ano at binigyang dusa
iyang dalawa mong paa,
na inilakad tuwi na
ng pangangaral sa lahat na?
Lalong kasakit-sakitan
na halos kong ikamatay
bunso kung aking matingnan
iyang iyong tagiliran
na kanilang sinugatan.

Nasaan baga bunso ko
ang taong pinakain mo
mahigit na limang libo,
bakit ngayo’y wala rito
at di dumamay sa iyo?
Oh Hesus! nasaan baga
madla mong pinaginhawa?
ano’t hindi mabalisa,
ang kanilang kaluluwa
nitong hirap mong lahat na?

Ito’y siyang ganti’t bayad
ng pagsinta mo sa lahat
oh bunso ko’t aking Anak!
aking kayang madalumat
titigan ang iyong sugat?
Masaklap man at mapait
na di masayod nang dibdib
bunso itong siyang sakit,
tiisin ko’t siyang ibig
ng Diyos Hari sa Langit.

Madla nga t dilang bagay
ang sa Birheng panambitan
aling katigas-tigasan,
puso ang hindi matunaw
sa ganitong kahirapan?
Tumatangis na lahat na
ang tanang nakakikita
lalong ikinalumbay pa,
ni Huan Ebanghelista
at sampu ni Santa Maria.

Ano pa at nalunasan
budhi’t loob ni San Huan
ang Maestro’y nilapitan,
ang mata’y luha-luhaan
sa laking kapighatian.
Umiiyak, tumatangis
aniya’y Maestro kong ibig
ano’t ikaw ay umalis?
kung ikaw ay di masilip
anong aking masasapit?

Sino pa ang mangangaral
sa amin ng madlang bagay?
sinong aming daraingan,
sa sakunang ano pa man
dito sa hamak na bayan?
Dili ikaw ang Poong ko
pinsan ko’t aking katoto
minamahal na Maestro?
ano’t ako’y iniwan mo
dito sa balat ng mundo?

Aking kayang ikabuhay
Hesus ang iyong pagpanaw
tingna’t ako’y kaawaan,
yamang Diyos kang maalam
lumikha ng Sangtinakpan.
Poong ko ay datapuwa
pumanaw ka man sa lupa
huwag mong ipagkaila,
yaong lubos na biyaya
ampon mo’t pagkakalinga.

Dito sa wikang lahat na
habag nang Ebanghelista
ay dumulog kapagkaraka,
si Maria Magdalena
bubuntu-buntong hininga.
Tumangis at nanambitan
oh Maestro, aniyang mahal
kaluluwa ko at buhay!
anong aking naging asal
kung ikaw ay di matingnan?
Na kung lisanin mo kami
puspos nang pagkaduhagi
sino kaya ang kakampi

magtatanggol na parati
ng buhay ko’t sampung puri?
Kangino kami lalapit
ni Martang aking kapatid
Poong ko ikaw’y makinig,
sa taghoy tinangis-tangis
na alipin mong may hapis.
Doon ako nananangan
sa lubos mong kabagsikan
sapagka’t Diyos kang tunay,
tuwi na at nangangaral
sa tanang makasalanan.

Dili baga binuhay mo
kapatid kong si Lasaro
marami pa’t madla rito,
ang biyaya at saklolo
sa aming nananagano?
Oh Maestrong mapaninta
mapagkalinga tuwina
laking sakit, laking dusa,
nang puso ko’t kaluluwa
katawan mo kung makita!
Poon yaring aking buhay
ngayon yata ay papanaw
kung ako’y iyong maiwan,
dito sa lupang ibabaw
anong aking kapakanan?

Ano pa’t hindi magbawa
doon ang buntong hininga
pananangis na lahat na,
niluha-luha nang mata
nang Inang nangungulila.
Panambita’y di matapos
niyong magagandang loob
kapagdaka’ ay dumulog,
si Hosep at si Nikodemus
sa Birheng kalunos-lunos.

Aba po mahal na Birhen
ang hapis niya’y pag-anhin
itong Poon ay ilibing
itulot mo po sa amin
nang tayo’y huwag gabihin.

No comments:

Post a Comment