Tuesday, September 5, 2006

Talumpati ni Noli De Castro sa Lorenzo Sumulong Gawad Parangal

Lorenzo S. Sumulong Gawad Parangal, 9 September 2005


MAGANDANG HAPON SA INYONG LAHAT.

NAIS KONG MAGPASALAMAT SA INYONG MAINIT NA PANGTANGGAP SA AKIN AT SA AKING MGA KASAMAHAN DITO SA PROBINSYA NG RIZAL. IPINA-AABOT KO ANG AKING TAOS-PUSONG PAGBATI SA INYONG MGA TAGA-RIZAL, AT SA MGA KAMAG-ANAK NI SENADOR LORENZO S. SUMULONG. MABUHAY PO KAYO.

AKO PO AY LUBOS NA NAGAGALAK NA MAKASAMA KAYO SA PAGDIRIWANG NG IKA-ISANG DAANG ANIBERSARYO NG KAPANGANAKAN NI SENADOR SUMULONG AT SA PAGBIBIGAY NG LORENZO S. SUMULONG GAWAD PARANGAL SA OUTSTANDING ACHIEVERS NG BAYAN NG ANTIPOLO AT PROBINSYA NG RIZAL. KAYA NAMAN AGAD AKONG NAGPAUNLAK NANG IMBITAHAN AKO NG INYONG KONGRESMAN ANG NAPAKAGALING AT HINAHANGAN KONG SI KONGRESMAN VICTOR SUMULONG.

NAPAPANAHONG PANANALITA

“KUNG SI BONIFACIO AY BUHAY NGAYON, ILAN KAYA SA MGA PULITIKO NGAYON, ILAN KAYA SA MGA TAONG NASA PAMAHALAAN, ILAN KAYA SA MGA ITINURING NA HALIGI NG LIPUNAN, ANG KANYANG TATANGGAPIN SA KANIYANG KATIPUNAN NG MGA ANAK NG BAYAN? ILAN KAYA ANG ITATABOY NIYA AT PAGSASABIHAN: HINDI KAYO MAKAKASAPI PAGKA’T ANG INYONG PAG-IBIG SA BAYAN AY BUKA SA BIBIG NGUNIT KABIG SA DIBDIB, ANG PAGHAHANGAD NINYO SA TUNGKULIN O KAPANGYARIHAN AY HINDI UPANG MAKADAMAY SA INYONG KAPWA KUNDI UPANG MAGPASASA AT MAGPAUNLAD SA SARILING KAPAKANAN.”

NAPAKABIGAT NG MGA KATAGANG ITO. SUBALI’T ITO PO AY HINDI SA AKIN NANGGALING, KUNDI SA TALUMPATI NG ISANG DATING HALIGI NG SENADO, SI SENADOR LORENZO SUMULONG.

NAKAMAMANGHA NA ANG PANANALITA NG ISANG MAGALING NA TAO AY NANANATILING MAKABULUHAN KAHIT ILANG DEKADA NA ANG LUMIPAS. MARAHIL ANG SALITANG TOTOO, TULAD NG KATOTOHANAN MISMO, AY TALAGANG HINDI MALILIMUTAN NG KASAYSAYAN.

MALALIM ANG PAGSUSURI AT PAGTINGIN NI SENADOR SUMULONG SA ATING LIPUNAN. MASAKIT ANG KANYANG PUNA HINDI LANG SA MGA NAMUMUNO, KUNDI PATI NA RIN SA LAHAT NANG NANUNUNGKULAN SA PAMAHALAAN.

SA KASALUKUYANG PANAHON, MARAHIL AY MAARI RIN NATING ITANONG: KUNG SI SENADOR SUMULONG AY BUHAY NGAYON, ANO KAYA ANG KANYANG SASABIHIN TUNGKOL SA ATING MGA PINUNO, TUNGKOL SA ATING MGA INSTITUSYON, AT TUNGKOL SA ATING PULITIKA?

MAKAKATIKIM DIN KAYA TAYO NG KANYANG MAANGHANG NA PUNA, O KAYA’Y BANAYAD NA PAALALA NA DAPAT TAYONG MAGING TAPAT SA ATING MGA TUNGKULIN AT SA ATING INANG BAYAN?

SI SENADOR SUMULONG BILANG MODELO

SINO NGA BA SI SENADOR SUMULONG? KAYONG MGA KABATAAN AY WALANG PERSONAL NA KARANASAN TUNGKOL SA TINATAWAG NA “GLORIOUS DAYS OF THE PHILIPPINE SANATE”. ITO ANG PANAHON KUNG SAAN NAGSAMA-SAMA ANG NAPAKAGAGALING NA SENADOR NG BANSA --- MGA NAGLALAKIHANG HIGANTE NG PULITIKA SA PILIPINAS, MGA TAONG MAY MATINDING PAGMAMAHAL SA BAYAN AT SA KAPWA PILIPINO, MGA PINUNONG MAY PRINSIPYO AT DANGAL.

SA PANAHONG YAON NABUHAY AT NAGLINGKOD SI SENADOR SUMULONG.

AT ANG PAGLILINGKOD NIYA SA BAYAN AY NAGSIMULA NOONG SIYA AY ESTUDYANTE PA LAMANG SA UNIBERSIDAD NG PILIPINAS. TUMAKBO AT NAGWAGI SIYA BILANG NUMBER 1 COUNCILOR NG ANTIPOLO HABANG SIYA’Y NAG-AARAL PA LANG NG ABUGASYA. DAHIL SA KANYANG TALINO AT SIPAG, SIYA ANG PINAKA-UNANG NAGTAPOS NA MAGNA CUM LAUDE SA UP. NAGING BAR TOPNOTCHER SIYA NOONG 1929. AT TATLONG TAON PAGKATAPOS NITO, NAGTAPOS SIYA NG MASTER OF LAWS SA HARVARD UNIVERSITY.

NAKILALA SI LORENZO SUMULONG BILANG EKSPERTO SA FOREIGN RELATIONS. KAHIT SA UNITED NATIONS, NAGPAKITA SIYA NG DETERMINASYON AT TAPANG NG PILIPINO. HANGGANG NGAYON AY NAPAG-UUSAPAN PA SA UN ANG PAKIKIPAGBALITAKTAKAN NI SENADOR SUMULONG KAY PREMIER NIKITA KHRUSCHEV NG RUSSIA TUNGKOL SA PAGBIBIGAY NG KALAYAAN SA MGA NASASAKUPAN NG MALALAKAS NA BANSA. NAPIKON ANG SOVIET PREMIER, AT HINUBAD NI KRUSCHEV ANG KANYANG SAPATOS --- SABI NG ILAN, AY UPANG IPUKPOK SA MESA, SABI NAMAN NG IBA AY UPANG IBATO KAY SENADOR SUMULONG.

SI SENADOR SUMULONG AY ISA RING MAGALING NA IMBESTIGADOR SA KONGRESO. WALANG TAKOT O PAGDADALAWANG-ISIP. HINDI SIYA NANGIMING IBUNYAG ANG KATOTOHANAN SA APAT NA CONGRESSIONAL INVESTIGATIONS NA KANYANG PINAMUNUAN:

UNA, ANG IMPEACHMENT PROCEEDINGS LABAN KAY PRESIDENT QUIRINO DAHIL SA BINTANG NA PAGLUSTAY NG KABAN NG BAYAN;

IKALAWA, ANG IMBESTIGASYON SA TAMBOBONG-BUENAVISTA ESTATE DEAL KUNG SAAN ANG KAPATID NG PRESIDENTE AT ANG KALIHIM NG KATARUNGAN AY NADAMAY;

IKATLO, ANG TUNGKOL SA MULTI-MILLION LOBBY NG MGA TSINO KAY PRESIDENTE MAGSAYSAY PARA SA LEGALIZATION NG MGA TEMPORARY CHINESE VISITORS;

AT IKA-APAT, ANG SIKAT NA STONEHIL INVESTIGATION KUNG SAAN NADAMAY ANG OFFICE OF THE PRESIDENT, MGA SENADOR, KONGRESISTA, MGA OPISYAL NG INTERNAL REVENUE AT CUSTOMS, AT IBA PANG OPISYAL NG GOBYERNO.

SUBALIT TALAGANG NASUBUKAN ANG KANYANG PAGIGING STATESMAN AT ANG KANYANG PAGKATAO NANG PINILI NIYANG MAGRETIRE NA LAMANG DAHIL HINDI SIYA NAISAMA SA SENATORIAL CANDIDATES NG NATIONALISTA PARTY NOONG 1967. KAHIT ISA NA SIYA SA MGA NANGUNANG KANDIDATO SA SENADO NOONG NAKARAANG ELEKSIYON, NATALO SIYA NI ATTY. SALVADOR LAUREL SA NOMINASYON NG PARTIDO.

SINUBUKAN SIYANG KUMBINSIHIN NG LIBERAL PARTY NA LUMIPAT SA KANILA. ANG MALACANANG NAMAN, NAG-OFFER NG MATAAS NA POSISYON SA GOBYERNO. SUBALI’T SI SENADOR SUMULONG AY HINDI NAGPADALA SA MGA ITO. ANG KANYANG NAGING DESISYON: MAGRETIRE NA MUNA KAYSA NAMAN LUMIPAT NG PARTIDO O KAYA’Y KUMUHA NG POSISYON SA GOBYERNO.

TALAGANG DAPAT SIYANG ITURING NA MODELO HINDI LANG NG NAKARAANG HENERASYON, KUNDI PATI NA RIN NG KASALUKUYAN. MERON PA BANG KATULAD NIYA?

PAGTATAPOS

AKO NA RIN PO ANG SASAGOT NITO. ANG SAGOT KO, MERON PA.

MARAMI PANG MGA LIDER, MGA PULITIKO, AT MGA PILIPINO NA MAY KAKAYAHANG MAGSAKRIPISYO PARA SA BAYAN. MARAMI PANG BAYANI –TULAD NG MGA GURO, MGA MAGSASAKA, MGA MALIIT NA ENTREPRENOR, MGA OVERSEAS WORKERS, MGA ORDINARYONG PILIPINO NA NABUBUHAY NG MARANGAL AT SUMUSUNOD SA BATAS.

MGA KAIBIGAN, MARAMING PAGSUBOK ANG PINAGDADAANAN NG ATING BANSA, AT MARAMI PANG DARATING. SUBALI’T AKO’Y MAY MALAKING PAGTITIWALA SA ATING MGA KABABAYAN AT SA ATING MGA LIDER.

NANINIWALA AKO NA SA KAIBUTURAN NG PUSO NATING MGA PILIPINO, NAROON PA RIN ANG PAGMAMAHAL SA BANSA AT ANG PAGNANASANG MAGLINGKOD NG TAPAT --- MGA KATANGIANG ISINABUHAY NI SENADOR SUMULONG.

SANA AY MATUTUTO TAYO SA HALIMBAWANG IPINAKITA NIYA SA ATIN. MAPALAD TAYO SA PAGKAKAROON NG ISANG HUWARAN NA TULAD NI SENADOR LORENZO SUMULONG.

MARAMING SALAMAT PO AT MAGANDANG HAPON, BAYAN!


,,,

No comments:

Post a Comment