Monday, August 11, 2008

Ang Alamat ng Palay


Ang Pinagmulan ng Palay


Noong unang araw, hindi nagtatanim ng halaman at hindi nag-aalaga ng hayop ang mga tao para may makain. Umaasa lamang sila sa kalikasan. Kaya tumitira sila kung saan may pagkain. May tumitira sa mga kuweba sa bundok at nabubuhay sa bungangkahoy at nahuhuling hayop.

May tumitira sa tabing ilog at dagat at nabubuhay sa pangingisda. Tumitira sila sa isang lugar hanggang may makakain at humahanap ng ibang lugar 'pag wala nang makain.
Kasama ng iba ang mga mag-asawang Banag at Danas sa paghahanap ng bagong lugar ng matitirhan. Dati silang nakatira sa tabing dagat. Ngunit sinira ng malakas na bagyo ang kanilang mga bahay sa tabing dagat. Natatakot silang muling abutin ng bagyo.
"Bakit lagi tayong lumilipat ng tirahan?" tanong ni Banag kay Danas. "Pagod na akong sa ganitong buhay. Hindi tuloy tayo magkaanak." Gusto ni Banag na humiwalay sila sa iba at mamalagi sa isang magandang pook. "Gusto kong isilang doon ang ating anak."
Sinunod ni Danas ang hiling ng asawa. Pumili sila ng isang magandang pook sa bundok at doon nagtayo ng munting bahay. Tahimik ang napili nilang pook sa bundok at sagana sa prutas at hayop na makakain. May malinaw na batis sa malapit at maraming isdang nahuhuli si Danas.

Ngunit biglang dumating ang tagtuyot. Matagal na hindi umulan at natuyo ang luupa. Namatay ang mga halaman at punongkahoy at nawala ang mga hayop at ibon. Namatay ang mga isda sa natuyong batis.

Naghanap ng pagkain sa malayo si Danas. Ngunit malawak ang dumating na tagtuyot. Naglakad siya nang naglakad at nakarating sa kabilang bundok ngunit wala pa rin siyang makitang pagkain.

Inabot ng matinding pagod si Danas sa gitna ng isang malapad na parang. Nahiga siya sa damuhan at nakatulog. Noon biglag humihip ang hangin at sumayaw at umawit ang mga damo. Nagising at nagulat si Danas.

Pinakinggan ni Danas ang awit ng mga damo. "Kami ang pag-asa ng tao, Danas. Pulutin mo ang aming mga bungang butil. Masarap na pagkain ang aming mga butil." Noon napansin ni Danas ang mga uhay ng damo. Hitik sa mga gintong butil ang bawat uhay. Pumitas siya ng isang butil at kinagat. "Bayuhin mo ang aming mga butil para maalis ang gintong balat," muling awit na masaya ng mga damo. Iluto mo ang puting laman ng butil para lumambot at maging masarap na pagkain."

Pumitas ng maraming uhay si Danas hanggang mapuno ang kanyan sisidlan at nagmamadaling umuwi kay Banag. "May pagkain na tayo ngayon," tuwang tuwang balita niya kay Banag. Tulad ng utos ng mga damo, inalisan nila ng balat ang mga butil at iniluto bago kinain.

Kinabukasan, nagbalik sa parang si Danas. "Itanim mo ang aming butil, " awit ng mga damo. "Itanim mo sa lupang pinalambot ng ulan. Tutubo ang mga butil at alagaan mo. Tuwing mag-aani ka'y maglaan ka ng mga butil para muling itanim at alagaan. Matuto kang magsaka at mag-alaga ng halaman at sa pagsasaka ka aasa ng ikabubuhay."
Biglang naramdaman ni Danas ang patak ng ulan. Nagdilim ang langit nang tumingala siya. "Palay ang itawag mo sa iyong pananim," awit ng mg damo na lalong sumigla ang pagsayaw pagbuhos ng malakas na ulan. "Ibalita mo sa ibang tao ang lahat. Ituro mo sa kanila ang pag-aalaga ng palay."
Sinunod ni Danas ang mga utos ng damo. Gumawa siya ng bukid sa paligid ng bahay at pinag-aralang mabuti ang pag-aalaga ng palay. Itinuro niya sa ibang tao ang natutuhan. Lumawak nang lumawak ang mga bukid na taniman at mula noon, naging mag-sasaka ang mga tao. Hindi na rin sila palipat-lipat ng tirahan.

Source: alamat

No comments: