State of the Nation Address
of His Excellency
Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
to the Congress of the Philippines
Session Hall of the House of Representatives
July 26, 2010
[Batasan Pambansa Complex, Quezon City]
Speaker Feliciano Belmonte; Senate President Juan Ponce Enrile; Vice  President Jejomar Binay; Chief Justice Renato Corona; Former Presidents  Fidel Valdez Ramos and Joseph Ejercito Estrada; members of the House of  Representatives and the Senate; distinguished members of the diplomatic  corps; my fellow workers in government;
Mga minamahal kong kababayan:
Sa bawat sandali po ng pamamahala ay nahaharap tayo sa isang sangandaan.
Sa isang banda po ay ang pagpili para sa ikabubuti ng taumbayan. Ang  pagtanaw sa interes ng nakakarami; ang pagkapit sa prinsipyo; at ang  pagiging tapat sa sinumpaan nating tungkulin bilang lingkod-bayan. Ito  po ang tuwid na daan.
Sa kabilang banda ay ang pag-una sa pansariling interes. Ang  pagpapaalipin sa pulitikal na konsiderasyon, at pagsasakripisyo ng  kapakanan ng taumbayan. Ito po ang baluktot na daan.
Matagal pong naligaw ang pamahalaan sa daang baluktot. Araw-araw po,  lalong lumilinaw sa akin ang lawak ng problemang ating namana.  Damang-dama ko ang bigat ng aking responsibilidad.
Sa unang tatlong linggo ng aming panunungkulan, marami po kaming  natuklasan. Nais ko pong ipahayag sa inyo ang iilan lamang sa mga namana  nating suliranin at ang ginagawa naming hakbang para lutasin ang mga  ito.
Sulyap lamang po ito; hindi pa ito ang lahat ng problemang haharapin  natin. Inilihim at sadyang iniligaw ang sambayanan sa totoong kalagayan  ng ating bansa.
Sa unang anim na buwan ng taon, mas malaki ang ginastos ng gobyerno  kaysa sa pumasok na kita. Lalong lumaki ang deficit natin, na umakyat na  sa 196.7 billion pesos. Sa target na kuleksyon, kinapos tayo ng 23.8  billion pesos; ang tinataya namang gastos, nalagpasan natin ng 45.1  billion pesos.
Ang budget po sa 2010 ay 1.54 trillion pesos.
Nasa isandaang bilyong piso o anim at kalahating porsyento na lang ng  kabuuan ang malaya nating magagamit para sa nalalabing anim na buwan ng  taong ito.
Halos isang porsyento na lang po ng kabuuang budget ang natitira para sa  bawat buwan.
Saan naman po dinala ang pera?
Naglaan ng dalawang bilyong piso na Calamity Fund bilang paghahanda para  sa mga kalamidad na hindi pa nangyayari. Napakaliit na nga po ng  pondong ito, ngunit kapapasok pa lang natin sa panahon ng baha at bagyo,  1.4 billion pesos o sitenta porsyento na ang nagastos.
Sa kabuuan ng 108 million pesos para sa lalawigan ng Pampanga, 105  million pesos nito ay napunta sa iisang distrito lamang. Samantala, ang  lalawigan ng Pangasinan na sinalanta ng Pepeng ay nakatanggap ng limang  milyong piso lamang para sa pinsalang idinulot ng bagyong Cosme, na  nangyari noong 2008 pa.
Ibinigay po ang pondo ng Pampanga sa buwan ng eleksyon, pitong buwan  pagkatapos ng Ondoy at Pepeng. Paano kung bumagyo bukas? Inubos na ang  pondo nito para sa bagyong nangyari noong isang taon pa. Pagbabayaran ng  kinabukasan ang kasakiman ng nakaraan.
Ganyan din po ang nangyari sa pondo ng MWSS. Kamakailan lamang, pumipila  ang mga tao para lang makakuha ng tubig. Sa kabila nito, minabuti pa ng  liderato ng MWSS na magbigay ng gantimpala sa sarili kahit hindi pa  nababayaran ang pensyon ng mga retiradong empleyado.
Noong 2009, ang buong payroll ng MWSS ay 51.4 million pesos. Pero hindi  lang naman po ito ang sahod nila; may mga additional allowances at  benefits pa sila na aabot sa 160.1 million pesos. Sa madaling sabi,  nakatanggap sila ng 211.5 million pesos noong nakaraang taon.  Beinte-kuwatro porsyento lang nito ang normal na sahod, at sitenta’y  sais porsyento ang dagdag.
Ang karaniwang manggagawa hanggang 13th month pay plus cash gift lang  ang nakukuha. Sa MWSS, aabot sa katumbas ng mahigit sa tatlumpung buwan  ang sahod kasama na ang lahat ng mga bonuses at allowances na nakuha  nila.
Mas matindi po ang natuklasan natin sa pasahod ng kanilang Board of  Trustees. Tingnan po natin ang mga allowances na tinatanggap nila:
Umupo ka lang sa Board of Trustees at Board Committee meeting, katorse  mil na. Aabot ng nobenta’y otso mil ito kada buwan. May grocery  incentive pa sila na otsenta mil kada taon.
Hindi lang iyon: may mid-year bonus, productivity bonus, anniversary  bonus, year-end bonus, at Financial Assistance. May Christmas bonus na,  may Additional Christmas Package pa. Kada isa sa mga ito, nobenta’y otso  mil.
Sa suma total po, aabot ang lahat ng dalawa’t kalahating milyong piso  kada taon sa bawat miyembro ng Board maliban sa pakotse, technical  assistance, at pautang. Uulitin ko po. Lahat ng ito ay ibinibigay nila  sa kanilang mga sarili habang hindi pa nababayaran ang mga pensyon ng  kanilang mga retirees.
Pati po ang La Mesa Watershed ay hindi nila pinatawad. Para magkaroon ng  tamang supply ng tubig, kailangang alagaan ang mga watershed. Sa  watershed, puno ang kailangan. Pati po iyon na dapat puno ang nakatayo,  tinayuan nila ng bahay para sa matataas na opisyal ng MWSS.
Hindi naman sila agad maaalis sa puwesto dahil kabilang sila sa mga  Midnight Appointees ni dating Pangulong Arroyo. Iniimbestigahan na natin  ang lahat nang ito. Kung mayroon pa silang kahit kaunting hiya na  natitira – sana kusa na lang silang magbitiw sa puwesto.
Pag-usapan naman po natin ang pondo para sa imprastruktura. Tumukoy ang  DPWH ng dalawandaan apatnapu’t anim na priority safety projects na  popondohan ng Motor Vehicle Users Charge. Mangangailangan po ito ng  budget na 425 million pesos.
Ang pinondohan po, dalawampu’t walong proyekto lang. Kinalimutan po ang  dalawandaan at labing walong proyekto at pinalitan ng pitumpung proyekto  na wala naman sa plano. Ang hininging 425 million pesos, naging 480  million pesos pa, lumaki lalo dahil sa mga proyektong sa piling-piling  mga benepisyaryo lang napunta.
Mga proyekto po itong walang saysay, hindi pinag-aralan at hindi  pinaghandaan, kaya parang kabuteng sumusulpot.
Tapos na po ang panahon para dito. Sa administrasyon po natin, walang  kota-kota, walang tongpats, ang pera ng taumbayan ay gagastusin para sa  taumbayan lamang.
Meron pa po tayong natuklasan. Limang araw bago matapos ang termino ng  nakaraang administrasyon, nagpautos silang maglabas ng 3.5 billion pesos  para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta nina Ondoy at Pepeng.
Walumpu’t anim na proyekto ang paglalaanan dapat nito na hindi na sana  idadaan sa public bidding. Labingsiyam sa mga ito na nagkakahalaga ng  981 million pesos ang muntik nang makalusot. Hindi pa nailalabas ang  Special Allotment Release Order ay pirmado na ang mga kontrata.
Buti na lang po ay natuklasan at pinigilan ito ni Secretary Rogelio  Singson ng DPWH. Ngayon po ay dadaan na ang kabuuan ng 3.5 billion pesos  sa tapat na bidding, at magagamit na ang pondo na ito sa pagbibigay ng  lingap sa mga nawalan ng tahanan dahil kina Ondoy at Pepeng.
Pag-usapan naman natin ang nangyari sa NAPOCOR. Noong 2001 hanggang  2004, pinilit ng gobyerno ang NAPOCOR na magbenta ng kuryente nang  palugi para hindi tumaas ang presyo. Tila ang dahilan: pinaghahandaan na  nila ang eleksyon.
Dahil dito, noong 2004, sumagad ang pagkakabaon sa utang ng NAPOCOR.  Napilitan ang pambansang gobyerno na sagutin ang dalawandaang bilyong  pisong utang nito.
Ang inakala ng taumbayan na natipid nila sa kuryente ay binabayaran din  natin mula sa kaban ng bayan. May gastos na tayo sa kuryente,  binabayaran pa natin ang dagdag na pagkakautang ng gobyerno.
Kung naging matino ang pag-utang, sana’y nadagdagan ang ating  kasiguruhan sa supply ng kuryente. Pero ang desisyon ay ibinatay sa  maling pulitika, at hindi sa pangangailangan ng taumbayan. Ang  taumbayan, matapos pinagsakripisyo ay lalo pang pinahirapan.
Ganito rin po ang nangyari sa MRT. Sinubukan na namang bilhin ang ating  pagmamahal. Pinilit ang operator na panatilihing mababa ang pamasahe.
Hindi tuloy nagampanan ang garantiyang ibinigay sa operator na mababawi  nila ang kanilang puhunan. Dahil dito, inutusan ang Landbank at  Development Bank of the Philippines na bilhin ang MRT.
Ang pera ng taumbayan, ipinagpalit sa isang naluluging operasyon.
Dumako naman po tayo sa pondo ng NFA.
Noong 2004: 117,000 metric tons ang pagkukulang ng supply ng Pilipinas.  Ang binili nila, 900,000 metric tons. Kahit ulitin mo pa ng mahigit  pitong beses ang pagkukulang, sobra pa rin ang binili nila.
Noong 2007: 589,000 metric tons ang pagkukulang ng supply sa Pilipinas.  Ang binili nila, 1.827 million metric tons. Kahit ulitin mo pa ng  mahigit tatlong beses ang pagkukulang, sobra na naman ang binili nila.
Ang masakit nito, dahil sobra-sobra ang binibili nila taun-taon,  nabubulok lang pala sa mga kamalig ang bigas, kagaya ng nangyari noong  2008.
Hindi po ba krimen ito, na hinahayaan nilang mabulok ang bigas, sa  kabila ng apat na milyong Pilipinong hindi kumakain ng tatlong beses sa  isang araw?
Ang resulta nito, umabot na sa 171.6 billion pesos ang utang ng NFA  noong Mayo ng taong ito.
Ang tinapon na ito, halos puwede na sanang pondohan ang mga sumusunod:
Ang budget ng buong Hudikatura, na 12.7 billion pesos sa taong ito.
Ang Conditional Cash Transfers para sa susunod na taon, na nagkakahalaga  ng 29.6 billion pesos.
Ang lahat ng classroom na kailangan ng ating bansa, na nagkakahalaga ng  130 billion pesos.
Kasuklam-suklam ang kalakarang ito. Pera na, naging bato pa.
Narinig po ninyo kung paano nilustay ang kaban ng bayan. Ang malinaw po  sa ngayon: ang anumang pagbabago ay magmumula sa pagsiguro natin na  magwawakas na ang pagiging maluho at pagwawaldas.
Kaya nga po mula ngayon: ititigil na natin ang paglulustay sa salapi ng  bayan. Tatanggalin natin ang mga proyektong mali.
Ito po ang punto ng tinatawag nating zero-based approach sa ating  budget. Ang naging kalakaran po, taun-taon ay inuulit lamang ang budget  na puno ng tagas. Dadagdagan lang nang konti, puwede na.
Sa susunod na buwan ay maghahain tayo ng budget na kumikilala nang tama  sa mga problema, at magtutuon din ng pansin sa tamang solusyon.
Ilan lang ito sa mga natuklasan nating problema. Heto naman po ang ilang  halimbawa ng mga hakbang na ginagawa natin.
Nandiyan po ang kaso ng isang may-ari ng sanglaan. Bumili siya ng  sasakyang tinatayang nasa dalawampu’t anim na milyong piso ang halaga.
Kung kaya mong bumili ng Lamborghini, bakit hindi mo kayang magbayad ng  buwis?
Nasampahan na po ito ng kaso. Sa pangunguna nina Finance Secretary Cesar  Purisima, Justice Secretary Leila de Lima, BIR Commissioner Kim Henares  at Customs Commissioner Lito Alvarez, bawat linggo po ay may bago  tayong kasong isinasampa kontra sa mga smuggler at sa mga hindi  nagbabayad ng tamang buwis.
Natukoy na rin po ang salarin sa mga kaso nina Francisco Baldomero, Jose  Daguio at Miguel Belen, tatlo sa anim na insidente ng extralegal  killings mula nang umupo tayo.
Singkuwenta porsyento po ng mga insidente ng extralegal killings ang  patungo na sa kanilang resolusyon.
Ang natitira pong kalahati ay hindi natin tatantanan ang pag-usig  hanggang makamit ang katarungan.
Pananagutin natin ang mga mamamatay-tao. Pananagutin din natin ang mga  corrupt sa gobyerno.
Nagsimula nang mabuo ang ating Truth Commission, sa pangunguna ni dating  Chief Justice Hilario Davide. Hahanapin natin ang katotohanan sa mga  nangyari diumanong katiwalian noong nakaraang siyam na taon.
Sa loob ng linggong ito, pipirmahan ko ang kauna-unahang Executive Order  na nagtatalaga sa pagbuo nitong Truth Commission.
Kung ang sagot sa kawalan ng katarungan ay pananagutan, ang sagot naman  sa kakulangan natin sa pondo ay mga makabago at malikhaing paraan para  tugunan ang mga pagkatagal-tagal nang problema.
Napakarami po ng ating pangangailangan: mula sa edukasyon,  imprastruktura, pangkalusugan, pangangailangan ng militar at kapulisan,  at marami pang iba. Hindi kakasya ang pondo para mapunan ang lahat ng  ito.
Kahit gaano po kalaki ang kakulangan para mapunan ang mga listahan ng  ating pangangailangan, ganado pa rin ako dahil marami nang nagpakita ng  panibagong interes at kumpyansa sa Pilipinas.
Ito ang magiging solusyon: mga Public-Private Partnerships. Kahit wala  pa pong pirmahang nangyayari dito, masasabi kong maganda ang magiging  bunga ng maraming usapin ukol dito.
May mga nagpakita na po ng interes, gustong magtayo ng expressway na  mula Maynila, tatahak ng Bulacan, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, hanggang  sa dulo ng Cagayan Valley nang hindi gugugol ang estado kahit na po  piso.
Sa larangan ng ating Sandatahang Lakas:
Mayroon po tayong 36,000 nautical miles ng baybayin. Ang mayroon lamang  tayo: tatlumpu’t dalawang barko. Itong mga barkong ito, panahon pa ni  MacArthur.
May nagmungkahi sa atin, ito ang proposisyon: uupahan po nila ang  headquarters ng Navy sa Roxas Boulevard at ang Naval Station sa Fort  Bonifacio.
Sagot po nila ang paglipat ng Navy Headquarters sa Camp Aguinaldo.  Agaran, bibigyan tayo ng isandaang milyong dolyar. At dagdag pa sa lahat  nang iyan, magsusubi pa sila sa atin ng kita mula sa mga negosyong  itatayo nila sa uupahan nilang lupa.
Sa madali pong sabi: Makukuha natin ang kailangan natin, hindi tatayo  gagastos, kikita pa tayo.
Marami na pong nag-alok at nagmungkahi sa atin, mula lokal hanggang  dayuhang negosyante, na magpuno ng iba’t ibang pangangailangan.
Mula sa mga public-private partnerships na ito, lalago ang ating  ekonomiya, at bawat Pilipino makikinabang. Napakaraming sektor na  matutulungan nito.
Maipapatayo na po ang imprastrukturang kailangan natin para palaguin ang  turismo.
Sa agrikultura, makapagtatayo na tayo ng mga grains terminals,  refrigeration facilities, maayos na road networks at post-harvest  facilities.
Kung maisasaayos natin ang ating food supply chain sa tulong ng  pribadong sektor, sa halip na mag-angkat tayo ay maari na sana tayong  mangarap na mag-supply sa pandaigdigang merkado.
Kung maitatayo ang minumungkahi sa ating railway system, bababa ang  presyo ng bilihin. Mas mura, mas mabilis, mas maginhawa, at makakaiwas  pa sa kotong cops at mga kumokotong na rebelde ang mga bumibiyahe.
Paalala lang po: una sa ating plataporma ang paglikha ng mga trabaho, at  nanggagaling ang trabaho sa paglago ng industriya. Lalago lamang ang  industriya kung gagawin nating mas malinis, mas mabilis, at mas  maginhawa ang proseso para sa mga gustong magnegosyo.
Pabibilisin natin ang proseso ng mga proyektong sumasailalim sa  Build-Operate-Transfer. Sa tulong ng lahat ng sangay ng gobyerno at ng  mga mamamayan, pabababain natin sa anim na buwan ang proseso na noon ay  inaabot ng taon kung hindi dekada.
May mga hakbang na rin pong sinisimulan ang DTI, sa pamumuno ni  Secretary Gregory Domingo:
Ang walang-katapusang pabalik-balik sa proseso ng pagrehistro ng  pangalan ng kumpanya, na kada dalaw ay umaabot ng apat hanggang walong  oras, ibababa na natin sa labinlimang minuto.
Ang dating listahan ng tatlumpu’t anim na dokumento, ibababa natin sa  anim. Ang dating walong pahinang application form, ibababa natin sa  isang pahina.
Nananawagan ako sa ating mga LGUs. Habang naghahanap tayo ng paraan para  gawing mas mabilis ang pagbubukas ng mga negosyo, pag-aralan din sana  nila ang kanilang mga proseso. Kailangan itong gawing mas mabilis, at  kailangan itong itugma sa mga sinisumulan nating reporma.
Negosyante, sundalo, rebelde, at karaniwang Pilipino, lahat po  makikinabang dito. Basta po hindi dehado ang Pilipino, papasukin po  natin lahat iyan. Kailangan na po nating simulan ang pagtutulungan para  makamit ito. Huwag nating pahirapan ang isa’t isa.
Parating na po ang panahon na hindi na natin kailangang mamili sa  pagitan ng seguridad ng ating mamamayan o sa kinabukasan ng inyong mga  anak.
Oras na maipatupad ang public-private partnerships na ito, mapopondohan  ang mga serbisyong panlipunan, alinsunod sa ating plataporma.
Magkakapondo na po para maipatupad ang mga plano natin sa edukasyon.
Mapapalawak natin ang basic education cycle mula sa napakaikling sampung  taon tungo sa global standard na labindalawang taon.
Madadagdagan natin ang mga classroom. Mapopondohan natin ang service  contracting sa ilalim ng GASTPE.
Pati ang conditional cash transfers, na magbabawas ng pabigat sa bulsa  ng mga pamilya, madadagdan na rin ng pondo.
Maipapatupad ang plano natin sa PhilHealth.
Una, tutukuyin natin ang tunay na bilang ng mga nangangailangan nito. Sa  ngayon, hindi magkakatugma ang datos. Sabi ng PhilHealth sa isang  bibig, walumpu’t pitong porsyento na raw ang merong coverage. Sa  kabilang bibig naman, singkuwenta’y tres porsyento naman. Ayon naman sa  National Statistics Office, tatlumpu’t walong porsyento ang may  coverage.
Ngayon pa lang, kumikilos na si Secretary Dinky Soliman at ang DSWD  upang ipatupad ang National Household Targetting System, na magtutukoy  sa mga pamilyang higit na nagangailangan ng tulong. Tinatayang siyam na  bilyon ang kailangan para mabigyan ng PhilHealth ang limang milyong  pinakamaralitang pamilyang Pilipino.
Napakaganda po ng hinaharap natin. Kasama na po natin ang pribadong  sektor, at kasama na rin natin ang League of Provinces, sa pangunguna  nina Governor Alfonso Umali kasama sina Governor L-Ray Villafuerte at  Governor Icot Petilla. Handa na pong makipagtulungan para makibahagi sa  pagtustos ng mga gastusin. Alam ko rin pong hindi magpapahuli ang League  of Cities sa pangunguna ni Mayor Oscar Rodriguez.
Kung ang mga gobyernong lokal ay nakikiramay na sa ating mga adhikain,  ang Kongreso namang pinanggalingan ko, siguro naman maasahan ko din.
Nagpakitang-gilas na po ang gabinete sa pagtukoy ng ating mga problema  at sa paglulunsad ng mga solusyon sa loob lamang ng tatlong linggo.
Nang bagyo pong Basyang, ang sabi sa atin ng mga may prangkisa sa  kuryente, apat na araw na walang kuryente. Dahil sa mabilis na pagkilos  ni Secretary Rene Almendras at ng Department of Energy, naibalik ang  kuryente sa halos lahat sa loob lamang ng beinte-kwatro oras.
Ito pong sinasabing kakulangan sa tubig sa Metro Manila, kinilusan agad  ni Secretary Rogelio Singson at ng DPWH. Hindi na siya naghintay ng  utos, kaya nabawasan ang perwisyo.
Nakita na rin natin ang gilas ng mga hinirang nating makatulong sa  Gabinete. Makatuwiran naman po sigurong umasa na hindi na sila  padadaanin sa butas ng karayom para makumpirma ng Commission on  Appointments. Kung mangyayari po ito, marami pa sa mga mahuhusay na  Pilipino ang maeengganyong magsilbi sa gobyerno.
Sa lalong madaling panahon po, uupo na tayo sa LEDAC at pag-uusapan ang  mga mahahalagang batas na kailangan nating ipasa. Makakaasa kayo na  mananatiling bukas ang aking isipan, at ang ating ugnayan ay  mananatiling tapat.
Isinusulong po natin ang Fiscal Responsibility Bill, kung saan hindi  tayo magpapasa ng batas na mangangailangan ng pondo kung hindi pa  natukoy ang panggagalingan nito. May 104.1 billion pesos tayong  kailangan para pondohan ang mga batas na naipasa na, ngunit hindi  maipatupad.
Kailangan din nating isaayos ang mga insentibong piskal na ibinigay  noong nakaraan. Ngayong naghihigpit tayo ng sinturon, kailangang balikan  kung alin sa mga ito ang dapat manatili at kung ano ang dapat nang  itigil.
Huwag po tayong pumayag na magkaroon ng isa pang NBN-ZTE. Sa lokal man o  dayuhan manggagaling ang pondo, dapat dumaan ito sa tamang proseso.  Hinihingi ko po ang tulong ninyo upang amiyendahan ang ating Procurement  Law.
Ayon po sa Saligang Batas, tungkulin ng estado ang siguruhing walang  lamangan sa merkado. Bawal ang monopolya, bawal ang mga cartel na  sasakal sa kumpetisyon. Kailangan po natin ng isang Anti-Trust Law na  magbibigay-buhay sa mga prinsipyong ito. Ito ang magbibigay ng  pagkakataon sa mga Small- at Medium-scale Enterprises na makilahok at  tumulong sa paglago ng ating ekonomiya.
Ipasa na po natin ang National Land Use Bill.
Una rin pong naging batas ng Commonwealth ang National Defense Act, na  ipinasa noon pang 1935. Kailangan nang palitan ito ng batas na tutugon  sa pangangailangan ng pambansang seguridad sa kasalukuyan.
Nakikiusap po akong isulong ang Whistleblower’s Bill upang patuloy nang  iwaksi ang kultura ng takot at pananahimik.
Palalakasin pa lalo ang Witness Protection Program. Alalahanin po natin  na noong taong 2009 hanggang 2010, may nahatulan sa 95% ng mga kaso kung  saan may witness na sumailalim sa programang ito.
Kailangang repasuhin ang ating mga batas. Nanawagan po akong umpisahan  na ang rekodipikasyon ng ating mga batas, upang siguruhing magkakatugma  sila at hindi salu-salungat.
Ito pong mga batas na ito ang batayan ng kaayusan, ngunit ang pundasyon  ng lahat ng ginagawa natin ay ang prinsipyong wala tayong mararating  kung walang kapayapaan at katahimikan.
Dalawa ang hinaharap nating suliranin sa usapin ng kapayapaan: ang  situwasyon sa Mindanao, at ang patuloy na pag-aaklas ng CPP-NPA-NDF.
Tungkol sa situwasyon sa Mindanao: Hindi po nagbabago ang ating pananaw.  Mararating lamang ang kapayapaan at katahimikan kung mag-uusap ang  lahat ng apektado: Moro, Lumad, at Kristiyano. Inatasan na natin si Dean  Marvic Leonen na mangasiwa sa ginagawa nating pakikipag-usap sa MILF.
Iiwasan natin ang mga pagkakamaling nangyari sa nakaraang  administrasyon, kung saan binulaga na lang ang mga mamamayan ng  Mindanao. Hindi tayo puwedeng magbulag-bulagan sa mga dudang may kulay  ng pulitika ang proseso, at hindi ang kapakanan ng taumbayan ang tanging  interes.
Kinikilala natin ang mga hakbang na ginagawa ng MILF sa pamamagitan ng  pagdidisplina sa kanilang hanay. Inaasahan natin na muling magsisimula  ang negosasyon pagkatapos ng Ramadan.
Tungkol naman po sa CPP-NPA-NDF: handa na ba kayong maglaan ng  kongkretong mungkahi, sa halip na pawang batikos lamang?
Kung kapayapaan din ang hangad ninyo, handa po kami sa malawakang  tigil-putukan. Mag-usap tayo.
Mahirap magsimula ang usapan habang mayroon pang amoy ng pulbura sa  hangin. Nananawagan ako: huwag po natin hayaang masayang ang  napakagandang pagkakataong ito upang magtipon sa ilalim ng iisang  adhikain.
Kapayapaan at katahimikan po ang pundasyon ng kaunlaran. Habang  nagpapatuloy ang barilan, patuloy din ang pagkakagapos natin sa  kahirapan.
Dapat din po nating mabatid: ito ay panahon ng sakripisyo. At ang  sakripisyong ito ay magiging puhunan para sa ating kinabukasan. Kaakibat  ng ating mga karapatan at kalayaan ay ang tungkulin natin sa kapwa at  sa bayan.
Inaasahan ko po ang ating mga kaibigan sa media, lalo na sa radyo at sa  print, sa mga nagbablock-time, at sa community newspapers, kayo na po  mismo ang magbantay sa inyong hanay.
Mabigyang-buhay sana ang mga batayang prinsipyo ng inyong bokasyon: ang  magbigay-linaw sa mahahalagang isyu; ang maging patas at makatotohanan,  at ang itaas ang antas ng pampublikong diskurso.
Tungkulin po ng bawat Pilipino na tutukan ang mga pinunong tayo rin  naman ang nagluklok sa puwesto. Humakbang mula sa pakikialam tungo sa  pakikilahok. Dahil ang nakikialam, walang-hanggan ang reklamo. Ang  nakikilahok, nakikibahagi sa solusyon.
Napakatagal na pong namamayani ang pananaw na ang susi sa asenso ay ang  intindihin ang sarili kaysa intindihin ang kapwa. Malinaw po sa akin:  paano tayo aasenso habang nilalamangan ang kapwa?
Ang hindi nabigyan ng pagkakataong mag-aral, paanong makakakuha ng  trabaho? Kung walang trabaho, paanong magiging konsumer? Paanong  mag-iimpok sa bangko?
Ngunit kung babaliktarin natin ang pananaw—kung iisipin nating  “Dadagdagan ko ang kakayahan ng aking kapwa"—magbubunga po ito, at ang  lahat ay magkakaroon ng pagkakataon.
Maganda na po ang nasimulan natin. At mas lalong maganda po ang  mararating natin. Ngunit huwag nating kalimutan na mayroong mga  nagnanasang hindi tayo magtagumpay. Dahil kapag hindi tayo nagtagumpay,  makakabalik na naman sila sa kapangyarihan, at sa pagsasamantala sa  taumbayan.
Akin pong paniwala na Diyos at taumbayan ang nagdala sa ating  kinalalagyan ngayon. Habang nakatutok tayo sa kapakanan ng ating kapwa,  bendisyon at patnubay ay tiyak na maaasahan natin sa Poong Maykapal. At  kapag nanalig tayo na ang kasangga natin ay ang Diyos, mayroon ba tayong  hindi kakayanin?
Ang mandato nating nakuha sa huling eleksyon ay patunay na umaasa pa rin  ang Pilipino sa pagbabago. Iba na talaga ang situwasyon. Puwede na  muling mangarap. Tayo nang tumungo sa katuparan ng ating mga pinangarap.
Maraming salamat po.