Saturday, June 27, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 55 -68

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Halina Laura Ko (stanza 55-68)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1.Pang-uyam

ang kabangisan mo'y pinasasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung di inagaw."



Buod:

Panay hinagpis ang iniisip nang naghihirap na si Florante. Mahal niya si Laura pero tuwing naiisip niya ito na kapiling ni Konde Adolfo, magkahalong galit at pag seselos ang kaniyang nararamdaman. Nanghihinayang siya sa kanilang pag-iibigan na inisip niyang inagaw ni sa kaniya ni Konde Adolfo ang pag-ibig ni Laura.

Sa kaniyang paghihirap, hinahanap niya si Laura at hinihiling na siya ay damayan at tingnan ang kaniyang paghihirap. Naniniwala siya na isang haplos lang ni Laura ay mababawasan na ang kaniyang mga nararamadaman niyang sakit. Malungkot siya sa nangyari sa kaniyang mga magulang pati ang pagkawala ng kaniyang mga kaibigan. Sinabi niya na matitiis niya lahat pero hindi ang pagkalimot at pagtataksil sa kaniya ni Laura. Ito ang iniisip niyang magbibigay sa kanya ng kamatayan.




FLORANTE AT LAURA (stanza 55-68)

55
"Halina, Laura ko't aking kailangan
ngayon, ang lingap mo nang naunang araw;
ngayon hinihingi ang iyong pagdamay--
ang abang sinta mo'y nasa kamatayan.

56
"At ngayong malaki ang aking dalita
ay di humahanap ng maraming luha;
sukat ang kapatak na makaapula,
kung sa may pagsintang puso mo'y magmula.

57
"Katawan ko ngayo'y siyasatin, ibig,
tingnan ang sugat kong di gawa ng kalis;
hugasan ang dugong nanalong sa gitgit
sa kamay ko, paa't natataling liig.

58
"Halina, irog ko't ang damit ko'y tingnan,
ang hindi mo ibig dumamping kalawang:
kalagin ang lubid at iyong bihisan,
matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan.

59
"Ang mga mata mo ay iyong ititig
dini sa anyo kong sadlakan ang sakit,
upang di mapigil ang takbong mabilis
niring abang buhay sa ikapapatid.

60
"Wala na Laura't ikaw na nga lamang
ang makalulunas niring kahirapan;
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay!

61
"Nguni, sa aba ko! Ay, sa laking hirap!
wala na si Laurang laging tinatawag!
napalayu-layo't di na lumiliyag,
ipinagkanulo ang sinta kong tapat.

62
"Sa abang kandunga'y ipinagbiyaya
ang pusong akin na at ako'y dinaya;
buong pag-ibig ko'y ipinanganyaya,
nilimot ang sinta'y sinayang ang luha.

63
"Alin pa ang hirap na di sa akin
may kamatayan pang di ko daramdamin?
ulila sa ama't inang nag-angkin,
walang kaibiga't nilimot ng giliw.

64
"Dusa sa puri kong kusang siniphayo,
palasong may lasong natirik sa puso;
habag sa ama ko'y tunod na tumimo,
ako'y sinusunog niring panibugho.

65
"Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
pagdaya ni Laura ang kumakamandag;
dini sa buhay ko'y siyang magsasadlak
sa libingang laan ng masamang palad.

66
"O, Konde Adolfo, inilapat mo man
sa akin ang hirap ng sansinubukan,
ang kabangisan mo'y pinasasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung di inagaw."

67
Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat;
tinangay ang diwa't karamadamang hawak
ng buntunghininga't luhang lumagaslas.

68
Sa puno ng kahoy na napayukayok;
ang ibig ay supil ng lubid na gapos;
bangkay na mistula't ang kulay ng burok
ng kanyang mukha'y naging puting lubos.

No comments: