Wednesday, April 9, 2008

BERNARDO CARPIO-ALAMAT SA RIZAL(2)

BERNARDO CARPIO-ALAMAT SA RIZAL(2)
Ito ang isang bersiyon ng alamat. Ang isa ay makikita dito.

Noong unang panahon, may mag-asawang mahirap na naninirahan sa isa sa maraming bundok ng San Mateo, Rizal. Nguni't sa pagdarahop nila sa buhay at sa madlang dalita na kanilang tinitiis ay may dumating na kaligayahan. Ang babae ay nanganak, isang araw, ng isang malaki't malusog na sanggol na lalaki. Bernardo Carpio ang kanilang ipinangalan sa bagong silang na sanggol.

Si Bernardo Carpio ang siyang naging kayamanan ng kanyang maralitang magulang. Katulad ng ibang bata, siya ay mahilig sa paglalaro. Nguni't may isang bagay na naging kapansin-pansin kay Bernardo, ang kanyang di-pangkaraniwang lakas.

Sinasabing nang siya'y bago pa lamang gumagapang at nagsisimula pa lamang sa pag-usad-usad, ang mga pako ng sahig na makawit ng kanyang kuko ay nangabubunot ng lahat. Sa kanyang pangangabay, ang mga kahoy na kanyang matangnan ay nangababali at nagkakadurug-durog. Gayon din naman angmga laruang ipinanlilibang sa kanya ng mga magulang ay nangawawasak at nagkakalasug-lasog sa kanyang mga palad.

Sa kanyang paglaki ay lalong nag-ibayo ang dating lakas ni Bernardo Carpio. Lumaganap ang kanyang katangian hindi lamang sa pagiging isang malakas na binata kundi sa pagiging isang makisig at magandang lalaki pa. Kasakbay ng pambihirang lakas ay ang katapangang walang pangalawa. Ano pa't ang lahat ng mga lalaki sa bayan ay talo niya sa lakas at tapang kaya ang bawat isa sa kanila ay kusang umuurong kay Bernardo Carpio.

Di katulad ng karaniwang lalaki si Bernardo ay di mahilig sa kasayahan at mga pagtitipon. Ang halina ng mga naggagandahang dalaga sa bayan ay di gaanong makaakit sa kanya. Sa halip nito, ang kinahumalingan ni Bernardo ay ang panggungubat.

Natagpuan niya ang lubusang kasiyahan sa kagubatan. Kung saan makakapal ang punong kahoy ay doon siya naglalagi. At ang lagi niyang kalaru-laro at matatalik na kaibigan ay ang mga hayop sa kagubatan.

Sa gubat na madalas niyang patunguhan ay may nakatirang isang enkantado. Ang enkantadong ito'y isang malaki't malakas na lalaki. Nguni't siya'y may ugaling mainggitin at mapanghamak. Sa madalas na pagtungo ni Bernardo sa kagubatan ay napagmalas siya ng engkantado.

Dumating din sa pandinig ng mainggitin ang kabantugan ng malaki't matipunong binata sa kalakasan.

Natitiyak ng engkantado na ang binata ay hindi mananalo sa kanya kung sila ay magsusukatan ng lakas. Isang araw, si Bernardo ay inabangan ng engkantado. Pagkakita sabinata, ito ay hinamon ng away. Ang binata ay walang inuurungang sino man kaya't dali-daling tinanggap niya ang hamon.

At sila ay naglaban. Ito ay sinundan pa ng iba't ibang paligsahan na pawang ginagamitan ng lakas. Sa lahat nang ito ang engkantado ay siyang natalo.

Sila'y naghiwalay ng lumaon. Nguni't sa puso ng talunan ay nakatago ang lihim na galit at poot sa tumalo sa kanya. Naghintay siya ng pagkakataong maipaghiganti ang tinamong pagkakatalo at kahihiyan.

Sa muli nilang pagkikita ni Bernardo, ito ay kanyang inanyayahan sa isang liblib na panig ng gubat. Sa pook na iyon ay may dalawang naglalakihang batong magkaagapay. Diumano, sa pagitan ng dalawang bato naroroon ang tahanan ng nag-aanyaya. Pinatuloy ng engkantado ang binata sa pook na iyon. Nang itong huli ay nasa pagitan na ng dalawang bato, ang engkantado ay nawalang tila kinain ng laho. At biglang-biglang ang mga bato ay umikom. Sa tulong ng kanyang matitipunong bisig, pinilit na pigilin ni Bernardo ang pag-ikom ng mga bato upang siya ay hindi maipit.

Ayon sa ating mga matatanda, hanggang ngayon ay naroroon pa si Bernardo Carpio at patuloy na pinipigil ang pag-ikom ng dalawang bato. Kapag lumilindol, sinasabing si Bernardo ay kumikilos at ibig makawala.

No comments: