Tuesday, June 30, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 1-11

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Mapanglaw na Gubat (stanza 1-11)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1. Metapora o pagwawangis

Stanza 9
Baguntaong basal na ang anyo't tindig,
kahit natatali-kamay paa't liig,
kundi si Narciso'y tunay na Adonis,
mukhang sumisilang sa gitna ng sakit


Simili at metapora

stanza 9

pilikmata'y kilay-mistulang balantok;
bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,


2.Paglilipat-wika - pagbibigay-katauhan na pinasasabagay ang mga katangiang pantao, na ginagamit ang pang-uri.

Stanza 1

Sa isang madilim, gubat na mapanglaw,


3. Personipikasyon-binigyan ng katangian pantao ang kahoy.
Stanza 2

Malalaking kahoy-ang ang inihahandog
pawang dalamhati, kahapisa't lungkot;



Buod:

Kung babasahin ang stanza 1-11, ito
ay naglalahad kung saan ang isang taong
inihalintulad kay Adonis ay nakatali sa isang
malaking puno sa gitna ng gubat na madilim.

Ang gubat na punong-puno ng mga mababangis na hayup
ay madilim dahil sa mga naglalakihang puno ay inihalintulad
sa pinto ng papunta sa Impyerno.


Florante at Laura (stanza 1 to 11)

1
Sa isang madilim, gubat na mapanglaw,
dawag na matinik ay walang pagitan,
halos naghihirap ang kay Febong silang
dumalaw sa loob ng lubhang masukal.

2
Malalaking kahoy-ang ang inihahandog
pawang dalamhati, kahapisa't lungkot;
huni pa ng ibon ay nakalulunos
sa lalong matimpi't nagsasayang loob.

3
Tanang mga baging namimilipit
sa sanga ng kahoy ay balot ng tinik;
may bulo ang bunga't nagbibigay-sakit
sa kanino pa mang sumagi't malapit.

4
Ang mga bulaklak ng nagtayong kahoy,
pinakamaputing nag-uungos sa dahon;
pawang kulay luksa at nakikiayon
sa nakaliliyong masangsang na amoy.

5
Karamiha'y Cipres at Higerang kutad
na ang lilim niyon ay nakasisindak;
ito'y walang bunga't daho'y malalapad
na nakadidilim sa loob ng gubat.

6
Ang mga hayop pang dito'y gumagala,
karamiha'y Sierpe't Basilisco'y madla,
Hiena't Tigreng ganid na nagsisisila
ng buhay ng tao't daiging kapuwa.

7
Ito'y gubat manding sa pinto'y malapit
ng Avernong Reyno ni Plutong masungit;
ang nasasakupang lupa'y dinidilig
ng Ilog Cocitong kamandag ang tubig.

8
Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat,
may punong Higerang daho'y kulay pupas;
dito nagagapos ang kahabag-habag,
isang pinag-usig ng masamang palad.

9
Baguntaong basal na ang anyo't tindig,
kahit natatali-kamay paa't liig,
kundi si Narciso'y tunay na Adonis,
mukhang sumisilang sa gitna ng sakit.

10
Makinis ang balat at anaki'y burok
pilikmata'y kilay-mistulang balantok;
bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,
sangkap ng katawa'y pawang magkaayos.

11
Dangan doo'y walang Oreadas Nimfas,
gubat ng Palasyo ng masidhing Harpias,
nangaawa disi't naakay lumiyag
sa himalang tipon ng karikta'y hirap.


Monday, June 29, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 12-20

Summary of FLORANTE AT LAURA
Reyno Albania (stanza 12-20)


Mga tayutay namakikita sa tula.
Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1.Simili

Stanza 12
ang dalawang mata'y bukal ang kaparis;


2.Apostrope o pagtawag- pagtanong o panawagan na akala mo ay tao.
Stanza 13

"Mahiganting langit! bangis mo'y nasaan?

Stanza 19

"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!


3.Personipikasyon-binigyan ng katangian pantao ang ugali.

Stanza 17

"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi't nakayuko



Buod

Naghihinagpis ang lalaking nakatali sa malaking puno. Puno ng luha ang kanyang mata habang naiisip niya na ang kaharian ng Albanya ay pinaghaharian ng kasamaan at kataksilan.

Naniniwala siya na sa Kaharian ng Albanya, Ang mga gawaing mabubuti ay siyang pinaparusahan at ang gawang masasama ang binibigyan ng gantimpala dahil lamang sa nga inaasam na kayamanan at puring lumilipas.

Si Konde Adolfo ay may paghahangad sa kayamanan ng Duke at ang korona ng hari.



FlORANTE AT LAURA stanzas 12-20

12
Ang abang uyamin ng dalita't sakit-
ang dalawang mata'y bukal ang kaparis;
sa luhang nanakit at tinangis-tangis,
ganito'y damdamin ng may awang dibdib.

13
"Mahiganting langit! bangis mo'y nasaan?
ngayo'y naniniig sa pagkagulaylay;
bago'y ang bandila ng lalong kasam-an
sa Reynong Albania'y iwinawagayway.

14
"Sa loob at labas ng bayan ko sawi,
kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa't pighati.

15
"Ang magandang asal ay ipinupukol
sa laot ng dagat na kutya't linggatong;
balang magagaling ay ibinabaon
at inililibing na walang kabaong.

16
"Nguni ay ang lilo't masasamang-loob
sa trono ng puri ay iniluluklok;
at sa balang sukab na may asal-hayop,
mabangong insenso ang isinusuob.

17
"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi't nakayuko;
santong katuwira'y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinatutulo.

18
"At ang balang bibig na binubukalan
ng sabing magaling at katotohanan,
agad binibiyak at sinisikangan
ng kalis ng lalong dustang kamatayan.

19
"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!

20
"Sa korona dahil ng Haring Linceo
at sa kayamanan ng Dukeng Ama ko,
ang ipinangangahas ng Konde Adolfo
sabugan ng sama ang Albanyang Reyno.

Sunday, June 28, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 21-33

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Sawing Kapalaran (stanza 21-33)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1. Apostrope o pagtawag - isang panawagan o pakiusap sa isang bagay na tila ito ay isang tao

Stanza 21

"Ang lahat ng ito'y maawaing Langit,
Iyong tinutungha'y ano't natitiis?
mula Ka ng buong katuwira't bait,
pinapayagan Mong ilubog ng lupit.


Stanza`22

"Makapangyarihang kanan Mo'y ikilos,
papamilantikan ang kalis ng poot;
sa Reynong Albanya'y kusang ibulusok
ang Iyong higanti sa masamang-loob.


Stanza 23
"Bakit Kalangita'y bingi Ka sa akin,
ang tapat kong luhog ay hindi Mo dinggin?
diyata't sa isang alipusta't iring,
sampung tainga mo'y ipinangunguling?


Stanza 25

"Ay! di saan ngayon ako mangangapit!
saan ipupukol ang tinangis-tangis,
kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit

ang sigaw ng aking malumbay na boses!

Stanza 31

"Nguni, sa aba ko! sawing kapalaran!

2. Metapora o pagwawangis

stanza 27

"At dito sa laot ng dusa't hinagpis,

Buod


Tinanong ni Florante bakit hinahayaan ng Langit na mangyari sa kaniya ang masamang kapalaran na umabot sa kaniya. Bakit hindi siya pinapakinggan sa kaniyang paghingi ng tulong? Dinadasal niya na parusahan ang nagkasala.

Nang bandang huli nanaig pa rin kay Florante ang paniniwala sa Diyos na may dahilan kaya nangyayari yaon. Matatanggap niya ang pagdurusa pero ang hiling lang niya ay huwag siyang makalimutan ni Laura.

Nang maisip naman niya na marahil ay nasa piling na ni konde Adolfo ang kasintahan niyang si Laura lalo siyang nalungkot at hiniling na siya mamatay na. Dahil sa kalungkutan ay nawalan na naman ng malay tao si Florante habang umiiyak.



FLORANTE AT LAURA (stanzas 21 to 33)

21
"Ang lahat ng ito'y maawaing Langit,
Iyong tinutungha'y ano't natitiis?
mula Ka ng buong katuwira't bait,
pinapayagan Mong ilubog ng lupit.

22
"Makapangyarihang kanan Mo'y ikilos,
papamilantikan ang kalis ng poot;
sa Reynong Albanya'y kusang ibulusok
ang Iyong higanti sa masamang-loob.

23
"Bakit Kalangita'y bingi Ka sa akin,
ang tapat kong luhog ay hindi Mo dinggin?
diyata't sa isang alipusta't iring,
sampung tainga mo'y ipinangunguling?

24
"Datapuwa't sino ang tatarok kaya
sa mahal Mong lihim, Diyos na dakila?
walang nangyayari sa balat ng lupa,
di may kagalingang Iyong ninanasa.

25
"Ay! di saan ngayon ako mangangapit!
saan ipupukol ang tinangis-tangis,
kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit
ang sigaw ng aking malumbay na boses!

26
"Kung siya mong ibig na ako'y magdusa,
Langit na mataas, aking mababata;
isagi mo lamang sa puso ni Laura--
ako'y minsan-minsang mapag-alaala."


**Epekto ng Panibugho kay Florante**


27

malawak na lubhang aking tinawid,
gunita ni Laura sa naabang ibig,
siya ko na lamang ligaya sa dibidib.

28
"Munting gunamgunam ng sinta ko't mutya
nang dahil sa aki'y dakila kong tuwa;
higit na malaking hirap at dalita,
parusa ng taong lilo't walang awa.

29
"Sa pagkagapos ko'y kung gunigunihin,
malamig nang bangkay akong nahihimbing;
na tinatagisan ng sula ko't giliw,
ang pagkabuhay ko'y walang hangga mandin.

30
"Kung apuhapin ko sa sariling isip,
ang suyuan namin ng pili kong ibig;
ang pagluha niya kung ako'y may hapis,
nagiging ligaya yaring madlang sakit.

31
"Nguni, sa aba ko! sawing kapalaran!
ano pang halaga ng gayong suyuan ...
kung ang sing-ibig ko'y sa katahimikan
ay humuhilig na sa ibang kandungan?

32
"Sa sinapupunan ni Konde Adolfo,
aking natatanaw si Laurang sinta ko;
kamataya'y nahan ang dating bangis mo,
nang di ko damdamin ang hirap na ito?"

33
Dito hinimatay sa paghihinagpis,
sumuko ang puso sa dahas ng sakit;
ulo'y nalungayngay, luha'y bumalisbis,
kinagagapusang kahoy ay nadilig.

Saturday, June 27, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 55 -68

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Halina Laura Ko (stanza 55-68)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1.Pang-uyam

ang kabangisan mo'y pinasasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung di inagaw."



Buod:

Panay hinagpis ang iniisip nang naghihirap na si Florante. Mahal niya si Laura pero tuwing naiisip niya ito na kapiling ni Konde Adolfo, magkahalong galit at pag seselos ang kaniyang nararamdaman. Nanghihinayang siya sa kanilang pag-iibigan na inisip niyang inagaw ni sa kaniya ni Konde Adolfo ang pag-ibig ni Laura.

Sa kaniyang paghihirap, hinahanap niya si Laura at hinihiling na siya ay damayan at tingnan ang kaniyang paghihirap. Naniniwala siya na isang haplos lang ni Laura ay mababawasan na ang kaniyang mga nararamadaman niyang sakit. Malungkot siya sa nangyari sa kaniyang mga magulang pati ang pagkawala ng kaniyang mga kaibigan. Sinabi niya na matitiis niya lahat pero hindi ang pagkalimot at pagtataksil sa kaniya ni Laura. Ito ang iniisip niyang magbibigay sa kanya ng kamatayan.




FLORANTE AT LAURA (stanza 55-68)

55
"Halina, Laura ko't aking kailangan
ngayon, ang lingap mo nang naunang araw;
ngayon hinihingi ang iyong pagdamay--
ang abang sinta mo'y nasa kamatayan.

56
"At ngayong malaki ang aking dalita
ay di humahanap ng maraming luha;
sukat ang kapatak na makaapula,
kung sa may pagsintang puso mo'y magmula.

57
"Katawan ko ngayo'y siyasatin, ibig,
tingnan ang sugat kong di gawa ng kalis;
hugasan ang dugong nanalong sa gitgit
sa kamay ko, paa't natataling liig.

58
"Halina, irog ko't ang damit ko'y tingnan,
ang hindi mo ibig dumamping kalawang:
kalagin ang lubid at iyong bihisan,
matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan.

59
"Ang mga mata mo ay iyong ititig
dini sa anyo kong sadlakan ang sakit,
upang di mapigil ang takbong mabilis
niring abang buhay sa ikapapatid.

60
"Wala na Laura't ikaw na nga lamang
ang makalulunas niring kahirapan;
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay!

61
"Nguni, sa aba ko! Ay, sa laking hirap!
wala na si Laurang laging tinatawag!
napalayu-layo't di na lumiliyag,
ipinagkanulo ang sinta kong tapat.

62
"Sa abang kandunga'y ipinagbiyaya
ang pusong akin na at ako'y dinaya;
buong pag-ibig ko'y ipinanganyaya,
nilimot ang sinta'y sinayang ang luha.

63
"Alin pa ang hirap na di sa akin
may kamatayan pang di ko daramdamin?
ulila sa ama't inang nag-angkin,
walang kaibiga't nilimot ng giliw.

64
"Dusa sa puri kong kusang siniphayo,
palasong may lasong natirik sa puso;
habag sa ama ko'y tunod na tumimo,
ako'y sinusunog niring panibugho.

65
"Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
pagdaya ni Laura ang kumakamandag;
dini sa buhay ko'y siyang magsasadlak
sa libingang laan ng masamang palad.

66
"O, Konde Adolfo, inilapat mo man
sa akin ang hirap ng sansinubukan,
ang kabangisan mo'y pinasasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung di inagaw."

67
Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat;
tinangay ang diwa't karamadamang hawak
ng buntunghininga't luhang lumagaslas.

68
Sa puno ng kahoy na napayukayok;
ang ibig ay supil ng lubid na gapos;
bangkay na mistula't ang kulay ng burok
ng kanyang mukha'y naging puting lubos.

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 34-54

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Mga Hinaing ng Kawawa (stanza 34-54)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1. Personipikasyon

stanza 36
aakayin biglang umiyak ang puso,

2. Apostrope

stanza 39
"Ay! Laurang poo'y bakit isinuyo
sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
at pinagliluhan ang tapat na puso,
pinaggugulan mo ng luhang tumulo?


Stanza 40
"Di sinumpaan mo sa harap ng Langit
na di maglililo sa aking pag-ibig?


3. Metapora o pagwawangis

Stanza 43
dalawa mong mata'y nanalong ng perlas?

4. Simili
stanza 44

ang parang korales na iyong daliri,

Buod:

Ang mga stanzas na ito ay ang patuloy na kalunos-lunos na anyo ni Florante na lalong pinasidhi nang mga alaala ni Laura noong sila ay masaya pa.

Naalala niya kung gaano ang pag-asikaso sa kaniya ni Laura kapag siya ay papunta sa pakikipaglaban. Si Laura ang mismong nag-aasikaso sa kaniyang mga susuutin at kapag umuwi na siya ay umiiyak pa rin ito sa pangamba na siya ay napahamak.

Tinatanong ni Florante kung nasaan na lahat ang luha na iniiyak ni Laura at bakit siya ay pinagtaksilan.



FLORANTE AT LAURA (stanzas 34 to 54)
34
Magmula sa yapak hanggang sa ulunan,
nalimbag ang bangis ng kapighatian;
at ang panibugho'y gumamit ng asal
na lalong marahas, lilong kamatayan.

35
Ang kahima't sinong hindi maramdamin,
kung ito'y makita magmamahabagin;
matipid na luha ay paaagusin,
ang nagparusa ma'y pilit hahapisin.

36
Sukay na ang tingnan ang lugaming anyo
nitong sa dalita'y hindi makakibo,
aakayin biglang umiyak ang puso,
kung wala nang luhang sa mata'y itulo.

37
Gaano ang awang bubugso sa dibdib
ng may karamdamang maanyong tumitig,
kung ang panambita't daing ay marinig
nang mahimasmasan ang tipon ng sakit?

38
Halos buong gubat ay nasasabugan
ng dinaing-daing lubhang malumbay,
na inuulit pa at isinisigaw
sagot sa malayo niyong alingawngaw.

39
"Ay! Laurang poo'y bakit isinuyo
sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
at pinagliluhan ang tapat na puso,
pinaggugulan mo ng luhang tumulo?

40
"Di sinumpaan mo sa harap ng Langit
na di maglililo sa aking pag-ibig?
ipinabigay ko naman yaring dibdib,
wala sa gunita itong masasapit!

41
"Katiwala ako't ang iyong kariktan,
kapilas ng langit anaki'y matibay;
tapat ang puso mo't di nagunamgunam
na ang paglililo'y nasa kagandahan.

42
"Hindi ko akalaing iyong sasayangin
maraming luha mong ginugol sa akin;
taguring madalas na ako ang giliw,
mukha ko ang lunas sa madlang hilahil.

43
"Di kung ako'y utusang manggubat
ng hari mong ama sa alinmang Ciudad,
kung ginagawa mo ang aking sagisag,
dalawa mong mata'y nanalong ng perlas?

44
"Ang aking plumahe kung itinatahi
ang parang korales na iyong daliri,
buntunghininga mo'y nakikiugali
sa kilos ng gintong ipinananahi.

45
"Makailan Laurang sa aki'y iabot,
basa pa ng luha bandang isusuot;
ibinibigay mo ay naghihimutok,
takot masugatan sa pakikihamok.

46
"Baluti't koleto'y di mo papayagang
madampi't malapat sa aking katawan,
kundi tingnan muna't baka may kalawang
ay nanganganib kang damit ko'y marumhan.

47
"Sinisiyasat mo ang tibay at kintab
na kung sayaran man ng taga'y dumulas;
at kung malayo mang iyong minamalas,
sa gitna ng hukbo'y makilala agad.

48
"Pahihiyasan mo ang aking turbante
ng perlas, topasyo't maningning na rubi;
bukod ang magalaw na batong d'yamante,
puno ng ngalan mong isang letrang L.

49
"Hanggang ako'y wala't nakikipaghamok,
nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob;
manalo man ako'y kung bagong nanasok,
nakikita mo na'y may dala pang takot.

50
"Buong panganib mo'y baka nagkasugat,
di maniniwala kung di masiyasat;
at kung magkagurlis nang munti sa balat,
hinuhugasan mo ng luhang nanatak.

51
"Kung ako'y mayroong kahapisang munti,
tatanungin mo na kung ano ang sanhi;
hanggang di malining ay idinarampi
sa mga mukha ko ang rubi mong labi.

52
"Hindi ka tutugot kung di matalastas,
kakapitan mo nang mabigyan ng lunas;
dadalhin sa hardi't doon ihahanap
ng ikaaaliw sa mga bulaklak.

53
"Iyong pipitasin ang lalong marikit,
dini sa liig ko'y kusang isasabit;
tuhog na bulaklak sadyang salit-salit,
pag-uupandin mong lumbay ko'y mapaknit.

54
"At kung ang hapis ko'y hindi masawata,
sa pilikmata mo'y dadaloy ang luha;
napasaan ngayon ang gayong aruga,
sa dala kong sakit ay di iapula?

Friday, June 26, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 69-82

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Ang Pagdating ng Guererong Moro (stanza 69-82)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1. Simili


Stanza 72

sa mata ng luhang anaki'y palaso.


2. Metapora

stanza 74

di rin kumakati ang batis ng luha;


3. Personipikasyon

Stanza 77
bubuga ng libo't laksang kamatayan!


Buod ng Florante at Laura

Ito ang bahagi kung saan ang isa sa mga popular na saknong ay nawika ng isang Gererong Muslim dahil sa pagmamahal niya kay Flerida, ang kaniyang mutya.


"O, pagsintang labis ng kapangyarihan,
sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;
pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaking lahat masunod ka lamang!


Hindi katulad ni Florante na nakagaos, siya ay malayang naglalakad ngunit ang isipang
tungkol sa kaniyang sinisintang si Flerida ay nagpapahina rin sa kaniya.
Ibig niyang kalimutan ang kaniyang kasawian pero nanaig sa kaniya ang pag-ibig at maliban kung ang ama niya ay umagaw sa kaniya kay Flerida, ang iba ay kaniyang papatayin.

FLORANTE AT LAURA (stanza 69-82)

69
Nagkataong siyang pagdating sa gubat
ng isang gererong bayani ang tikas,
putong na turbante ay kalingas-lingas
pananamit moro sa Persyang siyudad.

70
Pinigil ang lakad at nagtanaw-tanaw,
anaki'y ninitang pagpapahingahan,
di kaginsa-ginsa'y ipinagtapunan
ang pika't adarga't nagdaop ng kamay.

71
Saka tumingala't mata'y itinirik
sa bubong ng kahoy na takip sa Langit,
istatuwa manding nakatayo'y umid,
ang buntunghininga niya'y walang patid.

72
Nang magdamdam-ngawit sa pagayong anyo,
sa puno ng isang kahoy ay umupo,
nagwikang "O palad!" sabay ang pagtulo
sa mata ng luhang anaki'y palaso.

73
Ulo'y ipinatong sa kaliwang kamay
at saka tinutop ang noo ng kanan;
isang mayroong ginugunamgunam--
isang mahalagang nalimutang bagay.

74
Malao'y humilig, nagwalang-bahala,
di rin kumakati ang batis ng luha;
sa madlang himutok ay kasalamuha
ang wikang: "Flerida'y tapos na ang tuwa!"

75
Sa balang sandali ay sinasabugan
yaong buong gubat ng maraming "Ay! Ay!"
na nakikitono sa huning mapanglaw
ng panggabing ibong doo'y nagtatahan.

76
Pamaya-maya'y nabangong nagulat,
tinangnan ang pika't sampu ng kalasag;
nalimbag sa mukha ang bangis ng furias--
"Di ko itutulot!" ang ipinahayag.

77
"At kung kay Flerida'y iba ang umagaw
at di ang ama kong dapat na igalang,
hindi ko masabi kung ang pikang tangan--
bubuga ng libo't laksang kamatayan!

78
"Bababa si Marte mula sa itaas
at kailalima'y aahon ang Parcas;
buong galit nila ay ibubulalas,
yayakagin niring kamay kong marahas!

79
"Sa kuko ng lilo'y aking aagawin
ang kabiyak niring kaluluwang angkin;
liban na kay ama, ang sinuma't alin
ay di igagalang ng tangang patalim.

80
"O, pagsintang labis ng kapangyarihan,
sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;
pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaking lahat masunod ka lamang!

81
"At yuyurakan na ang lalong dakila--
bait, katuwira'y ipanganganyaya;
buong katungkula'y wawal-ing-bahala,
sampu ng hininga'y ipauubaya.

82
"Itong kinaratnan ng palad ko linsil
salaming malinaw na sukat mahalin
ng makatatatap, nang hindi sapitin
ang kahirapan kong di makayang bathin."