Showing posts with label Alamat. Show all posts
Showing posts with label Alamat. Show all posts

Tuesday, August 12, 2008

ALAMAT NG KASOY

ALAMAT NG KASOY

cashew
Ang Kasoy ay hugis batingaw o kampana, dilaw at matamis kapag ito ay hinog. Kaiba sa ibang prutas, ang buto ng kasoy ay nasa labas.

Kung bakit nasa labas ang buto ang paksa ng alamat ng kasoy.

Noong matagal nang panahon ay may ginanap na pagdiriwang sa gubat. Lahat ng mga hayop ay dumalo. Masaya sila at maingay.

Ang ingay at kasiyahan ang nakarating sa buto ng kasoy na nasa loob ng prutas.

“Ano kaya ang ingay sa labas?” tanong ng buto sa loob ng kasoy.

“Kung kaya ko lang ilabas ang sarili ko sa madilim na lugar na ito sana ay ginawa ko na.” Hinagpis ng buto.

Patuloy ang kasiyahan at ingay. Patuloy din ang dasal ng buto ng kasoy n asana ay makalabas siya para malaman kung ano ang sanhi ng ingay na yaon.

Nagkataong may diwata na nakarinig sa kanyang panalangin habang ito ay nakikisaya sa mga hayup sa gubat.

“Sino kaya ang nagdadasal na naririnig ko?” naisip ng diwata.

Nakiusap ulit ang buto ng kasoy kaya pinagbigyan ng diwata ang kahilingan nito.

Nakalabas ang buto at humanga siya sa ganda ng mundo.

“Ang mundo pala ay napaganda!” sigaw ng buto.

Kaya pinakiusap niya sa diwata na panatiliin na lang siya sa labas.


“Ang kahilingan mo ay matutupad” pangako ng diwata.

Natapos ang kasayahan at nangawala ang mga hayup, ibon at insekto.


Bumuhos ang napakalakas na ulan. Ang nakakabinging kulog ay may kasamang matatalim na kidlat.

Ang buto ay natatakot sa nakikita at naririnig niya. Nangangatal siya sa lamig at basang-basa sa ulan, tinawag niya ang diwata.
“Mahabaging diwata!” pakiusap ng buto. “Dinggin mo ako! Ibalik mo ako sa aking pinaggalingan. Ayoko nang manatili pa dito sa labas magpakailanman. Nakakasindak dito sa labas.” Iyak nito.
Ang kaawa awa niyang tinig ay hindi dininig ng diwata. Ang diwata ay nawala na.
Nang ang bagyo, dumating ang diwata at sinabi sa buto ng kasoy na mananatili siya sa labas bilang parusa sa kaniyang ginawang
Pagsuway sa batas ng Kalikasan.


Pagkatapos sabihin ito, umalis na ang diwata. Mula noon ang buto ay nanatili na sa labas ng kasoy.

Monday, August 11, 2008

Ang Alamat ng Palay


Ang Pinagmulan ng Palay


Noong unang araw, hindi nagtatanim ng halaman at hindi nag-aalaga ng hayop ang mga tao para may makain. Umaasa lamang sila sa kalikasan. Kaya tumitira sila kung saan may pagkain. May tumitira sa mga kuweba sa bundok at nabubuhay sa bungangkahoy at nahuhuling hayop.

May tumitira sa tabing ilog at dagat at nabubuhay sa pangingisda. Tumitira sila sa isang lugar hanggang may makakain at humahanap ng ibang lugar 'pag wala nang makain.
Kasama ng iba ang mga mag-asawang Banag at Danas sa paghahanap ng bagong lugar ng matitirhan. Dati silang nakatira sa tabing dagat. Ngunit sinira ng malakas na bagyo ang kanilang mga bahay sa tabing dagat. Natatakot silang muling abutin ng bagyo.
"Bakit lagi tayong lumilipat ng tirahan?" tanong ni Banag kay Danas. "Pagod na akong sa ganitong buhay. Hindi tuloy tayo magkaanak." Gusto ni Banag na humiwalay sila sa iba at mamalagi sa isang magandang pook. "Gusto kong isilang doon ang ating anak."
Sinunod ni Danas ang hiling ng asawa. Pumili sila ng isang magandang pook sa bundok at doon nagtayo ng munting bahay. Tahimik ang napili nilang pook sa bundok at sagana sa prutas at hayop na makakain. May malinaw na batis sa malapit at maraming isdang nahuhuli si Danas.

Ngunit biglang dumating ang tagtuyot. Matagal na hindi umulan at natuyo ang luupa. Namatay ang mga halaman at punongkahoy at nawala ang mga hayop at ibon. Namatay ang mga isda sa natuyong batis.

Naghanap ng pagkain sa malayo si Danas. Ngunit malawak ang dumating na tagtuyot. Naglakad siya nang naglakad at nakarating sa kabilang bundok ngunit wala pa rin siyang makitang pagkain.

Inabot ng matinding pagod si Danas sa gitna ng isang malapad na parang. Nahiga siya sa damuhan at nakatulog. Noon biglag humihip ang hangin at sumayaw at umawit ang mga damo. Nagising at nagulat si Danas.

Pinakinggan ni Danas ang awit ng mga damo. "Kami ang pag-asa ng tao, Danas. Pulutin mo ang aming mga bungang butil. Masarap na pagkain ang aming mga butil." Noon napansin ni Danas ang mga uhay ng damo. Hitik sa mga gintong butil ang bawat uhay. Pumitas siya ng isang butil at kinagat. "Bayuhin mo ang aming mga butil para maalis ang gintong balat," muling awit na masaya ng mga damo. Iluto mo ang puting laman ng butil para lumambot at maging masarap na pagkain."

Pumitas ng maraming uhay si Danas hanggang mapuno ang kanyan sisidlan at nagmamadaling umuwi kay Banag. "May pagkain na tayo ngayon," tuwang tuwang balita niya kay Banag. Tulad ng utos ng mga damo, inalisan nila ng balat ang mga butil at iniluto bago kinain.

Kinabukasan, nagbalik sa parang si Danas. "Itanim mo ang aming butil, " awit ng mga damo. "Itanim mo sa lupang pinalambot ng ulan. Tutubo ang mga butil at alagaan mo. Tuwing mag-aani ka'y maglaan ka ng mga butil para muling itanim at alagaan. Matuto kang magsaka at mag-alaga ng halaman at sa pagsasaka ka aasa ng ikabubuhay."
Biglang naramdaman ni Danas ang patak ng ulan. Nagdilim ang langit nang tumingala siya. "Palay ang itawag mo sa iyong pananim," awit ng mg damo na lalong sumigla ang pagsayaw pagbuhos ng malakas na ulan. "Ibalita mo sa ibang tao ang lahat. Ituro mo sa kanila ang pag-aalaga ng palay."
Sinunod ni Danas ang mga utos ng damo. Gumawa siya ng bukid sa paligid ng bahay at pinag-aralang mabuti ang pag-aalaga ng palay. Itinuro niya sa ibang tao ang natutuhan. Lumawak nang lumawak ang mga bukid na taniman at mula noon, naging mag-sasaka ang mga tao. Hindi na rin sila palipat-lipat ng tirahan.

Source: alamat

Wednesday, April 9, 2008

BERNARDO CARPIO-ALAMAT SA RIZAL(2)

BERNARDO CARPIO-ALAMAT SA RIZAL(2)
Ito ang isang bersiyon ng alamat. Ang isa ay makikita dito.

Noong unang panahon, may mag-asawang mahirap na naninirahan sa isa sa maraming bundok ng San Mateo, Rizal. Nguni't sa pagdarahop nila sa buhay at sa madlang dalita na kanilang tinitiis ay may dumating na kaligayahan. Ang babae ay nanganak, isang araw, ng isang malaki't malusog na sanggol na lalaki. Bernardo Carpio ang kanilang ipinangalan sa bagong silang na sanggol.

Si Bernardo Carpio ang siyang naging kayamanan ng kanyang maralitang magulang. Katulad ng ibang bata, siya ay mahilig sa paglalaro. Nguni't may isang bagay na naging kapansin-pansin kay Bernardo, ang kanyang di-pangkaraniwang lakas.

Sinasabing nang siya'y bago pa lamang gumagapang at nagsisimula pa lamang sa pag-usad-usad, ang mga pako ng sahig na makawit ng kanyang kuko ay nangabubunot ng lahat. Sa kanyang pangangabay, ang mga kahoy na kanyang matangnan ay nangababali at nagkakadurug-durog. Gayon din naman angmga laruang ipinanlilibang sa kanya ng mga magulang ay nangawawasak at nagkakalasug-lasog sa kanyang mga palad.

Sa kanyang paglaki ay lalong nag-ibayo ang dating lakas ni Bernardo Carpio. Lumaganap ang kanyang katangian hindi lamang sa pagiging isang malakas na binata kundi sa pagiging isang makisig at magandang lalaki pa. Kasakbay ng pambihirang lakas ay ang katapangang walang pangalawa. Ano pa't ang lahat ng mga lalaki sa bayan ay talo niya sa lakas at tapang kaya ang bawat isa sa kanila ay kusang umuurong kay Bernardo Carpio.

Di katulad ng karaniwang lalaki si Bernardo ay di mahilig sa kasayahan at mga pagtitipon. Ang halina ng mga naggagandahang dalaga sa bayan ay di gaanong makaakit sa kanya. Sa halip nito, ang kinahumalingan ni Bernardo ay ang panggungubat.

Natagpuan niya ang lubusang kasiyahan sa kagubatan. Kung saan makakapal ang punong kahoy ay doon siya naglalagi. At ang lagi niyang kalaru-laro at matatalik na kaibigan ay ang mga hayop sa kagubatan.

Sa gubat na madalas niyang patunguhan ay may nakatirang isang enkantado. Ang enkantadong ito'y isang malaki't malakas na lalaki. Nguni't siya'y may ugaling mainggitin at mapanghamak. Sa madalas na pagtungo ni Bernardo sa kagubatan ay napagmalas siya ng engkantado.

Dumating din sa pandinig ng mainggitin ang kabantugan ng malaki't matipunong binata sa kalakasan.

Natitiyak ng engkantado na ang binata ay hindi mananalo sa kanya kung sila ay magsusukatan ng lakas. Isang araw, si Bernardo ay inabangan ng engkantado. Pagkakita sabinata, ito ay hinamon ng away. Ang binata ay walang inuurungang sino man kaya't dali-daling tinanggap niya ang hamon.

At sila ay naglaban. Ito ay sinundan pa ng iba't ibang paligsahan na pawang ginagamitan ng lakas. Sa lahat nang ito ang engkantado ay siyang natalo.

Sila'y naghiwalay ng lumaon. Nguni't sa puso ng talunan ay nakatago ang lihim na galit at poot sa tumalo sa kanya. Naghintay siya ng pagkakataong maipaghiganti ang tinamong pagkakatalo at kahihiyan.

Sa muli nilang pagkikita ni Bernardo, ito ay kanyang inanyayahan sa isang liblib na panig ng gubat. Sa pook na iyon ay may dalawang naglalakihang batong magkaagapay. Diumano, sa pagitan ng dalawang bato naroroon ang tahanan ng nag-aanyaya. Pinatuloy ng engkantado ang binata sa pook na iyon. Nang itong huli ay nasa pagitan na ng dalawang bato, ang engkantado ay nawalang tila kinain ng laho. At biglang-biglang ang mga bato ay umikom. Sa tulong ng kanyang matitipunong bisig, pinilit na pigilin ni Bernardo ang pag-ikom ng mga bato upang siya ay hindi maipit.

Ayon sa ating mga matatanda, hanggang ngayon ay naroroon pa si Bernardo Carpio at patuloy na pinipigil ang pag-ikom ng dalawang bato. Kapag lumilindol, sinasabing si Bernardo ay kumikilos at ibig makawala.

Tuesday, April 8, 2008

ANO ANG ALAMAT

ALAMAT

Ang alamat ay kuwento na kathang isip lamang na kinasasangkutan ng
kababalaghan o 'di pagkaraniwang pangyayari na naganap nuong unang panahon.

Ang alamat ay karaniwang tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o
kapaligiran. Eto ay tumatalakay din sa mga katangiang maganda, tulad ng
pagiging matapat, matapang, matulungin, at sa mga katangiang hindi maganda
tulad ng pagiging mapaghiganti, masakim, o mapanumpa, Nguni’t sa banding huli
ang kuwento ay kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba.

Sapagkat ang alamat ay karaniwang nagsimula nuong unang panahon at eto ay
nagpasalin- salin na sa maraming henerasyon, ang alamat ay pinaniniwalaan ng
maraming tao na tutoong naganap dahil sa tagal ng pamamayani nito sa ating
panitikan o sa ating kultura.

Monday, April 7, 2008

BERNARDO CARPIO-Alamat

BERNARDO CARPIO-ALAMAT SA RIZAL
Maraming bersiyon ang ALAMAT ni BERNARDO CARPIO. Ito ang isa. Yong isang bersiyon ay makikita dito.

Nuong panahon nang ang Pilipinas ay nasasakop pa ng mga Kastila ay
mayruong mag-asawang naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo,
Rizal. Ang mag-asawa ay mahirap lang subali’t sila ay mabait, masipag,
matulungin, at makadiyos. Sa mahabang panahon nang kanilang
pagsasama ay hindi sila agad nagkaanak. Ganun pa man sila ay
masaya sa kanilang buhay at matulungin sa kapwa lalu na tulad nilang
naghihirap, at sa mga may sakit. Ang mga bata sa kanilang pook ay
inaaruga nilang parang mga tunay na anak habang patuloy silang
umaasa na balang araw ay magkakaruon din sila ng sariling anak.

Dahil sa kanilang ipinamalas na kabutihan, pagtitiis, at pananalig ay
kinaawaan din sila ni Bathala at dininig ang kanilang panalangin na
magkaruon ng sariling anak. Sa wakas ay biniyayaan sila ng isang
malusog na sanggol na lalaki. Bukod duon, biniyayaan din ni Bathala ang
sanggol ng pambihirang lakas at kisig simbolo ng lakas ng pananalig at
kagandahang loob na ipinamalas ng kanyang mga magulang.

Maliit pa lang ay kinakitaan na si Bernardo ng pambihirang lakas at kisig.
Ilang linggo pa lang mula nang siya'y ipinapanganak ay nagagawa na
niyang dumapa at gumapang mag-isa kaya minsan ay muntik na siyang
mahulog sa hagdanan ng kanilang munting kubo kundi naagapan ng
isang kastilang pari na nuon ay dumadalaw sa kanilang pook upang
magturo ng Kristiyanismo.

Sa suhestiyon ng kastilang pari na humanga sa lakas at kisig ng sanggol,
siya ay pinangalanang Bernardo Carpio ng kanyang mga magulang.
Hinango ang kanyang pangalan kay Bernardo de Carpio, isang
matapang, bantog, makisig, at maalamat na mandirigma sa bansang
Espanya. Eto ay parang nagbabadya sa magiging maalamat ding buhay
ni Bernardo Carpio sa Pilipinas.

Habang lumalaki ay lalung nagiging kagila-gilalas ang pambihirang
lakas ni Bernardo. Mahigit isang taon pa lang ay nagagawa niyang
bunutin ang mga pako sa kanilang sahig sa kanyang paglalaro. At kapag
isinasama siya ng ama sa pangangaso ay parang walang anuman na
binubunot ni Bernardo ang ilang mga puno upang makagawa ng daanan
sa masukal na kagubatan ng San Mateo.

Tulad ng kanyang mga magulang si Bernardo ay lumaking mabait,
matulungin, at matatag ang loob. Minsan sa kanyang pamamasyal sa
gubat, ay may natanaw siyang kabayo na nahulog sa bangin at napilay.
Agad na nilusong ni Bernardo ang bangin upang sagipin at tulungan ang
kabayo. Parang walang anuman na pinasan at iniahon niya ang kabayo
sa bangin at dinala sa kanilang bahay upang gamutin at alagaan.

Sa kanyang pag-aalaga, ang bahagi ng enerhiya ni Bernardo ay dumaloy
mula sa kanyang mga kamay at bumahagi sa kabayo na naging dahilan
upang mabilis etong gumaling at nagsimulang nagpamalas din ng
pambihirang lakas at bilis. Dahil sa tanglay na lakas at bilis ang kabayo
ay tinawag niyang si Hagibis at mula nuon si Bernardo at si Hagibis ay
laging magkasama sa pamamasyal sa kabundukan ng San Mateo.

Samantala, ang pagmamalupit at paninikil ng mga Kastila sa mga
karapatan at kalayaan ng mga Pilipino ay lalung nag-ibayo. Mapagtiis
man ang mga Pilipino ay dumating din ang panahon na hindi na nila
matanggap ang pang-aapi ng mga dayuhan. Ang mga kalalakihan ay
nagsimulang magpulong-pulong at bumuo ng mga pangkat sa
hangaring ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipino. Dahil sa
kanyang taglay na pambihirang lakas at pagiging makabayan ay napili si
Bernardo na namuno sa namimintong himagsikan laban sa mga Kastila.

Nang makarating sa kanilang kaalaman ang nagbabantang himaksikan
ng mga Pilipino, lalu na nang mapag-alaman nilang si Bernardo ang
napipisil na mamuno, ay labis na ikinabahala eto g mga Kastila. Dahil sa
pambihirang lakas at tapang na taglay nito ay alam nilang mahihirapan
silang igupo ang anumang himagsikan at malamang na magtagumpay
pa eto.

Dahil sa kanyang matatag na pamumuno at pambihirang lakas ay
nabahala ang mga kastila sa magagawa ni Bernardo upang maging
matagumpay ang himaksikan laban sa mga mananakop. Dahil dito ay
gumawa ng patibong ang mga kastila. Diumano ay inanyayahan nila si
Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay dinggin ang
karaingan ng mga Pilipino subalit eto ay bitag lamang upang sa tulong
ng isang engkanto ay maipit sa nag-uuntugang bato at hindi na
makapamuno sa himagsikan.

Lihim sa mga mamamayan, nuong panahon na iyon, ang mga Kastila ay
may nahuling isang engkantado na kasalukuyan nilang isinasailalim sa
eksorsismo (exorcism), isang pamamaraan ng simbahan upang
sugpuin ang masamang ispiritu na sumapi sa katawan ng engkantado.

Dahil sa takot na magtagumpay ang himagsikan sa pamumuno ni
Bernardo ay nakipagkasundo ang mga paring Kastila sa ispiritu na
sumapi sa engkantado na ititigil nila ang eksorsismo (exorcism) kung
tutulungan sila nito na masupil si Bernardo. Sa paniniwala ng mga
Kastila, ang pambihirang lakas ni Bernardo ay matatapatan lamang ng
agimat na taglay ng engkantado.

Hindi nag-aksaya nang panahon ang mga Kastila. Agad nilang
inanyayahan si Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay
dinggin ang karaingan ng mga Pilipino. Subali't sila ay may nakahandang
bitag kay Bernardo. Sa pagdaraanan patungo sa isang yungib ay
naghihintay ang engkantado na nagtatago sa likuran ng magkaparis na
naglalakihang bato. Pagdaan ni Bernardo ay ginamit ng engkantado ang
kanyang agimat upang pag-umpugin nito ang naglalakihang bato sa
pagnanais na ipitin at patayin si Bernardo.

Dahil sa pagkabigla ni Bernardo ay hindi siya nakaiwas at unti-unting
siyang naipit ng nag-uuntugang bato. Ginamit niya ang kanyang lakas
upang pigilan ang mga bato subalit ang kanyang lakas ay may katapat na
lakas na nagmumula sa agimat ng engkantado.

Nang hindi bumalik si Bernardo kay Hagibis na naghihintay sa may
paanan ng yungib ay naramdaman nitong may masamang nangyayari
kay Bernardo. Mabilis na bumalik si Hagibis sa kapatagan upang
humingi ng tulong sa mga mamamayan subali't natagalan bago
naunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng mga halinghing at pag-
aalma ng kabayo. Sa bandang huli nang mapansin nila ang pagkawala
ni Bernardo ay naisipan ng ilang kalalakihan na sundan si Hagibis dahil
lagi silang magkasama.

Dinala ni Hagibis ang mga kalalakihan sa paanan ng yungib at tinangka
nila etong pasukin. Subalit nang sila ay papalapit na ay sinalubong sila
ng nagbabagsakang mga bato na ikinasugat at ikinapilay ng ilang
kalalakihan. Natanaw nila ang malalaking nag-uumpugang mga bato at
nuon ay napagtanto nila na ang yungib ay pinagpupugaran ng
engkantado. Sila ay nangatakot at bumalik sa kapatagan ng hindi nakita
si Bernardo.

Mabilis na kumalat ang haka-haka na si Bernardo ay naiipit ng nag-
uumpugang bato at tuwing nagpipilit siyang kumawala ay nagiging sanhi
eto ng paglindol sa kabundukan ng San Mateo.

Ang pagkawala ni Bernardo ay naging malaking dagok sa namumuong
himagsikan ng mga Pilipino dahil sa pagkawala ng isang malakas at
matapang na pinuno. Lumipas pa ang ilang taon bago muling nabuo ang
loob ng mga Pilipino na ituloy ang pakikipaglaban sa mga Kastila.

Taung 1895 nang muling magpulong ang mga kalalakihan sa yungib ng
Pamitinan at duon, sa karangalan ni Bernardo Carpio, ay ginawa nila ang
unang sigaw ng himagsikan laban sa mga Kastila.

source: KATIG.COM

Wednesday, August 1, 2007

ANO ANG PANITIKAN, ANG URI AT ANYO

PANITIKAN- ay ang pagsulat ng tuwiran o tuluyan at patula.

Uri ng Panitikan

1. KATHANG-ISIP (FICTION) -ang mga manunulat ay gumagawa ng akda mula sa kanilang imahanisyon. Ang mga kuwento ay hindi totoo kagaya ng maikling kuwento, nobela at .

2. HINDI KATHANG -ISIP- ang mga panulat na batay sa tunay na pangyayari katulas ng talambuhay, awtobiyograpiya, talaarawan, sanaysay ang mga akdang pangkasaysayan.

ANYO NG PANITIKAN

1. tuluyan o prosa ( prose) - Paggamit ng mga salita sa isang pangungusap na walang kinakailangang pagtutugma o pagbilang ng mga pantig upang magkaroon ng parehong tunog sa huli ng tauludtod.

2. patula o panulaan ( poetry) - pagbubuo ng pangungusap sa pamamagitan ng salitang binibilang na pantig sa taludtod na pinagtugma-tugma, at nagpapahayag din ng mga salitang binibilang ang mga pantig at pagtutugma-tugma ng mga dulo ng mga taludtod sa isang saknong.


Mga akdang tuluyan
1. Alamat
1.1 Mga Halimbawa ng Alamat
* Anekdota
* Nobela
* Pabula
* Parabula
* Maikling kwento
* Dula
* Sanaysay
* Talambuhay
* Talumpati
* Balita
* kwentong bayan

Mga akdang patula
o Mga tulang pasalaysay - pinapaksa nito ang mahahalagang mga tagpo o pangyayari sa buhay, ang kagitingan at kabayanihan ng tauhan.
+ Awit at Korido
+ Epiko
+ Balad
+ Sawikain
+ Salawikain
+ Bugtong
+ Kantahin
+ Tanaga