Showing posts with label Vice President Noli de Castro. Show all posts
Showing posts with label Vice President Noli de Castro. Show all posts

Wednesday, July 25, 2007

TALUMPATI ni Noli De Castro sa 108th ANIBERSARYO NG SIGAW NG PUGAD LAWIN

noli de castro

TALUMPATI SA IKA -108th ANIBERSARYO NG SIGAW NG PUGAD LAWIN, 23 AUGUST 2004, BAHAY TORO, QUEZON CITY


MAGANDANG UMAGA BAYAN!

ISANG KARANGALAN PO PARA SA INYONG KABAYAN ANG MAGING PANAUHING PANDANGAL ISANG MAKASAYSAYANG PAGDIRIWANG NG IKA-108 TAON NG SIGAW NG PUGAD LAWIN. KAYA MALUGOD KONG BINABATI ANG MGA OPISYAL AT KAWANI NG LUNGSOD QUEZON AT LAHAT NG NANDITO NGAYON NA NAKIKIISA SA PAGDIRIWANG NA ITO SA PANGUNGUNA NG ATING BUTIHIN AT KAGALANG-GALANG NA PUNONG LUNGSOD, MAYOR FELICIANO BELMONTE, JR.

BINABATI KO RIN ANG PANGALAWANG PUNONG LUNGSOD, NA BAGAMA’T BATANG-BATA PA AY MATAGAL NANG NANUNUNGKULAN SA PAMAHAALANG LUNGSOD, VICE MAYOR HERBERT BAUTISTA; ANG KAGALANG-GALANG NA GINOONG VINCENT “BINGBONG” CRISOLOGO, ANG MINAMAHAL NA KONGRESISTA NG UNANG DISTRITO NG QUEZON CITY; AT PATI NA RIN ANG MGA PUNONG BARANGAY NG UNANG DISTRITO NG QUEZON CITY.

SANDALI TAYONG MAGBALIK TANAW AT ATING GUNITAIN SA ARAW NA ITO, ISANDAAN AT WALONG TAONG NANG NAKALIPAS NANG IPAMALAS NG ATING MAGIGITING NA MGA NINUNO ANG KANILANG TAHASANG PAG-AALSA LABAN SA MGA KASTILA … AT ITO AY NAGANAP DITO MISMO SA LUGAR NG PUGAD LAWIN. ISANG MAKASAYSAYANG PAGPUNIT NG KANILANG SEDULA NA NAGHUDYAT NAMAN NG SIMULA NG “PHILIPPINE REVOLUTION OF 1896”. ISANG PAGTITIPON NG MAHIGIT SA ISANG LIBONG KATIPUNERO NA PINAMUNOAN NI GAT ANDRES BONIFACIO NA NAGHIMAGSIK UPANG SUPILIN ANG KALUPITAN NG PAMAHALAANG KASTILA.

IPINAMAMALAS NG “SIGAW NG PUGAD LAWIN” ANG LIKAS NG KATAPANGAN AT KABAYANIHAN NG MGA PILIPINO, NA PALIBHASA’Y MAPAGMAHAL SA KALAYAAN, AY HANDANG MAGBUWIS NG BUHAY ALANG-ALANG SA BAYANG MINAMAHAL.

BILANG INYONG PANGALAWANG PANGULO, NAISS KONG PUKAWIN ANG INYONG MGA PUSO SA MGA KATANGIANG IPINAMALAS AT IPINAGMAMALAKI NG ATING MGA NINUNO: KATAPANGAN, PAGIGING MATIYAGA SA LAHAT NG BAGAY, AT KABAYANIHAN. NAWAY ISABUHAY NATIN AT NG BAWAT PILIPINO ANG MGA KATANGIANG ITO, LALUNG-LALO TAYONG MGA MAMAMAYAN NG LUNGSOD QUEZON.

DITO SA ATING LUNGSOD NAGSIMULA ANG PAGHIHIMAGSIK, NA HUMANTONG SA PAGKALAGOT NG TANIKALA NG ATING PAGKA-ALIPIN. KAYA MARAPAT LAMANG TAYO ANG MAGSILBING HALIMBAWA AT HUWARAN NG ISA PANG MAKABAGONG GAT ANDRES BONIFACIO. MAGSISILBI TAYONG BAGONG KASAPI NG KKK, NA MAGPAPASIMUNO HINDI LABAN SA MGA MANANAKOP, KUNDI LABAN SA KAHIRAPAN, NA UMAALIPIN SA NAKARARAMI NATING MGA KABABAYAN. LALABANAN NATIN, HINDI ANG MGA DAYUHAN, KUNDI ANG MGA SULIRANIN NG BANSA NA HUMAHADLANG SA ATING PAG-UNLAD.

KATAPANGAN

BUONG TAPANG SANA NATING HARAPIN AT BUONG TATAG NATING LUTASIN ANG MGA PROBLEMA AT SALOT NG LIPUNAN UPANG TAYO AY MAKAAHON SA ATING KINALALAGYAN. HUWAG PAIRALIN ANG TAKOT SA ATING MGA SARILI BAGKOS, MAGPAKATAPANG AT MAGPAKATATAG TAYO MAKAKAMIT NATIN ANG KAUNLARANG MALAON NA NATING MINIMITHI.

SA PANAHONG ITO NA ANG ATING BAYAN AY NASASADLAK SA SAMU’T-SARING SULIRANIN, KALIMUTAN MUNA NATIN ANG ATING MGA PANGSARILING KAPAKANAN… TAYO’Y MAGKAPIT BISIG AT MAGKAISA PARA SA MADALING IKALULUTAS NG MGA PROBLEMA NG LIPUNAN.

PAGIGING MATIYAGA

IPINAKITA NG ATING MGA NINUNO ANG PAGTIYATIYAGA NILA NA BUKLURIN ANG SAMBAYANANG PILIPINO UPANG IPAGLABAN ANG KANILANG KARAPATAN LABAN SA MGA MAPALUPIG NA DAYUHAN.

NAWAY MAGSILBI ITONG GABAY SA ATING LAHAT UPANG ISULONG NATIN ANG MGA PROGRAM NG PAMAHALAN NA NAGLALAYONG MAIANGAT MULA SA KAHIRAPAN ANG BAWAT PILIPINO. IPAKITA NATIN SA BUONG MUNDO NA KAYA NATING MAPAUNLAD ANG ATING PAMUMUHAY AT ANG “JUAN TAMAD” NA MINSANG IBINANSAG SA ATING PAGKATAO AY ISANG KATHANG-ISIP LAMANG.

KABAYANIHAN

SA ARAW NA ITO, ATING GUNITAIN ANG MGA SAKRIPISYO AT KABAYANIHAN NG ATING MGA NINUNO SA PAMAMAGITAN NG PAG-AALAY NG KANILANG BUHAY PARA LANG MAKAMTAN ANG KALAYAAN NG INANG BAYAN.

LANTAD SA ATING PANAHON NGAYON ANG DI MATATAWARANG KABAYANIHAN NG ATING MGA OFW’S NA SIYANG NAGBIBIGAY NG MALAKING KITA SA ATING GOBYERNO KUNG KAYA SILA AY TINAGURIAN “BAGONG BAYANI”.

KAYA HINIHIKAYAT KO KAYONG LAHAT NA MAHALIN AT BIGYANG HALAGA NATIN ANG ATING BANSA AT ANG LUNGSOD QUEZON SA PAMAMAGITAN NG PAGSUNOD SA MGA ALITUNTUNIN NITO LALONG-LALO NA ANG PAG-BABAYAD NG TAMANG BUWIS NA SIYANG GAGAMITIN NG ATING PAMAHALAAN SA PAGTUSTOS SA MGA SERBISYONG SOSYAL NA IPAGKAKALOOB SA BAWAT MAMAMAYAN.

BILANG PANGHULING SALITA AY PINAPANGAKO KO NA AKO AT ANG AKING TANGGAPAN AY KA-AGAPAY NYO SA PAGSULONG NG PILIPINAS AT LUNGSOD QUEZON TUNGO SA KAUNLARAN.

MABUHAY ANG PILIPINAS!

MABUHAY ANG LUNGSOD QUEZON!

MARAMING SALAMAT PO AT MABUHAY TAYONG LAHAT.

,,,

Wednesday, July 18, 2007

Talumpati ni Noli De Castro sa Pagdiriwang ng Linggo ng Wika

talumpati ni Noli de Castro
QUALITY EDUCATION AND JOB OPPORTUNITIES FOR ALL

In celebration of the Buwan Ng Wika at the Department of Education, Ortigas, Pasig City, 8:00 a.m., 18 July 2003


"Maganda at makabuluhang umaga sa ating lahat! Sana ay nagising na ng kape ang bawat ugat sa inyong katawan at kayo ay nakapag-unat na upang buong handang harapin ang trabaho sa linggong darating.

Kagalang-galang na Kalihim Edilberto De Jesus, mga opisyales at kawani ng Kagawaran ng Edukasyon, malaking karangalan para sa inyong Kabayan ang makadalo sa inyong taonang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.

Masasabi kong malaking karangalan na kayo ay aking makaharap sa umagang ito dahil alam nating lahat na ang Kagawaran ng Edukasyon ang pinakamahalagang sangay ng ating pamahalaan dahil kayo ang nagsisilbing pag-asa at tulay sa magandang bukas para sa mga estudyanteng Pilipino. Saludo ako sa inyong dedikasyon sa inyong trabaho at sa inyong serbisyo sa ating bansa.

Isang magandang programa ng DepEd ang kasalukuyang paggunita sa kahalagahang ng Wikang Pambansa. Bilang isa sa mga nangunguna sa pagpapatibay sa wikang pambansa, ako ay nalulungkot na sa pagdaan ng humigit pitongpu’t-limang taon mula ng ideklara ang Tagalog, na ngayon ay Filipino, bilang pambansang wika ni Presidente Manuel Luis Quezon, ay marami pa rin sa ating mga kababayan, lalo na ang mga prominenteng opisyal ng gubyerno, ang mas nanaisin pang gamitin ng banyagang salita sa loob at labas ng tahanan,….. at kung minsa’y ititinatatwa pa ang salitang sariling atin.

Gayunpaman, naniniwala ako na sa pangunguna ng DepEd, magdaan man ang mahabang panahon ay patuloy pa ring lalaganap ang salitang Filipino at sa pamamagitan ng mga programang gaya ng Buwan ng Wikang Pambansa na ating pinagdiriwang ngayon, ay mamahalin din ng mga darating na henerasyon ang wikang Filipino.

Sa kinalakihan kong lalawigan ng Oriental Mindoro ay likas at laganap ang pagsalita ng wikang Filipino. Sa bahay, kalye, opisina o sa paaralan ay Filipino ang aming salita. Naaalala ko noong aking kabataan ay malimit akong pina-aalalahanan ng aking Nanay na mahalin ang ating sariling wika dahil ang magigiting na mga bayani ng ating lahi, na kinabibilanagn nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Manuel Quezon, ay nabuhay at namatay na tinataguyod ang salitang ito.

Sa tulong at gabay ng aking ina ay maaga akong namulat sa kahalagahan ng ating sariling wika. Kung kaya’t maaga akong nanindigan na sa ano mang larangan o propesyon ang aking pasukin ay bibigyan ko ng prioridad ang pag-gamit ng Filipino. Nakakalungkot lamang na sa panahon ngayon ay binabatikos at kinukutya ang mga kagaya naming mas pinahahalagahan ang salitang Filipino.

Gayunpaman, hindi ako natitinag. Taas noo kong itataguyod ang ating sariling wika dahil ito ang simbolo ng ating pagka-Pilipino. Gaya nga ng katagang iniwan ni Gat Jose Rizal: “Ang taong hindi marunong magmahal sa sariling wika ay masahol pa ang amoy sa malansang isda”.

Ang sabi naman ni Kabayan: “Ang hindi pagtangkilik ng sariling wika ay paglapastangan sa Inang Bayan.” At tayong mga nasa gubyerno ang dapat manguna sa paggamit ng wikang Filipino bilang magandang halimbawa sa ating mga kababayan.

Sa pagdiriwang natin ng Buwan ng Wika, nararapat lamang na ating balikan ang kasaysayan ng pagdedeklara ng Filipino bilang pambansang wika. Ako ho ay naniniwala na upang lalo nating pahalagahan ang ating wika ay nararapat lamang na alamin natin ang kasaysayan nito.

Nakasaad sa ating unang Saligang-Batas, na na-ratipikahan noong 1935, na ang Tagalog ang opisyal na lenguahe ng ating pamahalaan. Sangayon sa nasasaad sa Saligang Batas, noong November 13, 1937, inaprubahan ng unang National Assembly ang batas na nagbubuo ng National Language Institute o NLI. Ang NLI ay naatasang pag-aralan ang mga katutubong wika upang makatukoy ng isang lenguahe na nararapat na kumatawan sa lahat ng mga salita sa iba’t ibang rehiyon. Matapos ang paga-aral ay napagpasyahan ng pamahalaan ang Tagalog bilang nararapat na pambansang wika.

Bilang epekto ng pagaaral na ito, noong December 31, 1946 ay dineklara ni Pangulong Manuel L. Quezon, na tubong Baler, Tayabas, ang Tagalog bilang Pambansang Wika ng Pilipinas.

Makaraang ideklara ang independensiya ng Pilipinas mula sa mga Amerikanong mananakop noong July 4, 1946, ay isinabatas naman ng National Assembly ang Commonwealth Act No. 570. Sinasaad dito ang pagbilang sa Tagalog bilang isa sa tatlong opisyal na wika ng pamahalaang Pilipinas, kabilang sa Espanol at Ingles.

At dahil i-ilang probinsya lamang sa Luzon ang gumagamit ng salitang Tagalog, hindi naging madali para sa mga kababayan natin sa hilaga at timog Luzon, Visayas at Mindanao na tanggapin ang pagkakahirang sa salitang Tagalog bilang pambansang wika. Upang malutas ang reklamo at batikos ng mga gumagamit ng ibang katutubong-salita, ang Tagalog ay pinalitan ng pangalang Pilipino noong 1959.

Sa loob ng Konstitusyon ng 1973, ang Pilipino ay ginawang isa lamang sa dalawang opisyal ng salita ng ating bansa, ang isa pa ay ang wikang Ingles. Noong ding dekada setenta ay sinimulan ng National Board of Education ang paggamit ng bilingual method sa pagtuturo sa lahat ng antas ng edukasyon.

Sa ilalim ng Konstitusyon ng 1987, muling nabigyan ng halaga ang salitang Filipino. Datapwat Filipino at Ingles pa rin ang opisyal na wika sa ating saligang-batas, naglagay ang 1986 Constitutional Convention ng isang probisyon na nagaatas sa ating Kongreso na pagaralan at magbuo ng isang tunay na pambansang wika na tatawaging Filipino na kakatawan sa lahat ng mga katutubong wika at maging wikang banyaga na malaki rin ang impluwensya sa paghubog ng ating kalinangan.

Labing-anim na taon mula ng maipagtibay ang kasalukuyang Saligang-Batas, malayo na ang narating ng ating pambansang wika. Malaki na ang itinaas ng kamalayan ng bawat mag-aaral na Pilipino sa wikang Filipino. At yan ay pinagpapasalamat natin sa lahat kayong mga nasa Kagawarang ito.

Sa pagdiriwang natin ng Buwan ng Wika, huwag nating kaligtaan na ang Pambansang Wika ay dapat magsilbing dagta na makapag-bubuo sa ating mga Pilipino saan man dako ng mundo tayo makarating. Hayaan ninyong tapusin ko ang aking talumpati sa isang hangarin na sana ay mabigyang katuparan ang pangarap nina Gat Jose Rizal at dating Pangulong Quezon na isang araw ay mangingibabaw ang salitang Filipino sa pang-araw-araw na buhay ng ating mga kababayan.

Maraming Salamat Po! Mabuhay ang Wikang Filipino!

,,,

Monday, April 9, 2007

Talumpati ni Noli De Castro sa Pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan

noli de castro

TALUMPATI NI BISE PRESIDENTE NOLI DE CASTRO

Araw ng Kagitingan, Dambana ng Kagitingan, Mt. Samat, Pilar, Bataan, 9 April 2005


TAYO AY NAGTIPON-TIPON MULI SA MAKASAYSAYANG POOK NA ITO UPANG GUNITAIN AT PASALAMATAN ANG MGA TAONG NALAGAY SA PANGANIB O NAGBUWIS NG BUHAY UPANG MATAMASA NATIN ANG BIYAYA NG KALAYAAN.

ANG ARAW NG KAGITINGAN AY HANDOG NATIN SA ALAALA NILANG MGA NAKIPAGLABAN UPANG TAYO AY MAKINABANG SA PAGHAHARI NG KAPAYAAN.

SA ATING PAGBIBIGAY NG PARANGAL SA KANILANG MGA SAKRIPISYO, MAKAKUHA SANA TAYO NG INSPIRASYON UPANG MAGING MALAKAS ANG LOOB NA HARAPIN ANG MGA PAGSUBOK NG ATING PANAHON. MAGSIKAP SANA TAYONG PANTAYAN ANG KANILANG HANGARING MAGKAROON NG MAPAYAPANG BUHAY AT MAGANDANG KINABUKASAN ANG SAMBAYANAN.

THIS OCCASION IS EVEN MORE IMPORTANT AS OUR COUNTRY AND THE WHOLE WORLD PAID THE LAST TRIBUTE YESTERDAY TO THE HOLY FATHER, POPE JOHN PAUL II. JUST LIKE OUR FILIPINO VETERANS AND THOSE WHO FOUGHT SIDE BY SIDE WITH THEM AGAINST OPPRESSORS DURING THE WORLD WAR II, POPE JOHN PAUL II HAS INSPIRED OUR NATION IN OUR CONTINUING QUEST FOR PEACE, FREEDOM AND JUSTICE. AND LIKE THE HOLY FATHER, OUR FILIPINO VETERANS TOO FOUGHT AND PROMOTED THE CULTURE OF LIFE SO THAT THIS GENERATION AND THE GENERATION YET UNBORN MAY LIVE IN A JUST AND HUMANE SOCIETY.

(AND AS OUR OWN COLLECTIVE RESPECT FOR THE HOLY FATHER, MAY I REQUEST A FEW MINUTES OF SILENCE AND PRAYER FOR POPE JOHN PAUL II. BILANG HULING PAALAM NATING MGA BETERANO SA ISANG TAONG KATULAD NINYO RING MAY DAKILANG PAG-IBIG AT PAGMAMALASAKIT SA DIWA NG KALAYAAN AT KAPAYAPAAN, HINIHILING KO ANG ILANG MINUTONG KATAHIMIKAN AT PAGDARASAL PARA SA SANTO PAPA AT PARA NA RIN SA MGA BETERANONG PUMANAW NA)

SA NGAYON, NAHAHARAP ANG ATING BANSA SA MGA PANIBAGONG DIGMAAN: ANG LABAN SA KAHIRAPAN, ANG LABAN SA TERORISMO AT ANG LABAN SA KORAPSYON. ANG MGA ITO ANG PANGUNAHING DAHILAN KUNG BAKIT MARAMI SA ATING MGA KABABAYAN ANG HINDI PARIN GANAP NA MALAYA MULA SA PAGKAGUTOM, PANGAMBA AT PAGRADAHOP.

ANG MGA ITO RIN ANG ILAN SA UGAT KUNG BAKIT KINAKAPOS SA PANANALAPI ANG ATING PAMAHALAN AT NAHIHIRAPANG GAMPANAN ANG KANYANG MGA TUNGKULIN TULAD NG SA MGA BETERANO.

THE FIGHT AGAINST POVERTY, TERRORISM AND CORRUPTION IS THE CENTERPIECE PROGRAM OF OUR GOVERNMENT IN ORDER TO IMPROVE OUR ECONOMY AND PEACE AND ORDER, IN SUSTAINABLE FOCUS AND SPEED.

TULAD NG SAKRIPISYO AT PAGPUPUNYAGI NG ATING MGA BETERANO NOON SA DIGMAAN, HINDI TITIGIL ANG PAMAHALAANG ITO HANGGAT HINDI NAIGUGUPO ANG MGA KALABAN NG ATING PANAHON.

ANG KAHIRAPAN ANG PINAKAMATINDING KAAWAY NG ATING BAYAN NGAYON. KAYA NAMAN PINAGSISIKAPAN NG PAMAHALAAN NA MAKALIKHA NG MASIGLANG EKONOMIYA SA PAMAMAGITAN NG 10-POINT PRO-POOR AGENDA. INAASAHAN NAMIN NG PANGULONG ARROYO NA ANG SAMPUNG PUNTONG ITO AY MAGDUDULOT NG KATAHIMIKAN, KAAYUSAN AT KAUNLARAN PARA SA HIGIT NA NAKARARAMING MGA PILIPINO.

ANG HANGAD NATING SUGPUIN ANG TERORISMO SA ATING BANSA AY KASING TINDI RIN NG ATING PAKIKIPAGLABAN SA KAHIRAPAN. TULAD NG ATING MGA BETERANO, ANG ATING MGA SUNDALO AT KAPULISAN AY NAGSASAKRIPISYO RIN UPANG MAHADLANGAN ANG BANTA NG TERORISMO. WALANG KAUNLARAN KUNG WALA TAYONG KAPAYAPAAN.

MAHIGPIT DIN NATING NILALABANAN ANG KORAPSYON SA ATING PAMAHALAAN AT SA ATING BAYAN. KAILANGAN NATIN ITONG SUGPUIN UPANG MAGING MAHUSAY ANG TAKBO NG NEGOSYO AT BUMALIK ANG TIWALA SA ATING GOBYERNO.

SA ILALIM NG ADMINISTRASYONG ARROYO, PATULOY NA PINAGSISIKAPAN NA MAPAGLINGKURAN ANG ATING MGA BETERANO. SA KATUNAYAN, PINAGSISIKAPAN NG PHILIPPINE VETERANS AFFAIRS OFFICE NA PAHUSAYIN PA ANG KANILANG MGA SERBISYO AT TIYAKIN ANG KAGALINGAN NG MGA BETERANO.

PINAGSISIKAPAN PARIN NG PVAO NA TUGUNAN ANG ARREARAGES SA MGA BENEPISYO NG MGA BETERANO NA SA KATAPUSANAN NG NAGDAANG TAON AY UMABOT NG P6.2 BILYON. DAHIL NARIN SA KAKULANGAN NG SALAPI NG GOBYERNO, ANG PVAO AT ANG PAMAHALAAN AY HUMAHANAP NG IBAT-IBAT PARAAN UPANG LUTASIN ANG PROBLEMANG ITO. HALIMBAWA, BINABAWI NITO ANG MGA SOBRANG NAIBAYAD SA MGA NAMAYAPA NANG PENSIYONADO. NITONG NAKARAANG TATLONG TAON, UMABOT SA MAHIGIT P214 MILYON ANG HALAGANG KANILANG NABAWI. GAYUNDIN, SINUSURI NILA ANG LISTAHAN NG MGA PENSIYONADO UPANG MATIYAK NA SILA NGA ANG TUMATANGAP NG KANILANG MGA BENEPISYO AT PENSIYON. BINABALAK DING PAUPAHAN NG PVAO, SA TULONG NG NATIONAL HOUSING AUTHORITY NA NASA ILALIM NG AKING PAMAMAHALA, ANG ILANG BAHAGI NG VETERANS MEMORIAL MEDICAL CENTER UPANG ANG SALAPING MALILIKOM AY MAIPAMBAYAD SA ARREARAGES AT PANGANGASIWA NG OSPITAL.

SA ILALIM NG ADMINISTRASYONG ARROYO, SINIMULAN NG AYUSIN ANG SISTEMA NG PAGPAPADALA NG PVAO NG PENSIYON SA MGA BETERANO. ANG PAGGAMIT NG BANK REMITTANCE SCHEME AY NAPATUNAYANG MAS MABILIS AT LIGTAS KAYSA SA KOREO. SA NGAYON, NAIS ITAAS NG PVAO ANG BILANG NG MGA BANGKONG KASALI RITO UPANG MAY MAPAGPILIAN ANG MGA PENSIYONADO NANG MADALI NILANG MAPUNTAHAN. BUKOD PA RITO, PINAG-AARALAN NG PVAO NA TAASAN ANG HOSPITALIZATION SUBSIDY NG MGA BETERANO MULA P200 HANGGANG P400 BAWAT ARAW.

ANG BAGONG MILITARY SERVICE BOARD AY NAKAPAG-PROSESO NA NG MAHIGIT 100,000 APLIKASYON PARA PATUNAYAN ANG KANILANG SERBISYO NOONG WORLD WAR II. MAY TATLONG PANUKALANG BATAS DIN NA NAKAHAIN NGAYON SA US CONGRESS NA NAGLALAYONG MAGBIGAY NG KARAGDAGANG BENEPISYO AT OPISYAL NA PAGKILALA SA WARTIME SERVICE NG ATING WORLD WAR II VETERNAS. MAKATITIYAK KAYONG MASUGID ITONG SINUSUBAYBAYAN NG ATING EMBAHADA SA AMERIKA, ALANG-ALANG SA ATING MGA BETERANO.

SA HABA NG PANAHON NG AKING PAGLILINGKOD SA RADYO AT TELEBISYON, MADALAS AY NAIUGNAY KO ANG KARAINGAN NG ATING MGA BETERANO SA PAMAHALAAN. NGAYONG AKO NA ANG INYONG PANGALAWANG PANGULO, ISANG PAYAK NA PAGLILINGKOD ANG MAAARI KONG IHANDOG SAINYON. NAIS KONG IALAY ANG AKING SARILI UPANG MAGING ISA SA INYONG MGA MENSAHERO SA MALACANANG AT SA MGA OPISYAL NG GABINETE. LINGGO-LINGGO PO ANG CABINET MEETING. KAYA KUNG KAYO AY MAY LINGO-LINGONG MENSAHE PARA SA PANGULO ARROYO, PWEDE RIN PO NAMAN NA AKO AY MAGING LINGO-LINGO NINYONG MENSAHERO SA KANYA, SA MALACANANG, O SA KANYANG GABINETE.

LET US ALL VALUE THE GREATNESS OF OUR NATION AND OUR FILIPINO RACE BY MAKING SURE THAT THE LESSONS OF THE SACRIFICES OF OUR WORLD WAR II VETERNANS ARE NOT ONLY UNFORGOTTEN BUT ALSO EMBEDDED IN OUR CONTINUING STRUGGLE FOR PEACE, FREEDOM AND JUSTICE.

MARAMING MARAMING SALAMAT!

MABUHAY ANG MGA BETERANO!

MABUHAY ANG ATING BAYAN!

,,,

Tuesday, September 5, 2006

Talumpati ni Noli De Castro sa Lorenzo Sumulong Gawad Parangal

Lorenzo S. Sumulong Gawad Parangal, 9 September 2005


MAGANDANG HAPON SA INYONG LAHAT.

NAIS KONG MAGPASALAMAT SA INYONG MAINIT NA PANGTANGGAP SA AKIN AT SA AKING MGA KASAMAHAN DITO SA PROBINSYA NG RIZAL. IPINA-AABOT KO ANG AKING TAOS-PUSONG PAGBATI SA INYONG MGA TAGA-RIZAL, AT SA MGA KAMAG-ANAK NI SENADOR LORENZO S. SUMULONG. MABUHAY PO KAYO.

AKO PO AY LUBOS NA NAGAGALAK NA MAKASAMA KAYO SA PAGDIRIWANG NG IKA-ISANG DAANG ANIBERSARYO NG KAPANGANAKAN NI SENADOR SUMULONG AT SA PAGBIBIGAY NG LORENZO S. SUMULONG GAWAD PARANGAL SA OUTSTANDING ACHIEVERS NG BAYAN NG ANTIPOLO AT PROBINSYA NG RIZAL. KAYA NAMAN AGAD AKONG NAGPAUNLAK NANG IMBITAHAN AKO NG INYONG KONGRESMAN ANG NAPAKAGALING AT HINAHANGAN KONG SI KONGRESMAN VICTOR SUMULONG.

NAPAPANAHONG PANANALITA

“KUNG SI BONIFACIO AY BUHAY NGAYON, ILAN KAYA SA MGA PULITIKO NGAYON, ILAN KAYA SA MGA TAONG NASA PAMAHALAAN, ILAN KAYA SA MGA ITINURING NA HALIGI NG LIPUNAN, ANG KANYANG TATANGGAPIN SA KANIYANG KATIPUNAN NG MGA ANAK NG BAYAN? ILAN KAYA ANG ITATABOY NIYA AT PAGSASABIHAN: HINDI KAYO MAKAKASAPI PAGKA’T ANG INYONG PAG-IBIG SA BAYAN AY BUKA SA BIBIG NGUNIT KABIG SA DIBDIB, ANG PAGHAHANGAD NINYO SA TUNGKULIN O KAPANGYARIHAN AY HINDI UPANG MAKADAMAY SA INYONG KAPWA KUNDI UPANG MAGPASASA AT MAGPAUNLAD SA SARILING KAPAKANAN.”

NAPAKABIGAT NG MGA KATAGANG ITO. SUBALI’T ITO PO AY HINDI SA AKIN NANGGALING, KUNDI SA TALUMPATI NG ISANG DATING HALIGI NG SENADO, SI SENADOR LORENZO SUMULONG.

NAKAMAMANGHA NA ANG PANANALITA NG ISANG MAGALING NA TAO AY NANANATILING MAKABULUHAN KAHIT ILANG DEKADA NA ANG LUMIPAS. MARAHIL ANG SALITANG TOTOO, TULAD NG KATOTOHANAN MISMO, AY TALAGANG HINDI MALILIMUTAN NG KASAYSAYAN.

MALALIM ANG PAGSUSURI AT PAGTINGIN NI SENADOR SUMULONG SA ATING LIPUNAN. MASAKIT ANG KANYANG PUNA HINDI LANG SA MGA NAMUMUNO, KUNDI PATI NA RIN SA LAHAT NANG NANUNUNGKULAN SA PAMAHALAAN.

SA KASALUKUYANG PANAHON, MARAHIL AY MAARI RIN NATING ITANONG: KUNG SI SENADOR SUMULONG AY BUHAY NGAYON, ANO KAYA ANG KANYANG SASABIHIN TUNGKOL SA ATING MGA PINUNO, TUNGKOL SA ATING MGA INSTITUSYON, AT TUNGKOL SA ATING PULITIKA?

MAKAKATIKIM DIN KAYA TAYO NG KANYANG MAANGHANG NA PUNA, O KAYA’Y BANAYAD NA PAALALA NA DAPAT TAYONG MAGING TAPAT SA ATING MGA TUNGKULIN AT SA ATING INANG BAYAN?

SI SENADOR SUMULONG BILANG MODELO

SINO NGA BA SI SENADOR SUMULONG? KAYONG MGA KABATAAN AY WALANG PERSONAL NA KARANASAN TUNGKOL SA TINATAWAG NA “GLORIOUS DAYS OF THE PHILIPPINE SANATE”. ITO ANG PANAHON KUNG SAAN NAGSAMA-SAMA ANG NAPAKAGAGALING NA SENADOR NG BANSA --- MGA NAGLALAKIHANG HIGANTE NG PULITIKA SA PILIPINAS, MGA TAONG MAY MATINDING PAGMAMAHAL SA BAYAN AT SA KAPWA PILIPINO, MGA PINUNONG MAY PRINSIPYO AT DANGAL.

SA PANAHONG YAON NABUHAY AT NAGLINGKOD SI SENADOR SUMULONG.

AT ANG PAGLILINGKOD NIYA SA BAYAN AY NAGSIMULA NOONG SIYA AY ESTUDYANTE PA LAMANG SA UNIBERSIDAD NG PILIPINAS. TUMAKBO AT NAGWAGI SIYA BILANG NUMBER 1 COUNCILOR NG ANTIPOLO HABANG SIYA’Y NAG-AARAL PA LANG NG ABUGASYA. DAHIL SA KANYANG TALINO AT SIPAG, SIYA ANG PINAKA-UNANG NAGTAPOS NA MAGNA CUM LAUDE SA UP. NAGING BAR TOPNOTCHER SIYA NOONG 1929. AT TATLONG TAON PAGKATAPOS NITO, NAGTAPOS SIYA NG MASTER OF LAWS SA HARVARD UNIVERSITY.

NAKILALA SI LORENZO SUMULONG BILANG EKSPERTO SA FOREIGN RELATIONS. KAHIT SA UNITED NATIONS, NAGPAKITA SIYA NG DETERMINASYON AT TAPANG NG PILIPINO. HANGGANG NGAYON AY NAPAG-UUSAPAN PA SA UN ANG PAKIKIPAGBALITAKTAKAN NI SENADOR SUMULONG KAY PREMIER NIKITA KHRUSCHEV NG RUSSIA TUNGKOL SA PAGBIBIGAY NG KALAYAAN SA MGA NASASAKUPAN NG MALALAKAS NA BANSA. NAPIKON ANG SOVIET PREMIER, AT HINUBAD NI KRUSCHEV ANG KANYANG SAPATOS --- SABI NG ILAN, AY UPANG IPUKPOK SA MESA, SABI NAMAN NG IBA AY UPANG IBATO KAY SENADOR SUMULONG.

SI SENADOR SUMULONG AY ISA RING MAGALING NA IMBESTIGADOR SA KONGRESO. WALANG TAKOT O PAGDADALAWANG-ISIP. HINDI SIYA NANGIMING IBUNYAG ANG KATOTOHANAN SA APAT NA CONGRESSIONAL INVESTIGATIONS NA KANYANG PINAMUNUAN:

UNA, ANG IMPEACHMENT PROCEEDINGS LABAN KAY PRESIDENT QUIRINO DAHIL SA BINTANG NA PAGLUSTAY NG KABAN NG BAYAN;

IKALAWA, ANG IMBESTIGASYON SA TAMBOBONG-BUENAVISTA ESTATE DEAL KUNG SAAN ANG KAPATID NG PRESIDENTE AT ANG KALIHIM NG KATARUNGAN AY NADAMAY;

IKATLO, ANG TUNGKOL SA MULTI-MILLION LOBBY NG MGA TSINO KAY PRESIDENTE MAGSAYSAY PARA SA LEGALIZATION NG MGA TEMPORARY CHINESE VISITORS;

AT IKA-APAT, ANG SIKAT NA STONEHIL INVESTIGATION KUNG SAAN NADAMAY ANG OFFICE OF THE PRESIDENT, MGA SENADOR, KONGRESISTA, MGA OPISYAL NG INTERNAL REVENUE AT CUSTOMS, AT IBA PANG OPISYAL NG GOBYERNO.

SUBALIT TALAGANG NASUBUKAN ANG KANYANG PAGIGING STATESMAN AT ANG KANYANG PAGKATAO NANG PINILI NIYANG MAGRETIRE NA LAMANG DAHIL HINDI SIYA NAISAMA SA SENATORIAL CANDIDATES NG NATIONALISTA PARTY NOONG 1967. KAHIT ISA NA SIYA SA MGA NANGUNANG KANDIDATO SA SENADO NOONG NAKARAANG ELEKSIYON, NATALO SIYA NI ATTY. SALVADOR LAUREL SA NOMINASYON NG PARTIDO.

SINUBUKAN SIYANG KUMBINSIHIN NG LIBERAL PARTY NA LUMIPAT SA KANILA. ANG MALACANANG NAMAN, NAG-OFFER NG MATAAS NA POSISYON SA GOBYERNO. SUBALI’T SI SENADOR SUMULONG AY HINDI NAGPADALA SA MGA ITO. ANG KANYANG NAGING DESISYON: MAGRETIRE NA MUNA KAYSA NAMAN LUMIPAT NG PARTIDO O KAYA’Y KUMUHA NG POSISYON SA GOBYERNO.

TALAGANG DAPAT SIYANG ITURING NA MODELO HINDI LANG NG NAKARAANG HENERASYON, KUNDI PATI NA RIN NG KASALUKUYAN. MERON PA BANG KATULAD NIYA?

PAGTATAPOS

AKO NA RIN PO ANG SASAGOT NITO. ANG SAGOT KO, MERON PA.

MARAMI PANG MGA LIDER, MGA PULITIKO, AT MGA PILIPINO NA MAY KAKAYAHANG MAGSAKRIPISYO PARA SA BAYAN. MARAMI PANG BAYANI –TULAD NG MGA GURO, MGA MAGSASAKA, MGA MALIIT NA ENTREPRENOR, MGA OVERSEAS WORKERS, MGA ORDINARYONG PILIPINO NA NABUBUHAY NG MARANGAL AT SUMUSUNOD SA BATAS.

MGA KAIBIGAN, MARAMING PAGSUBOK ANG PINAGDADAANAN NG ATING BANSA, AT MARAMI PANG DARATING. SUBALI’T AKO’Y MAY MALAKING PAGTITIWALA SA ATING MGA KABABAYAN AT SA ATING MGA LIDER.

NANINIWALA AKO NA SA KAIBUTURAN NG PUSO NATING MGA PILIPINO, NAROON PA RIN ANG PAGMAMAHAL SA BANSA AT ANG PAGNANASANG MAGLINGKOD NG TAPAT --- MGA KATANGIANG ISINABUHAY NI SENADOR SUMULONG.

SANA AY MATUTUTO TAYO SA HALIMBAWANG IPINAKITA NIYA SA ATIN. MAPALAD TAYO SA PAGKAKAROON NG ISANG HUWARAN NA TULAD NI SENADOR LORENZO SUMULONG.

MARAMING SALAMAT PO AT MAGANDANG HAPON, BAYAN!


,,,