Showing posts with label Awit at Korido. Show all posts
Showing posts with label Awit at Korido. Show all posts

Tuesday, June 30, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 1-11

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Mapanglaw na Gubat (stanza 1-11)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1. Metapora o pagwawangis

Stanza 9
Baguntaong basal na ang anyo't tindig,
kahit natatali-kamay paa't liig,
kundi si Narciso'y tunay na Adonis,
mukhang sumisilang sa gitna ng sakit


Simili at metapora

stanza 9

pilikmata'y kilay-mistulang balantok;
bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,


2.Paglilipat-wika - pagbibigay-katauhan na pinasasabagay ang mga katangiang pantao, na ginagamit ang pang-uri.

Stanza 1

Sa isang madilim, gubat na mapanglaw,


3. Personipikasyon-binigyan ng katangian pantao ang kahoy.
Stanza 2

Malalaking kahoy-ang ang inihahandog
pawang dalamhati, kahapisa't lungkot;



Buod:

Kung babasahin ang stanza 1-11, ito
ay naglalahad kung saan ang isang taong
inihalintulad kay Adonis ay nakatali sa isang
malaking puno sa gitna ng gubat na madilim.

Ang gubat na punong-puno ng mga mababangis na hayup
ay madilim dahil sa mga naglalakihang puno ay inihalintulad
sa pinto ng papunta sa Impyerno.


Florante at Laura (stanza 1 to 11)

1
Sa isang madilim, gubat na mapanglaw,
dawag na matinik ay walang pagitan,
halos naghihirap ang kay Febong silang
dumalaw sa loob ng lubhang masukal.

2
Malalaking kahoy-ang ang inihahandog
pawang dalamhati, kahapisa't lungkot;
huni pa ng ibon ay nakalulunos
sa lalong matimpi't nagsasayang loob.

3
Tanang mga baging namimilipit
sa sanga ng kahoy ay balot ng tinik;
may bulo ang bunga't nagbibigay-sakit
sa kanino pa mang sumagi't malapit.

4
Ang mga bulaklak ng nagtayong kahoy,
pinakamaputing nag-uungos sa dahon;
pawang kulay luksa at nakikiayon
sa nakaliliyong masangsang na amoy.

5
Karamiha'y Cipres at Higerang kutad
na ang lilim niyon ay nakasisindak;
ito'y walang bunga't daho'y malalapad
na nakadidilim sa loob ng gubat.

6
Ang mga hayop pang dito'y gumagala,
karamiha'y Sierpe't Basilisco'y madla,
Hiena't Tigreng ganid na nagsisisila
ng buhay ng tao't daiging kapuwa.

7
Ito'y gubat manding sa pinto'y malapit
ng Avernong Reyno ni Plutong masungit;
ang nasasakupang lupa'y dinidilig
ng Ilog Cocitong kamandag ang tubig.

8
Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat,
may punong Higerang daho'y kulay pupas;
dito nagagapos ang kahabag-habag,
isang pinag-usig ng masamang palad.

9
Baguntaong basal na ang anyo't tindig,
kahit natatali-kamay paa't liig,
kundi si Narciso'y tunay na Adonis,
mukhang sumisilang sa gitna ng sakit.

10
Makinis ang balat at anaki'y burok
pilikmata'y kilay-mistulang balantok;
bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,
sangkap ng katawa'y pawang magkaayos.

11
Dangan doo'y walang Oreadas Nimfas,
gubat ng Palasyo ng masidhing Harpias,
nangaawa disi't naakay lumiyag
sa himalang tipon ng karikta'y hirap.


Monday, June 29, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 12-20

Summary of FLORANTE AT LAURA
Reyno Albania (stanza 12-20)


Mga tayutay namakikita sa tula.
Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1.Simili

Stanza 12
ang dalawang mata'y bukal ang kaparis;


2.Apostrope o pagtawag- pagtanong o panawagan na akala mo ay tao.
Stanza 13

"Mahiganting langit! bangis mo'y nasaan?

Stanza 19

"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!


3.Personipikasyon-binigyan ng katangian pantao ang ugali.

Stanza 17

"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi't nakayuko



Buod

Naghihinagpis ang lalaking nakatali sa malaking puno. Puno ng luha ang kanyang mata habang naiisip niya na ang kaharian ng Albanya ay pinaghaharian ng kasamaan at kataksilan.

Naniniwala siya na sa Kaharian ng Albanya, Ang mga gawaing mabubuti ay siyang pinaparusahan at ang gawang masasama ang binibigyan ng gantimpala dahil lamang sa nga inaasam na kayamanan at puring lumilipas.

Si Konde Adolfo ay may paghahangad sa kayamanan ng Duke at ang korona ng hari.



FlORANTE AT LAURA stanzas 12-20

12
Ang abang uyamin ng dalita't sakit-
ang dalawang mata'y bukal ang kaparis;
sa luhang nanakit at tinangis-tangis,
ganito'y damdamin ng may awang dibdib.

13
"Mahiganting langit! bangis mo'y nasaan?
ngayo'y naniniig sa pagkagulaylay;
bago'y ang bandila ng lalong kasam-an
sa Reynong Albania'y iwinawagayway.

14
"Sa loob at labas ng bayan ko sawi,
kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa't pighati.

15
"Ang magandang asal ay ipinupukol
sa laot ng dagat na kutya't linggatong;
balang magagaling ay ibinabaon
at inililibing na walang kabaong.

16
"Nguni ay ang lilo't masasamang-loob
sa trono ng puri ay iniluluklok;
at sa balang sukab na may asal-hayop,
mabangong insenso ang isinusuob.

17
"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi't nakayuko;
santong katuwira'y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinatutulo.

18
"At ang balang bibig na binubukalan
ng sabing magaling at katotohanan,
agad binibiyak at sinisikangan
ng kalis ng lalong dustang kamatayan.

19
"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!

20
"Sa korona dahil ng Haring Linceo
at sa kayamanan ng Dukeng Ama ko,
ang ipinangangahas ng Konde Adolfo
sabugan ng sama ang Albanyang Reyno.

Sunday, June 28, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 21-33

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Sawing Kapalaran (stanza 21-33)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1. Apostrope o pagtawag - isang panawagan o pakiusap sa isang bagay na tila ito ay isang tao

Stanza 21

"Ang lahat ng ito'y maawaing Langit,
Iyong tinutungha'y ano't natitiis?
mula Ka ng buong katuwira't bait,
pinapayagan Mong ilubog ng lupit.


Stanza`22

"Makapangyarihang kanan Mo'y ikilos,
papamilantikan ang kalis ng poot;
sa Reynong Albanya'y kusang ibulusok
ang Iyong higanti sa masamang-loob.


Stanza 23
"Bakit Kalangita'y bingi Ka sa akin,
ang tapat kong luhog ay hindi Mo dinggin?
diyata't sa isang alipusta't iring,
sampung tainga mo'y ipinangunguling?


Stanza 25

"Ay! di saan ngayon ako mangangapit!
saan ipupukol ang tinangis-tangis,
kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit

ang sigaw ng aking malumbay na boses!

Stanza 31

"Nguni, sa aba ko! sawing kapalaran!

2. Metapora o pagwawangis

stanza 27

"At dito sa laot ng dusa't hinagpis,

Buod


Tinanong ni Florante bakit hinahayaan ng Langit na mangyari sa kaniya ang masamang kapalaran na umabot sa kaniya. Bakit hindi siya pinapakinggan sa kaniyang paghingi ng tulong? Dinadasal niya na parusahan ang nagkasala.

Nang bandang huli nanaig pa rin kay Florante ang paniniwala sa Diyos na may dahilan kaya nangyayari yaon. Matatanggap niya ang pagdurusa pero ang hiling lang niya ay huwag siyang makalimutan ni Laura.

Nang maisip naman niya na marahil ay nasa piling na ni konde Adolfo ang kasintahan niyang si Laura lalo siyang nalungkot at hiniling na siya mamatay na. Dahil sa kalungkutan ay nawalan na naman ng malay tao si Florante habang umiiyak.



FLORANTE AT LAURA (stanzas 21 to 33)

21
"Ang lahat ng ito'y maawaing Langit,
Iyong tinutungha'y ano't natitiis?
mula Ka ng buong katuwira't bait,
pinapayagan Mong ilubog ng lupit.

22
"Makapangyarihang kanan Mo'y ikilos,
papamilantikan ang kalis ng poot;
sa Reynong Albanya'y kusang ibulusok
ang Iyong higanti sa masamang-loob.

23
"Bakit Kalangita'y bingi Ka sa akin,
ang tapat kong luhog ay hindi Mo dinggin?
diyata't sa isang alipusta't iring,
sampung tainga mo'y ipinangunguling?

24
"Datapuwa't sino ang tatarok kaya
sa mahal Mong lihim, Diyos na dakila?
walang nangyayari sa balat ng lupa,
di may kagalingang Iyong ninanasa.

25
"Ay! di saan ngayon ako mangangapit!
saan ipupukol ang tinangis-tangis,
kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit
ang sigaw ng aking malumbay na boses!

26
"Kung siya mong ibig na ako'y magdusa,
Langit na mataas, aking mababata;
isagi mo lamang sa puso ni Laura--
ako'y minsan-minsang mapag-alaala."


**Epekto ng Panibugho kay Florante**


27

malawak na lubhang aking tinawid,
gunita ni Laura sa naabang ibig,
siya ko na lamang ligaya sa dibidib.

28
"Munting gunamgunam ng sinta ko't mutya
nang dahil sa aki'y dakila kong tuwa;
higit na malaking hirap at dalita,
parusa ng taong lilo't walang awa.

29
"Sa pagkagapos ko'y kung gunigunihin,
malamig nang bangkay akong nahihimbing;
na tinatagisan ng sula ko't giliw,
ang pagkabuhay ko'y walang hangga mandin.

30
"Kung apuhapin ko sa sariling isip,
ang suyuan namin ng pili kong ibig;
ang pagluha niya kung ako'y may hapis,
nagiging ligaya yaring madlang sakit.

31
"Nguni, sa aba ko! sawing kapalaran!
ano pang halaga ng gayong suyuan ...
kung ang sing-ibig ko'y sa katahimikan
ay humuhilig na sa ibang kandungan?

32
"Sa sinapupunan ni Konde Adolfo,
aking natatanaw si Laurang sinta ko;
kamataya'y nahan ang dating bangis mo,
nang di ko damdamin ang hirap na ito?"

33
Dito hinimatay sa paghihinagpis,
sumuko ang puso sa dahas ng sakit;
ulo'y nalungayngay, luha'y bumalisbis,
kinagagapusang kahoy ay nadilig.

Saturday, June 27, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 55 -68

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Halina Laura Ko (stanza 55-68)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1.Pang-uyam

ang kabangisan mo'y pinasasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung di inagaw."



Buod:

Panay hinagpis ang iniisip nang naghihirap na si Florante. Mahal niya si Laura pero tuwing naiisip niya ito na kapiling ni Konde Adolfo, magkahalong galit at pag seselos ang kaniyang nararamdaman. Nanghihinayang siya sa kanilang pag-iibigan na inisip niyang inagaw ni sa kaniya ni Konde Adolfo ang pag-ibig ni Laura.

Sa kaniyang paghihirap, hinahanap niya si Laura at hinihiling na siya ay damayan at tingnan ang kaniyang paghihirap. Naniniwala siya na isang haplos lang ni Laura ay mababawasan na ang kaniyang mga nararamadaman niyang sakit. Malungkot siya sa nangyari sa kaniyang mga magulang pati ang pagkawala ng kaniyang mga kaibigan. Sinabi niya na matitiis niya lahat pero hindi ang pagkalimot at pagtataksil sa kaniya ni Laura. Ito ang iniisip niyang magbibigay sa kanya ng kamatayan.




FLORANTE AT LAURA (stanza 55-68)

55
"Halina, Laura ko't aking kailangan
ngayon, ang lingap mo nang naunang araw;
ngayon hinihingi ang iyong pagdamay--
ang abang sinta mo'y nasa kamatayan.

56
"At ngayong malaki ang aking dalita
ay di humahanap ng maraming luha;
sukat ang kapatak na makaapula,
kung sa may pagsintang puso mo'y magmula.

57
"Katawan ko ngayo'y siyasatin, ibig,
tingnan ang sugat kong di gawa ng kalis;
hugasan ang dugong nanalong sa gitgit
sa kamay ko, paa't natataling liig.

58
"Halina, irog ko't ang damit ko'y tingnan,
ang hindi mo ibig dumamping kalawang:
kalagin ang lubid at iyong bihisan,
matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan.

59
"Ang mga mata mo ay iyong ititig
dini sa anyo kong sadlakan ang sakit,
upang di mapigil ang takbong mabilis
niring abang buhay sa ikapapatid.

60
"Wala na Laura't ikaw na nga lamang
ang makalulunas niring kahirapan;
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay!

61
"Nguni, sa aba ko! Ay, sa laking hirap!
wala na si Laurang laging tinatawag!
napalayu-layo't di na lumiliyag,
ipinagkanulo ang sinta kong tapat.

62
"Sa abang kandunga'y ipinagbiyaya
ang pusong akin na at ako'y dinaya;
buong pag-ibig ko'y ipinanganyaya,
nilimot ang sinta'y sinayang ang luha.

63
"Alin pa ang hirap na di sa akin
may kamatayan pang di ko daramdamin?
ulila sa ama't inang nag-angkin,
walang kaibiga't nilimot ng giliw.

64
"Dusa sa puri kong kusang siniphayo,
palasong may lasong natirik sa puso;
habag sa ama ko'y tunod na tumimo,
ako'y sinusunog niring panibugho.

65
"Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
pagdaya ni Laura ang kumakamandag;
dini sa buhay ko'y siyang magsasadlak
sa libingang laan ng masamang palad.

66
"O, Konde Adolfo, inilapat mo man
sa akin ang hirap ng sansinubukan,
ang kabangisan mo'y pinasasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung di inagaw."

67
Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat;
tinangay ang diwa't karamadamang hawak
ng buntunghininga't luhang lumagaslas.

68
Sa puno ng kahoy na napayukayok;
ang ibig ay supil ng lubid na gapos;
bangkay na mistula't ang kulay ng burok
ng kanyang mukha'y naging puting lubos.

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 34-54

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Mga Hinaing ng Kawawa (stanza 34-54)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1. Personipikasyon

stanza 36
aakayin biglang umiyak ang puso,

2. Apostrope

stanza 39
"Ay! Laurang poo'y bakit isinuyo
sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
at pinagliluhan ang tapat na puso,
pinaggugulan mo ng luhang tumulo?


Stanza 40
"Di sinumpaan mo sa harap ng Langit
na di maglililo sa aking pag-ibig?


3. Metapora o pagwawangis

Stanza 43
dalawa mong mata'y nanalong ng perlas?

4. Simili
stanza 44

ang parang korales na iyong daliri,

Buod:

Ang mga stanzas na ito ay ang patuloy na kalunos-lunos na anyo ni Florante na lalong pinasidhi nang mga alaala ni Laura noong sila ay masaya pa.

Naalala niya kung gaano ang pag-asikaso sa kaniya ni Laura kapag siya ay papunta sa pakikipaglaban. Si Laura ang mismong nag-aasikaso sa kaniyang mga susuutin at kapag umuwi na siya ay umiiyak pa rin ito sa pangamba na siya ay napahamak.

Tinatanong ni Florante kung nasaan na lahat ang luha na iniiyak ni Laura at bakit siya ay pinagtaksilan.



FLORANTE AT LAURA (stanzas 34 to 54)
34
Magmula sa yapak hanggang sa ulunan,
nalimbag ang bangis ng kapighatian;
at ang panibugho'y gumamit ng asal
na lalong marahas, lilong kamatayan.

35
Ang kahima't sinong hindi maramdamin,
kung ito'y makita magmamahabagin;
matipid na luha ay paaagusin,
ang nagparusa ma'y pilit hahapisin.

36
Sukay na ang tingnan ang lugaming anyo
nitong sa dalita'y hindi makakibo,
aakayin biglang umiyak ang puso,
kung wala nang luhang sa mata'y itulo.

37
Gaano ang awang bubugso sa dibdib
ng may karamdamang maanyong tumitig,
kung ang panambita't daing ay marinig
nang mahimasmasan ang tipon ng sakit?

38
Halos buong gubat ay nasasabugan
ng dinaing-daing lubhang malumbay,
na inuulit pa at isinisigaw
sagot sa malayo niyong alingawngaw.

39
"Ay! Laurang poo'y bakit isinuyo
sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
at pinagliluhan ang tapat na puso,
pinaggugulan mo ng luhang tumulo?

40
"Di sinumpaan mo sa harap ng Langit
na di maglililo sa aking pag-ibig?
ipinabigay ko naman yaring dibdib,
wala sa gunita itong masasapit!

41
"Katiwala ako't ang iyong kariktan,
kapilas ng langit anaki'y matibay;
tapat ang puso mo't di nagunamgunam
na ang paglililo'y nasa kagandahan.

42
"Hindi ko akalaing iyong sasayangin
maraming luha mong ginugol sa akin;
taguring madalas na ako ang giliw,
mukha ko ang lunas sa madlang hilahil.

43
"Di kung ako'y utusang manggubat
ng hari mong ama sa alinmang Ciudad,
kung ginagawa mo ang aking sagisag,
dalawa mong mata'y nanalong ng perlas?

44
"Ang aking plumahe kung itinatahi
ang parang korales na iyong daliri,
buntunghininga mo'y nakikiugali
sa kilos ng gintong ipinananahi.

45
"Makailan Laurang sa aki'y iabot,
basa pa ng luha bandang isusuot;
ibinibigay mo ay naghihimutok,
takot masugatan sa pakikihamok.

46
"Baluti't koleto'y di mo papayagang
madampi't malapat sa aking katawan,
kundi tingnan muna't baka may kalawang
ay nanganganib kang damit ko'y marumhan.

47
"Sinisiyasat mo ang tibay at kintab
na kung sayaran man ng taga'y dumulas;
at kung malayo mang iyong minamalas,
sa gitna ng hukbo'y makilala agad.

48
"Pahihiyasan mo ang aking turbante
ng perlas, topasyo't maningning na rubi;
bukod ang magalaw na batong d'yamante,
puno ng ngalan mong isang letrang L.

49
"Hanggang ako'y wala't nakikipaghamok,
nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob;
manalo man ako'y kung bagong nanasok,
nakikita mo na'y may dala pang takot.

50
"Buong panganib mo'y baka nagkasugat,
di maniniwala kung di masiyasat;
at kung magkagurlis nang munti sa balat,
hinuhugasan mo ng luhang nanatak.

51
"Kung ako'y mayroong kahapisang munti,
tatanungin mo na kung ano ang sanhi;
hanggang di malining ay idinarampi
sa mga mukha ko ang rubi mong labi.

52
"Hindi ka tutugot kung di matalastas,
kakapitan mo nang mabigyan ng lunas;
dadalhin sa hardi't doon ihahanap
ng ikaaaliw sa mga bulaklak.

53
"Iyong pipitasin ang lalong marikit,
dini sa liig ko'y kusang isasabit;
tuhog na bulaklak sadyang salit-salit,
pag-uupandin mong lumbay ko'y mapaknit.

54
"At kung ang hapis ko'y hindi masawata,
sa pilikmata mo'y dadaloy ang luha;
napasaan ngayon ang gayong aruga,
sa dala kong sakit ay di iapula?

Friday, June 26, 2009

Buod ng FLORANTE AT LAURA sa Tagalog- stanzas 69-82

Summary ng FLORANTE AT LAURA
Ang Pagdating ng Guererong Moro (stanza 69-82)



Mga tayutay na makikita sa tula. Tingnan ang eksplanasyon at halimbawa ng mga tayutay dito.

1. Simili


Stanza 72

sa mata ng luhang anaki'y palaso.


2. Metapora

stanza 74

di rin kumakati ang batis ng luha;


3. Personipikasyon

Stanza 77
bubuga ng libo't laksang kamatayan!


Buod ng Florante at Laura

Ito ang bahagi kung saan ang isa sa mga popular na saknong ay nawika ng isang Gererong Muslim dahil sa pagmamahal niya kay Flerida, ang kaniyang mutya.


"O, pagsintang labis ng kapangyarihan,
sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;
pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaking lahat masunod ka lamang!


Hindi katulad ni Florante na nakagaos, siya ay malayang naglalakad ngunit ang isipang
tungkol sa kaniyang sinisintang si Flerida ay nagpapahina rin sa kaniya.
Ibig niyang kalimutan ang kaniyang kasawian pero nanaig sa kaniya ang pag-ibig at maliban kung ang ama niya ay umagaw sa kaniya kay Flerida, ang iba ay kaniyang papatayin.

FLORANTE AT LAURA (stanza 69-82)

69
Nagkataong siyang pagdating sa gubat
ng isang gererong bayani ang tikas,
putong na turbante ay kalingas-lingas
pananamit moro sa Persyang siyudad.

70
Pinigil ang lakad at nagtanaw-tanaw,
anaki'y ninitang pagpapahingahan,
di kaginsa-ginsa'y ipinagtapunan
ang pika't adarga't nagdaop ng kamay.

71
Saka tumingala't mata'y itinirik
sa bubong ng kahoy na takip sa Langit,
istatuwa manding nakatayo'y umid,
ang buntunghininga niya'y walang patid.

72
Nang magdamdam-ngawit sa pagayong anyo,
sa puno ng isang kahoy ay umupo,
nagwikang "O palad!" sabay ang pagtulo
sa mata ng luhang anaki'y palaso.

73
Ulo'y ipinatong sa kaliwang kamay
at saka tinutop ang noo ng kanan;
isang mayroong ginugunamgunam--
isang mahalagang nalimutang bagay.

74
Malao'y humilig, nagwalang-bahala,
di rin kumakati ang batis ng luha;
sa madlang himutok ay kasalamuha
ang wikang: "Flerida'y tapos na ang tuwa!"

75
Sa balang sandali ay sinasabugan
yaong buong gubat ng maraming "Ay! Ay!"
na nakikitono sa huning mapanglaw
ng panggabing ibong doo'y nagtatahan.

76
Pamaya-maya'y nabangong nagulat,
tinangnan ang pika't sampu ng kalasag;
nalimbag sa mukha ang bangis ng furias--
"Di ko itutulot!" ang ipinahayag.

77
"At kung kay Flerida'y iba ang umagaw
at di ang ama kong dapat na igalang,
hindi ko masabi kung ang pikang tangan--
bubuga ng libo't laksang kamatayan!

78
"Bababa si Marte mula sa itaas
at kailalima'y aahon ang Parcas;
buong galit nila ay ibubulalas,
yayakagin niring kamay kong marahas!

79
"Sa kuko ng lilo'y aking aagawin
ang kabiyak niring kaluluwang angkin;
liban na kay ama, ang sinuma't alin
ay di igagalang ng tangang patalim.

80
"O, pagsintang labis ng kapangyarihan,
sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;
pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaking lahat masunod ka lamang!

81
"At yuyurakan na ang lalong dakila--
bait, katuwira'y ipanganganyaya;
buong katungkula'y wawal-ing-bahala,
sampu ng hininga'y ipauubaya.

82
"Itong kinaratnan ng palad ko linsil
salaming malinaw na sukat mahalin
ng makatatatap, nang hindi sapitin
ang kahirapan kong di makayang bathin."

Tuesday, March 31, 2009

Summary ng Ibong Adarna Part 1 sa Tagalog

Summary ng Ibong Adarna sa Tagalog

Part 1 Summary ng mga saknong (stanzas ) na naglalahad tungkol sa kaharian ng Berbanya, hari at reyna at tatlong principe, ang pagkakasakit ng hari at ang pagsunod ni Don Pedro na hanapin ang Ibong Adarna

Talataan

Lunos-Lungkot
Matarok-maunawaan
Nililo-dinaya
Lunos-lungkot
Tumalima-sumunod
Marahuyo-maakit
Nag-aalimpuyo-nangangalit
Mayamungmong-madahon

Buod

Sa kaharian masagana at ang mga tao nabubuhay ng mapayapa na ang pangalan ay Berbanya, ang naghahari ay si Don Fernando at ang asawa niyang si Donya Valeriana.
Tatlo ang kanilang anak. Ang panganay ay si Don Pedro; pangalawa ay si Don Diego at ang bunso ay si Don Juan. Ang magkakapatid ay sinanay sa paghawak ng sandata nang kanilang pinili ang tumulong sa pagpapatakbo ng kaharian kaysa sa magpari.
Ang bunso ang paborito ng hari at reyna kaya nang managinip si Don Fernando na ang kaniyang anak na si Don Juan ay pinatay ng dalawang tao at inihulog sa balon, siya ay nagkasakit ng malubha.


Isang matandang manggagamot ang dumating sa kaharian at sinabing ang natataning lunas lamang ay ang awiting ng ibong Adarna na makukuha lang sa bundok Tabor.
Anang matanda, ang ibon ay humahapon sa puno ng Piedras Plata sa gabi at umaawit bago ito matulog.Sa umaga ay hindi ito matatagpuan.

Ang unang naglakbay para hulihin ang Ibong Adarna ay ang pangany na si Don Pedro.

Monday, March 30, 2009

Summary of Ibong Adarna Part 2 sa Tagalog

Part 2. Summary ng mga saknong (stanzas) na naglalahad tungkol sa Paglalakbay ni Don Pedro sa Bundok Tabor at ang sinapit niya sa Ibong Adarna

Talataan:

1. tumalima -sumunod
2. pinangulag-pinatayo
3. nag-aalimpuyo-nangangalit


Buod
Sakay ng kabayo, naglakbay si Don Pedro ng tatlong buwan hanggang mamatay ang kaniyang kabayo at kinailangang lumakad siya para marating ang Tabor.
Nakita niya ang marikit na puno ng Piedras Plata. Napansin niya na walang ibon ang dumadapo sa puno. Sa paghintay niya sa Ibong Adarna , siya ay nakatulog. Pitong beses, kumanta ang ibon, nagpalit ng kulay ng balahibo at nagbawas bago ito natulog sa sanga.

Si Don Pedro ay napatakan ng dumi ng engkantadang ibon na siyang nagging dahilan upang siya ay maging bato.

Sunday, March 29, 2009

Summary of Ibong Adarna Part 3 sa Tagalog

3. Summary ng mga saknong (stanzas) na naglalahad ng Paglalakbay ni Don Diego para hanapin ang kapatid at ang ibong adarna

Talataan:

1. kinipkip-dinala sa kamay
2. nakadatal-nakarating
3. napagbulay-bulay-napag-isip-isip
4. nalilingid-natatago
5. nagahis-natalo


Buod

Makalipas ang isang taon at di pa bumalik si Don Pedro, si Don Diego naman ang naglakbay para hanapin ang ibong Adarna. Limang buwan ang nakaraan sa paghanap niya ng bundok. Namatay din ang kaniyang kabayo at tulad ng kapatid na panganay ay lumakad din siya.

Hindi niya namalayan na nakarating na pala siya sa Bundok ng Tabor at nakita rin niya ang puno na ang ugat ay tila ginto habang ang mga dahon ay kumikinang.
Napansin niya ang isang bato pero mas naakit siya sa mga dahon ng puno at hindi rin niya napansin ang mga kawan-kawang ibong dumaan.
Matiyaga siyang naghintay at di nagtagal ay dumating ang ibong adarna. Nakita ni Don Diego ang ibon at pinilit hulihin nang magsimula itong umawit. Sa ganda ng awit, ang prinsipe ay nakatulog. Kagaya ng kaniyang nakakatandang kapatid siya rin ay naging bato matapos siyang madumihan ng ibon pagkatapos nitong kumanta

Saturday, March 28, 2009

Summary of Ibong Adarna Part 4 sa Tagalog

4. Summary ng mga saknong (stanzas ) na naglalahad ng paglalakbay ni Don Juan para hanapin ang dalawang kapatid at ang Ibong Adarna

Talataan:
1. Subyang-tinik
2. Nawawaglit-nawawala
3. mahumaling-magkagusto
4. parurunan-pupuntahan
5. namamanglaw-nalulungkot
6. nangungulimlim-dumudilim
7. nanambitan-nakiusap
8. kapakumbabaan-kababaang-loob
9. binabagtas-tinatahak
10. namanatag-namayapa
11. matarik-mataas
12. makakaniig- makakapiling
13. namamanglaw-nalulungkot
14. datay-nakaratay
15. itinatangis-iniiyak
16. matitimyas-matatamis o magaganda

Buod

Makalipas ang tatlong taon, wala pa ring balita tungkol kay Don Pedro at Don Diego sa paghahanap ng mga ito ng Ibong Adarna. Ayaw utusan ng hari si Don Juan dahil baka matulad din itong prinsipe sa sinapit ng dalawang kapatid.

Si Don Juan ang nagpumilit dahil sa paglulubha ng ama. Tinakot niya ang ama na aalis siya nang walang paalam ag hindi siya pinayagan. Di katulad ng dalawang kapatid, hindi siya gumamit ng kabayo sa paglalakbay at nagdala lang siya ng limang tinapay. Ibig niyang magpakumbaba.
Sa daan ay nakasalubong niya ang isang matandang may leproso na humingi ng tulong sa prinsipe. Ibinigay niya ang natitira niyang tinapay . Bilang ganti, sinabi ng matanda na hanapin ang bahay ng isang tao na makakapagturo sa kaniya sa ibon.

Iniwanan ni Don Juan ang leproso at hinanap ang puno at ang bahay. Sa bahay ay nakita niya ang ermitanyo na nagbigay sa kaniya ng isang labaha at pitong dayap na gagamitin niya upang mapaglabanan ang antok habang kumakanta ang ibong adarna.

Binigyan din siya ng sintas na ginto (tali) upang siyang ipanghuli sa Ibong Adarna.
Sinunod lahat ng payo ng ermitanyo kaya nahuli ni Don Juan ang Ibong Adarna.
Tinulungan din ng matanda ang prinsipe para gawing tao muli ang dalawa nitong kapatid
na sina Don Pedro at Don Diego sa papamagitan ng pagbuhos ng tubig.

Pinagaling din ng ermitanyo ang mga sugat ni Don Juan. Bago umalis ang tatlo, nagpabasbas muna si Don juan sa ermitanyo.

Friday, March 27, 2009

Summary of Ibong Adarna Part 5 sa Tagalog

Part 5 Summary ng mga saknong (stanzas) na naglalahad ng Pagtataksil ni Don Pedro at Don Diego kay Don Juan at pagbabalik nila sa kaharian ng Berbanya.

Talataan:
Umagapay-sumabay
Natalos-nalaman
Nasindak-natakot
Kauukilkil-katatatanong
Mapalugmok-mapadapa
Nag-apuhap- nag-isip, naghanap
Mapalisya-magkamali
Lilimiin-iisipin
Manukala- suhestiyon
Nalugod-nasayahan

Buod:

Habang pabalik sa kaharian, pinag-isipan ng masama ni Don Pedro si Don Juan. Kinausap niya ang kaniyang kapatid na si Don Diego na patayin nila si Don Juan upang maiuwi nila ang Ibong Adarna sa kanilang ama. Hindi pumayag si Don Diego; sa halip ay sa sinabi ni Don Pedro dahil kapatid nila ang papatayin nila.
Kahit hindi sang-ayon ay wala na ring nagawa di Don Diego nang sinabi ni Don Pedro na
na bugbugin at iwanan si Don Juan na mag-isang walang pagkain at mahina. Sa ganoon
ay mamatay din ito sa gutom at sa sugat.

Ganoon nga ang ginawa nila at sila ay matagumpay na umuwi dala-dala ang ibon.
Ang hari ay lalong nanghina sa pag-alala sa kaniyang bunsong si Don Juan.

Ang Ibong Adarna na alam kung sino talaga ang nakahuli sa kaniya ay hindi kumanta.
Hinintay niyang bumalik si Don Juan para matuklasan ang kataksilang ng dalawa niyang kapatid.
.

Thursday, March 26, 2009

Summary ng Ibong Adarna part 6 sa Tagalog

Part 6 Summary ng mga saknong (stanzas) na nagsasaad ng Pagdurusa ni Don Juan, pagtulong ng ermitanyo at pagbalik niya sa kaharian ng Berbania.

Talataan

Palamara-masama
Balintuna-kabaligtaran
Talinghaga-misteryo
Nautas-napatay



Buod

Sa pag-iisa at pagdurusa sa sakit ng mga sugat, naisip ni Don Juan ang kaniyang ama,
At ang kaniyang ina. Nagdasal din siya sa Panginoong Diyos na siya ay tulungang makita ulit ang kaniyang mga magulang kahit na naisip niya ang kasamaang iginanti sa kaniya ng kaniyang mga kapatid.

Dumating ang matanda at parang himala, ginamot siya sa kaniyang mga sugat at siya ay naging malakas ulit. Punit-punit ang damit na bumalik sa palasyo si Don Juan. Nang Makita siya ng Ibong Adarna, umawit ito ng pitong beses na nagkukuwento kung paano pinagtulungan si Don Juan ng mga kapatid na sina Don Diego at don Pedro. Sa ikapitong awit kung saan sinabi ng ibon na dapat ipamana ang kaharian kay Don Juan, gumaling ang hari at tumayo.

Kahit na inapi ng mga kapatid napatawad pa rin sila ni Don Juan at sila’y nagsama-sama sa kaharian kasama ang Ibong Adarna.












.

Wednesday, March 25, 2009

Summary of Ibong Adarna part 7 in Tagalog

Part 7 Summary ng mga saknong (stanzas) ng pagkawala ng Ibong Adarna at paglalayas ni Don Juan sa takot na siya ay maparusahan ng Amang Hari at pagtigil nilang magkakapatid sa Armenia.

Talataan;

Kaginsa-ginsa- hindi inaasahan
Tumahan-tumira
Matarok-maunawaan

Buod


Inutos ng hari ang pagbabantay sa Ibong Adarna. Nang gabing si Don Juan ay nagbantay, siya ay nakatulog. Pinakawalan ni Don Pedro ang ibon.

Paggising ng prinsipe at nalaman niyang nawawala ang ibon, siya ay umalis dahil alam niyang paparusahan siya ng hari.

Nang malaman ng hari na naglayas si Don Juan, ipinahanap it okay Don Pedro at Don Diego.

Si Don Juan naman ay napadpad sa Armenia kung saan siya ay natagpuan ng dalawang kapatid. Sa takot na baka malaman ng hari ang katotohanan, minabuti ni Don Pedro at Don Diego na doon na rin manatili.

Sa kanilang paglalakad, may nakita silang balon. Napagpasiyan nila na alamin kung ano ang nasa ilalim. Una at ikalwang ibinaba sa balon ay si Don Diego at Don Pedro, nguni’t sila ay natakot bago man nakarating sa ilalim.

Tuesday, March 24, 2009

Summary of Ibong Adarna part 8 in Tagalog

Part 8 Summary ng mga saknong (stanzas) sa Ibong Adarna na nagsasaad nang pagligtas ni Don Juan sa dalawang Prinsesa na natagpuan niya sa balon at ang pag-iwan sa kaniya ng mga kapatid upang siya ay mamatay nang tuluyan.


Talataan:

Humahalimuyak- nagsasabog ng amoy na mabango
Namamangha-nagugulat
Tampalasan-malupit
Naghamok-naglaban
Magpahingalay-magpahinga

Buod

Nang si Don Juan na ang ibinababa sa balon, hindi siya tumigil hanggang hindi niya naabot ang ilalim.

Ang Higante

Pumasok siya sa isang pinto kung saan nakita niyang may daang kumikinang sa linis na tila kristal. Ang mga bulaklak ay namumukadkad at nagsasabog ng bango. na kristal at may mga bulaklak na mababango Sa isang bahay, siya ay tumawag kung may tao at nakita niya si Princesa Juana na bilanggo ng isang higante.

Hinamon ni Don Juan ang higante at napatay niya.

Si Prinsesa Leonora at ang Ahas na may Pitong Ulo


Bago sila umalis, ipinagtapat ni Princesa Juana na may kapatid siyang bilanggo naman ng malaking ahas na may pitong ulo.

Iniligtas din ni Don Juan si Princess Leonora. Tinulungan din siya ng prinsesa sa pamamagitan ng pagbigay ng isang bote na ang lamang balsamo ay kailangang ibuhos sa ulo ng ahas upang hindi ito makadikit ulit pagkatapos maputol.
Kasama si Princesa Leonora, si Princesa Juana at ang alagang lobo ni Princesa Leonora, si Prinsipe Juan ay umakyat sa balon sa tulong ng kaniyang dalawang kapatid.
Umibig si Don Pedro kay Princesa Leonora na ang pag-ibig naman ay nakatuon kay Prinsipe Juan.

Muling Pagtataksil

Bumalik si Don Juan sa balon upang kunin ang singsing na diamante ni Prinsesa Leonora na kaniyang naiwanan. Di pa man siya nakababa ay pinutol na ni Don Pedro ang lubid ng nasa sampung dipa pa lang ito.

Inhulog din ni Prinsesa Leonora ang kaniyang lobo para tulungan si Don Juan. Bumalik na sa Berbania sina Don Pedro, Don Diego, Prinsesa Juana at Prinsesa Leonora.
Naniwala ang hari sa kuwento ng dalawang magkapatid na patay na si Don Juan at silang dalawa ang nagligtas sa dalawang prinsesa.

Ikinasal kaagad si Prinsesa Juana at Don Diego samantalang si Prinsesa Leonora ay humingi ng palugit na pitong taon dahil sa kaniyang panata. Humingi siya ng sariling silid upang doon niya tuparin ang panatang iyon.

Pansamantalang tagumpay

Nakita ng lobo na isang engkantado ang sugatang si Don Juan. Ginamot niya ang prinsipe sa pamamagitan ng tubig na nanggaling sa Dagat Jordan. Pagkatapos gumaling si Don Juan, kinuha niya ang singsing na diamante ni Prinsesa Leonora at lumakad siya pabalik sa Kaharian ng Berbania.

Sa kapaguran, nagpahinga si Don Juan sa ilalim ng puno. Dumating ang Ibong Adarna at kumanta na nagsasaad ng pag-iisip ni Prinsesa Leonora sa kaniya subalit meron pang isang babaeng mas maganda kay Prinsesa Leonora. Siya ay si Donya Maria Blanca, anak ng Haring Salermo ng kaharian ng De los Cristal. Siya ay pinakamatanda sa tatlong prinsesa na sina Isabel at Juana.

Monday, March 23, 2009

Summary of Ibong Adarna part 9 in Tagalog

Part 9 Summary ng mga saknong (stanzas)sa Ibong Adarna na nagsasaad nang panibagong paghahanap ni Don Juan sa Kaharian ng De los Cristal at paglalakbay patungo doon sa pamamagitan ng agila

Talataan:
Ipagbabadya-sasabihin
Mamangha-magtaka
Bumukal – dumaloy
Matatap – malaman

Buod


Pagkakasalubong sa isang gusgusing matanda
Matagal nang naglalakbay si Don Juan pero hindi pa rin niya makita ang kaharian ng de
los Cristales.

Sa kaniyang kagutuman, humingi siya ng pagkain sa isang matanda na binigyan siya ng bukbuking tinapay na nang tinikman niya ay anong sarap. Ang tubig da bumbong ay tila hindi nababawasann.

Tinanong niya ang matanda ng direksiyon patungong delos Cristal, ngunit walang masabi ang matanda na nagsabing isandaang taon na siyang naglalakad ay wala pa siyang naabot ng ganoong lugar. Pinayuhan na lang na hanapin niya ang ermitanyo na maaring makapabigay sa kaniya ng tungkol sa kahariang hinahanap. Binigyan niya ng kapirasong damit na ipapakita ng prinsipe sa ermitanyo para tulungan siya.

Samantala si Prinsesa Leonora ay patuloy pa rin ang pagtangis at paghihintay kay Don Juan.

Ang Unang Ermitanyo

Matapos ang limang buwan ay nakarating si Don Juan sa ikapitong bundok kung saan nakita niya ang ermitanyo na mahaba na ang buhok sa katandaan.
Ayaw kausapin ng ermitanyo si Don Juan kung hindi niya ipinakita ang piraso ng damit na ibinigay ng matanda. Umiyak ang ermitanyo nang makita ang damit at sinabi ninyang Iyon ay damit ni Hesukristo. Humingi siya ng kapatawaran sa kaniyang mga sala.
Sinabi ng ermitanyo na limandaang taon na siya at wala pa siyang nalalamang ganoon kaharian. Sinangguni rin niya ang mga hayup kung may nalalaman sila pero wala ring masabi ang mga dumating sa kaniyang panawagan.
Sa huli ay pinayuhan niyang sumangguni sa kapatid niyang ermitanyo rin na nasa ikapitong bundok. Pinasakay niya ito sa likod ng isa niyang alaga na siyang naglipad sa kaniya sa kaniyang pupuntahan.

Ikalawang Ermitanyo

Katulad ng naunang ermitanyo, ayaw ding makiusap ang walongdaang taon na ermitanyo kung hindi ipinakita ni Don Juan ang piraso ng damit ni Jesus.

Tinanong din ng ikalawang ermitanyo ang mga hayup kung alam nila ang de los Cristal na kaharian. Isang agila ang nakapagsabi kung nasaan yon.

Pinasakay siya sa likod ng agila at naglakbay sila nang isang buwan.
Bago iniwan ng agila si Don Juan sa de los Cristal, pinagbilinan nito ang anyo ng tatlong prinsesa na naliligo sabay-sabay pero may kanya-kanya silang paliguan.

Sunday, March 22, 2009

Summary of Ibong Adarna part 10 in Tagalog

Part 10 Summary ng mga saknong (stanzas) sa Ibong Adarna na nagsasaad nang pagkikita ni Don Juan at ni Prinsesa Maria Blanca.

Talataan:

Nangaduhagi- nangatalo
Tumangan-humawak
naraig-natalo

Buod

Ang Pagkikita ni Prinsea Maria Blanca at Don Juan

Tulad nang sinabi ng agila, dumating ang tatlong prinsesa sa anyong kalapati pagsapit ng ikaapat ng madaling-araw. Hinintay ni Don Juan sa paliguan ni Prinsesa Maria Blanca. Nang naliligo na ang prinsesa ay itinago ni Don Juan ang damit nito at hindi inlilabas hanggang makalipas ang isang oras at nagpupuyos sa galit and dalaga.

Nagpakumbaba ang prinsipe sa paghingi ng tawad sa prinsesa na naawa naman sa binata at kaniya nang pinatawad matapos itong magpakilala na siya ay mula sa kaharian ng Berbania.

Nagpahayag si Don Juan ng pag-ibig kay Prinsesa Maria Blanca. Ipinaliwanag ng prinsesa ang haharapin niyang pagsubok mula sa ama niyang Haring Salermo na gigising pagdating ng ikalima ng umaga.

Ipinakita niya na ang mga bato na nakapaligid sa kanila. Sila raw ay mga prinsipe, konde at mga kabalyero na tinalo ng kaniyang ama at ginawang bato ang katawan.
Dahil sa gusto na rin ng prinsesa si Don Juan, tinuruan niya ito kung anong gagawin pag nakita ang kaniyang ama. Una huwag niyang tatanggapin ang imbitasyon sa palasyo.
Sundin niya lahat ang iuutos sa kaniya at ang prinsesa ang gagawa ng paraan upang iyon ay matupad.

Sabay-sabay na umalis ang mga prinsesa na nag-anyo ulit na kalapati.

Saturday, March 21, 2009

Summary ng Ibong Adarna Part 11 in Tagalog

Part 11 Summary ng mga saknong (stanzas) sa Ibong Adarna na nagsasaad nang pagsubok kay Don Juan ni Haring Salermo .

Talataan:

Mapakilangkap- maisama
Ginapas-inani



Buod

Nagising nga ang hari at itinanong kay Don Juan kung ano ang pkay niya sa de los Cristal. Kagaya nang sinabi ni Prinsesa Maria Blanca, sinabi niya na gusto niyang mag-asawa sa isa sa mga prinsesa.

Nang inimbita siya sa palasyo ay tumaggi siya pero tinanggap niya lahat ang pagsubok nqa ibinigay ng Hari.

Unang pagsubok ay ang pagpantay ng bundok kung saan itatanim ang trigo na pinakuha niya sa kaniyang mga utusa. Itatanim ni Don Juan ang trigo, patutubuin, gagapasin, gagawing arina para malutong tinapay na siyang kakainin sa almusal ng hari.
Sa pamamagitan ng puting mahika ni Prinsesa Maria Blanca, nagawa ni Don Juan ang iunots ni Haring Salermo. Kinabukasan namangha siya nang makita niya ang tinapay mula sa trigo.

Ikalawang Pagsubok

Pinakawalan ni Haring Salermo ang alaga niyang mga Negrito mula sa kinakulungang nitong malaking bote sa malawak na karagatan.
Utos kay Don Juan ay ibalik ang labindalawang Negrito sa bote kinabukasan paggising niya.

Muli ay tinulungan ni Princesa Maria Blanca ang prinsipe kaya kinabukasan ay namangha ang hari sa pagkakatupad ng kaniyang utos.


Ikatlong Pagsubok
Isang bundok ang hiniling ni Haring Salermo na pagalawin para makita niya kinabukasan sa harapan ng kaniyang bintana.

Ginawa ni Prinsesa Maria Blanca ang utos ng hari para kay Don Juan. Napg-isip-isip ang hari at ang kaniyang konseho na mas may alam ang lalaking ito kaysa sa mga naunang naghangad na mapakasal sa prinsesa.

Ikaapat na pagsubok

Inutos niya kay Don Juan na ang bundok na inilapit niya sa bintana ay dalhin sa karagatan at gawing kastilyo. Ibinigay niya ang mga gusto niyang makita sa kastilyo.
Inutos din niya ang paggawa ng daan mula sa palasyo hanging doon sa kastilyo.
Ginawa ulit ni Prinsesa Maria Blanca ang imposible utos ng hari kay Don Juan.

Ikalimang pagsubok

Habang kasama si Don Juan sa kastilyo, inisip ng hari kung saan kumukuha ng kapangyarihan ang prinsipe.

Sa pagiinspeksiyon ng kastilyo, nahulog ang sing sing ng hari sa karagatan.
Ang ikalima niyang utos ay pag-alis sa kastilyo sa karagatan at pagbalik sa bundok
sa dati nitong kinalalagyan.

Ang lahat ng ito ay madali lang nagawa ni Prinsesa Maria Blanca.

Ikaanim na Pagsubok

Angikaanim na utos ay ang paghanap ng singsing na nawala sa karagatan. Kinailangan ang tulong ni Don Juan para ito maisakatuparan ni Prinsesa Maria Blanca.

Sumakay sila sa isang batya at inutusan niya ang prinsipe na tadtarin ang katawan niya. Sumunod naman ang prinsipe. Nang matadtad ay naging maliliit na isda ang prinsesa.

Sa unang ahon ng daliri Prinsesa Maria na hawak ang singsing, walang kumuha sa singsing kasi nahimbing si Don Juan. Sa ikatlong pagbalik niya at tulog pa rin ang binata, bumalik siya sa katawan niyang tao at muling inutusan si Don Juan na siya ay tadtarin at abangan ang kaniyang paglutang ng kaniyang daliri na may hawak ng singsing.

Dahil sa pagkakamali sa pagtadtad, tumilamsik ang isang dulo ng daliri ng prinsesa. Ito ang sinabi niyang maaring palatandaan niya sa darating na araw.

Naibalik ni Prinsesa Maria Blanca ang singsing sa ilalim ng unan ng hari bago ito nagising.


Ikapitong Pagsubok

Hindi talaga sumuko ang hari sa pagsubok sa prinsipe. Ang sumonod na utos ay ang pagpapaamo sa isang kabayo.

Nalaman ni Don Juan na ang kabayong yaon ay mismo ang hari at ang dalawang nagpapatakbo ay ang dalawa niyang kapatid samantalaong siya ang makakapagpahinto sa kabayo.

Sinabihan niya na huwag huminto ng pananakit sa kabayo hanggang hindi ito lumuha at mapagod.

Sa huli ay tinanggap na rin ni Haring Salermo na mas may kapangyarihan si Don Juan.

Friday, March 20, 2009

Summary ng Ibong Adarna Part 12 in Tagalog

Part 12 Summary ng mga saknong (stanzas) sa Ibong Adarna na nagsasaad ang pagpili ni Don Juan kay Prinsesa Maria Blanca, ang pagtakas nila at ang pagtatagisan ng mahika
ni Haring Salermo at ni Prinsesa Maria Blanca .


Talataan:

Natanto- nalaman
Nangamba-nag-alala
Mapaluwal-mapalabas


Buod

Ang Pagpili ng mapapangasawa

Walang nagawa ang Hari kung hindi payagang pumili nang mapapangasawa si Don Juan sa kaniyang tatlong prinsesa.

Hindi inilantad ang mga mukha ng tatlong prinsesa pero napili ni Don Juan si Prinsesa Maria Blanca dahil sa kulang ito ng isang daliri.

Nagpasya ang hari na ipadala sa kapatid niya sa Englatera ang dalawa upang siya ang magdesisyon kung ipapakasal ang dalawa o hindi. Pag hindi nagustuhan si Don Juan ay papatayin siya ng kapatid ng Hari.

Ang Pagtakas sa delos Cristal
Nalaman ito ni Prinsesa Maria Blanca kaya nag-isip itong tumakas. Inutusan niya si Don Juan na kunin ang ikapitong kabayo mula sa kuwadra pero sa pagmamadali niya ay ang ikawalong kabayo ang nahila niya. Nakita kaagad ng prinsesa ang mali kaya minadali na niya ang pagtakas. Pero nalaman ng Hari ang kanilang balak at hinabol niya ang dalawa.

Ang Paglalaban ng mahika ni Prinsesa Maria Blanca at ang kapangyarihan ni Haring Salermo

Sa pagkakamali ni Don Juan, ang kabayong nakuha ay hindi makatakbo nang matulin kaya itinapon ni Prinsesa ang karayom niya at ginawang mga pako sa daanan ng kaniyang amang humahabol. Huminto ang hari ng dalawang araw para lang malinis ang
dadaanan.

Muling humabol ang hari at nang malapit nang maabutan ang prinsesa at si Don Juan, itinapon ni Maria Blanca ang kaniyang sabon na naging bundok ng bula. Hindi makahabol ng hari at mga kawal nito kaya sila ay lumigid sa bundok.

Nang maramdaman ng prinsesa na malapit na naman silang abutan ng humahabol, gumawa siya ng karagatan na siyang nakapahinto sa kaniyang amang humahabol.
Benindisyonan niya ang anak at isinumpa na makakalimutan ito ni Don Juan pagdating si Berbania. Sa sama ng loob ang hari ay namatay.

Nakarating sa Berbania sina Prinsesa Maria Blanca at tulad ng sinabi ng Hari, iiwanan ang prinsesa sa labas ng kaharian. Sinabihan ng prinsesa na huwag magpapalapit sa babae ang prinsipe, kahit sa ina nito dahil makakalimutan siya.

Thursday, March 19, 2009

Summary ng Ibong Adarna Part 13 in Tagalog

Part 13 Summary ng mga saknong (stanzas) sa Ibong Adarna na nagsasaad ng pagpapakasal ni Don Juan kay Prinsesa Leonora at pagpapaalala kay Don Juan tungkol sa delos Cristal at ang mga ginawa ni Prinsesa Leonora


Buod

Pag pasok sa kaharian ni Don Juan ay luamabas kaagad si Prinsesa Leonora at lumapit sa kaniya. Agad nakalimutan ng prinsipe ang iniwanang si Prinsesa Maria Blanca.

Ipinagtapat ni Prinsesa Leonora na mahal niya si Don Juan at hindi ang tampalasang si Don Pedro.

Itinakda kaagad ng hari ang kasal nila kinalingguhan. Samatala, naghintay si Prinsesa Maria Blanca ng tatlong araw. Nalaman niya sa balita na pakakasal si Don Juan sa Linggong darating.

Kumuha siya ng isang magarang karosa, nagsuot siya ng magarang damit at dumalo sa kasal.

Inihinto muna ni Haring Fernando ang kasal para makapagpakita ng sayaw at laro ang Emperatris na dumating.

Ang naglalaro ay isang negrito at negrita na siyang nag-papaalala sa negrito sa mga nangyari habang pinapalo ito ng negrita ng suplina pagkatapos sumayaw.
Sa huli at hindi pa rin maalala ni Don Juan kung sino si Prinsesa Maria Blanca ay binalak nitong basagin ang malaking bote sa tinding galit.

Dito naalala ni Don Juan kung sino ang emperatriz at siya ay himingi ng tawad. Hiniling niya sa ama na pakakasalan niya si Prinsesa Maria Blanca st hindi si Prinsesa Leonora.

Wednesday, March 18, 2009

Summary ng Ibong Adarna Part 14 in Tagalog

Part 14 Summary ng mga saknong (stanzas) sa Ibong Adarna na nagsasaad ng pagpapakasal ni Don Pedro kay Prinsesa Leonora at ni Don Juan kay Prinsesa Maria Blanca

Buod

Nagpaliwanag si Prinsesa Leonora tungkol sa pagligtas sa kaniya ng prinsipe at ang pagtangkang pagpatay ng mga kapatid kay Don Juan nang iniwan ito sa balon.

Ang Haring Fernando ay nagpasiya na ipakasal si Prinsesa Leonora kay Don Juan.
Si Prinsesa Maria Blanca naman ang nagsalaysay kung paano niya iniligtas ang buhay ni Don Juan sa kamatayan mula sa makapangyarihan niyang ama.

Naguluhan ang hari kaya ito ay sumangguni sa Arsobispo na sinabi naman na dapat ay pakasalan ni Don Juan si Prinsesa Leonora dahil ito ang unang nagging katipan.

Nagalit si Prinsesa Maria Blanca kaya itinapon niya ang tubig na nasa malaking bote. Bumaha sa palasyo at natakot ang mga tao.

Nagpasya si Don Juna na siya ay pakakasal kay Prinsesa Maria Blanca.

Sumangguni ulit ang hari sa arsobispo na nagpasyang magkaroon ng dalawang kasalan, sina Don Pedro at Prinsesa Leonora at si Don Juan at Prinsesa Maria Blanca.

Tinaggihan ni Prinsesa Maria Blanca ang setro at korona dahil meron din siyang kaharian.

Ang setro at korona ay napunta kay Don Pedro at Prinsesa Leonora.

Tapos magpaalam ay bumalik na sa kaharian ng de los Cristal si Don Juan at Prinsesa Maria Blanca.

Ang mga tao sa kaharian na ginawang hayup at baton g malupit na hari ay ibinalik nila sa kanilang taong anyo.

Namatay na rin ang mga kapatid ni Prinsesa Maria Blanca.

Kaya silang mag-asawa ang nagging bagong emperador at emperatriz sa nasasakupan nila.

The End