Showing posts with label Panitikan. Show all posts
Showing posts with label Panitikan. Show all posts

Monday, August 11, 2008

Ang Alamat ng Palay


Ang Pinagmulan ng Palay


Noong unang araw, hindi nagtatanim ng halaman at hindi nag-aalaga ng hayop ang mga tao para may makain. Umaasa lamang sila sa kalikasan. Kaya tumitira sila kung saan may pagkain. May tumitira sa mga kuweba sa bundok at nabubuhay sa bungangkahoy at nahuhuling hayop.

May tumitira sa tabing ilog at dagat at nabubuhay sa pangingisda. Tumitira sila sa isang lugar hanggang may makakain at humahanap ng ibang lugar 'pag wala nang makain.
Kasama ng iba ang mga mag-asawang Banag at Danas sa paghahanap ng bagong lugar ng matitirhan. Dati silang nakatira sa tabing dagat. Ngunit sinira ng malakas na bagyo ang kanilang mga bahay sa tabing dagat. Natatakot silang muling abutin ng bagyo.
"Bakit lagi tayong lumilipat ng tirahan?" tanong ni Banag kay Danas. "Pagod na akong sa ganitong buhay. Hindi tuloy tayo magkaanak." Gusto ni Banag na humiwalay sila sa iba at mamalagi sa isang magandang pook. "Gusto kong isilang doon ang ating anak."
Sinunod ni Danas ang hiling ng asawa. Pumili sila ng isang magandang pook sa bundok at doon nagtayo ng munting bahay. Tahimik ang napili nilang pook sa bundok at sagana sa prutas at hayop na makakain. May malinaw na batis sa malapit at maraming isdang nahuhuli si Danas.

Ngunit biglang dumating ang tagtuyot. Matagal na hindi umulan at natuyo ang luupa. Namatay ang mga halaman at punongkahoy at nawala ang mga hayop at ibon. Namatay ang mga isda sa natuyong batis.

Naghanap ng pagkain sa malayo si Danas. Ngunit malawak ang dumating na tagtuyot. Naglakad siya nang naglakad at nakarating sa kabilang bundok ngunit wala pa rin siyang makitang pagkain.

Inabot ng matinding pagod si Danas sa gitna ng isang malapad na parang. Nahiga siya sa damuhan at nakatulog. Noon biglag humihip ang hangin at sumayaw at umawit ang mga damo. Nagising at nagulat si Danas.

Pinakinggan ni Danas ang awit ng mga damo. "Kami ang pag-asa ng tao, Danas. Pulutin mo ang aming mga bungang butil. Masarap na pagkain ang aming mga butil." Noon napansin ni Danas ang mga uhay ng damo. Hitik sa mga gintong butil ang bawat uhay. Pumitas siya ng isang butil at kinagat. "Bayuhin mo ang aming mga butil para maalis ang gintong balat," muling awit na masaya ng mga damo. Iluto mo ang puting laman ng butil para lumambot at maging masarap na pagkain."

Pumitas ng maraming uhay si Danas hanggang mapuno ang kanyan sisidlan at nagmamadaling umuwi kay Banag. "May pagkain na tayo ngayon," tuwang tuwang balita niya kay Banag. Tulad ng utos ng mga damo, inalisan nila ng balat ang mga butil at iniluto bago kinain.

Kinabukasan, nagbalik sa parang si Danas. "Itanim mo ang aming butil, " awit ng mga damo. "Itanim mo sa lupang pinalambot ng ulan. Tutubo ang mga butil at alagaan mo. Tuwing mag-aani ka'y maglaan ka ng mga butil para muling itanim at alagaan. Matuto kang magsaka at mag-alaga ng halaman at sa pagsasaka ka aasa ng ikabubuhay."
Biglang naramdaman ni Danas ang patak ng ulan. Nagdilim ang langit nang tumingala siya. "Palay ang itawag mo sa iyong pananim," awit ng mg damo na lalong sumigla ang pagsayaw pagbuhos ng malakas na ulan. "Ibalita mo sa ibang tao ang lahat. Ituro mo sa kanila ang pag-aalaga ng palay."
Sinunod ni Danas ang mga utos ng damo. Gumawa siya ng bukid sa paligid ng bahay at pinag-aralang mabuti ang pag-aalaga ng palay. Itinuro niya sa ibang tao ang natutuhan. Lumawak nang lumawak ang mga bukid na taniman at mula noon, naging mag-sasaka ang mga tao. Hindi na rin sila palipat-lipat ng tirahan.

Source: alamat

Saturday, August 2, 2008

TAYUTAY AT ANG MGA URI AT HALIMBAWA

Ang TAYUTAY ay salita o isang pahayag na ginagamit upang bigyan diin ang isang kaisipan o damdamin. Sinasadya ng pagpapayahag na gumagamit ng talinghaga o di-karaniwang salita o paraan ng pagpapahayag upang bigyan diin ang kanyang saloobin.

Mga uri ng tayutay

* Simili o pagtutulad - Payak at lantad na paghahambing ng dalawang magkaibang bagay. Ginagamitan ito ng mga salitang: tulad ng, paris ng, kawangis ng, tila, sing-, sim-, magkasing-magkasim-, at iba pa. Halimbawa:

1. Tulad ng ibong nakawala sa hawla, siya ay masayang patalon-talon nang makalabas siya ay malanghap ang sariwang hangin.

2. Tila siya yelong natunaw dahil sa kahihiyan.

3. Ang kaniyang kagandahan ay kawangis ng bulaklak na bago palang kabubukadkad.

4. Paris ng mga langgam na nag-iipon ng pagkain bago magtag-ulan,ang mga magsasaka ay may sunong ng mga sako ng palay mula sa tumana. (farm)

5. Sing-bagsik niya ang leon nang siya ay masugatan sa laban.

6. Magkasing-bilis sa takbuhan ang kuneho at ang batang tumatakas palo ng magulang.


* Metapora o pagwawangis - Tuwiran ding paghahambing ngunit hindi na ginagamitan ng pangatnig.Nagpapahayag ito ng paghahambing na nakalapat sa maga pangalan, gawain, tawag o katangian ng bagay na inihahambing.
Halimbawa:

Ang kaniyang pagkatao ay malalim pa sa dagat na hindi kayang arukin.

* Personipikasyon - Ginagamit ito upang bigyang-buhay, pagtaglayin ng mga katangiang pantao - talino, gawi, kilos ang mga bagay na walang buhay sa pamamagitan ng mga pananalitang nagsasaad ng kilos tulad ng pandiwa, pandiwari, at pangngalang-diwa. Halimbawa:

1. Sinampal ang aking pisngi ng mainit na hanging nanggaling sa apoy.

2. Itinulak ako ng malakas na hangin palayo sa aking paroroonan.

3. Nagising siyang hinahalikan siya ng sinag ng araw mula sa bintanang nakaawang.


* Apostrope o pagtawag - isang panawagan o pakiusap sa isang bagay na tila ito ay isang tao. Halimbawa:

1. Buhay, bakit ka mahiwaga?

2. Kalayaan, bakit ka mailap?

3. Pag-ibig, layuan mo ako.

* Pag-uulit
o Aliterasyon
- Ang unang titik o unang pantig ay pare-pareho.

Hallimbawa:

Pagod at Pawisan siyang dumating na tila hinhabol ng isa niyang kinatatakutan.


o Anapora - Pag-uulit ng isang salitang nasa unahan ng isang pahayag o ng isang sugnay.

Halimbawa

Babangon ang mga naaping mga mamamayan
Babangon sila at pakikilaban ang kanilang karapatan.
Babangon sila sa matagal na pagkakahimlay.
Babangon sila at handang pumatay.


o Anadiplosis - Paggamit ng salita sa unahan at sa hulihan ng pahayag o sugnay.

Halimbawa:

Sumisilakbo pa rin sa kaniya ang galit,
Galit na matagal din niyang sinikil,
Sinikil niya ang damdamin upang hindi makasakit,
Makasakit sa mahal niya at buong-pusong iniibig.


o Epipora - Pag-uulit naman ito ng isang salita sa hulihan ng sunud-sunod na taludtod.

Halimbawa:
Noong siya ay bata pa, ang kaniyang pag-iisip ay sa bata; ang kaniyang mga kilos ay sa bata; ang kaniyang pang-unawa ay sa bata. Ngayong malaki na siya ay walang pagbabago, asal bata pa rin siya.

o Empanodos o Pabalik na Pag-uulit - Pag-uulit nang pagbaliktad ng mga pahayag.
* Pagmamalabis - Ito ay lagpalagpasang pagpapasidhi ng kalabisan o kakulangan ng isang tao, bagay, pangyayari, kaisipan, damdamin at iba pang katangian, kalagayan o katayuan.

Walang halimbawa.

* Panghihimig o onamatopeya - ito ang paggamit ng mga salitang kung ano ang tunog ay siyang kahulugan.

Halimbawa:

1. Narinig niya ang klang klang ng nahuhulog na mga lata mula sa itaas.
2. Sinundan niyaang twit twit na narinig niya. Mula pala ito sa ibong nakadapo sa kanilang balkonahe.

* Pag-uyam - Isang uri ng ironya na ipinapahiwatig ang nais iparating sa huli. Madalas itong nakakasakit ng damdamin.
Halimbawa:

Ang kaniyang awit ay kasing tunog ng malinaw na alulong ng aso na nakakita ng multo.


* Pagpapalit-saklaw - isang bagay, konsepto kaisipan, isang bahagi ng kabuuan ang binabanggit.

Walang halimbawa.

* Paglilipat-wika o Transferred epithet - tulad ng pagbibigay-katauhan na pinasasabagay ang mga katangiang pantao, na ginagamit ang pang-uri.

Halimbawa:

1. Malungkot na umaga ang naramdaman niya pag gising. Kulimlim ang langit na nagbabadya ang ulan.

2. Madilim ang kinabukasan para sa kaniya at kaniyang pamilya mula nang iwanan sila ng kanilang ama.
* Balintunay - isang uri ng ironya na hindi ipinapahiwatig ang nais sabihin sa huli.

Walang halimbawa.


, ,,,,,,

Tuesday, April 8, 2008

ANO ANG ALAMAT

ALAMAT

Ang alamat ay kuwento na kathang isip lamang na kinasasangkutan ng
kababalaghan o 'di pagkaraniwang pangyayari na naganap nuong unang panahon.

Ang alamat ay karaniwang tumatalakay sa mga katutubong kultura, kaugalian o
kapaligiran. Eto ay tumatalakay din sa mga katangiang maganda, tulad ng
pagiging matapat, matapang, matulungin, at sa mga katangiang hindi maganda
tulad ng pagiging mapaghiganti, masakim, o mapanumpa, Nguni’t sa banding huli
ang kuwento ay kinapupulutan ng aral para sa ikabubuti ng iba.

Sapagkat ang alamat ay karaniwang nagsimula nuong unang panahon at eto ay
nagpasalin- salin na sa maraming henerasyon, ang alamat ay pinaniniwalaan ng
maraming tao na tutoong naganap dahil sa tagal ng pamamayani nito sa ating
panitikan o sa ating kultura.

Monday, April 7, 2008

BERNARDO CARPIO-Alamat

BERNARDO CARPIO-ALAMAT SA RIZAL
Maraming bersiyon ang ALAMAT ni BERNARDO CARPIO. Ito ang isa. Yong isang bersiyon ay makikita dito.

Nuong panahon nang ang Pilipinas ay nasasakop pa ng mga Kastila ay
mayruong mag-asawang naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo,
Rizal. Ang mag-asawa ay mahirap lang subali’t sila ay mabait, masipag,
matulungin, at makadiyos. Sa mahabang panahon nang kanilang
pagsasama ay hindi sila agad nagkaanak. Ganun pa man sila ay
masaya sa kanilang buhay at matulungin sa kapwa lalu na tulad nilang
naghihirap, at sa mga may sakit. Ang mga bata sa kanilang pook ay
inaaruga nilang parang mga tunay na anak habang patuloy silang
umaasa na balang araw ay magkakaruon din sila ng sariling anak.

Dahil sa kanilang ipinamalas na kabutihan, pagtitiis, at pananalig ay
kinaawaan din sila ni Bathala at dininig ang kanilang panalangin na
magkaruon ng sariling anak. Sa wakas ay biniyayaan sila ng isang
malusog na sanggol na lalaki. Bukod duon, biniyayaan din ni Bathala ang
sanggol ng pambihirang lakas at kisig simbolo ng lakas ng pananalig at
kagandahang loob na ipinamalas ng kanyang mga magulang.

Maliit pa lang ay kinakitaan na si Bernardo ng pambihirang lakas at kisig.
Ilang linggo pa lang mula nang siya'y ipinapanganak ay nagagawa na
niyang dumapa at gumapang mag-isa kaya minsan ay muntik na siyang
mahulog sa hagdanan ng kanilang munting kubo kundi naagapan ng
isang kastilang pari na nuon ay dumadalaw sa kanilang pook upang
magturo ng Kristiyanismo.

Sa suhestiyon ng kastilang pari na humanga sa lakas at kisig ng sanggol,
siya ay pinangalanang Bernardo Carpio ng kanyang mga magulang.
Hinango ang kanyang pangalan kay Bernardo de Carpio, isang
matapang, bantog, makisig, at maalamat na mandirigma sa bansang
Espanya. Eto ay parang nagbabadya sa magiging maalamat ding buhay
ni Bernardo Carpio sa Pilipinas.

Habang lumalaki ay lalung nagiging kagila-gilalas ang pambihirang
lakas ni Bernardo. Mahigit isang taon pa lang ay nagagawa niyang
bunutin ang mga pako sa kanilang sahig sa kanyang paglalaro. At kapag
isinasama siya ng ama sa pangangaso ay parang walang anuman na
binubunot ni Bernardo ang ilang mga puno upang makagawa ng daanan
sa masukal na kagubatan ng San Mateo.

Tulad ng kanyang mga magulang si Bernardo ay lumaking mabait,
matulungin, at matatag ang loob. Minsan sa kanyang pamamasyal sa
gubat, ay may natanaw siyang kabayo na nahulog sa bangin at napilay.
Agad na nilusong ni Bernardo ang bangin upang sagipin at tulungan ang
kabayo. Parang walang anuman na pinasan at iniahon niya ang kabayo
sa bangin at dinala sa kanilang bahay upang gamutin at alagaan.

Sa kanyang pag-aalaga, ang bahagi ng enerhiya ni Bernardo ay dumaloy
mula sa kanyang mga kamay at bumahagi sa kabayo na naging dahilan
upang mabilis etong gumaling at nagsimulang nagpamalas din ng
pambihirang lakas at bilis. Dahil sa tanglay na lakas at bilis ang kabayo
ay tinawag niyang si Hagibis at mula nuon si Bernardo at si Hagibis ay
laging magkasama sa pamamasyal sa kabundukan ng San Mateo.

Samantala, ang pagmamalupit at paninikil ng mga Kastila sa mga
karapatan at kalayaan ng mga Pilipino ay lalung nag-ibayo. Mapagtiis
man ang mga Pilipino ay dumating din ang panahon na hindi na nila
matanggap ang pang-aapi ng mga dayuhan. Ang mga kalalakihan ay
nagsimulang magpulong-pulong at bumuo ng mga pangkat sa
hangaring ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipino. Dahil sa
kanyang taglay na pambihirang lakas at pagiging makabayan ay napili si
Bernardo na namuno sa namimintong himagsikan laban sa mga Kastila.

Nang makarating sa kanilang kaalaman ang nagbabantang himaksikan
ng mga Pilipino, lalu na nang mapag-alaman nilang si Bernardo ang
napipisil na mamuno, ay labis na ikinabahala eto g mga Kastila. Dahil sa
pambihirang lakas at tapang na taglay nito ay alam nilang mahihirapan
silang igupo ang anumang himagsikan at malamang na magtagumpay
pa eto.

Dahil sa kanyang matatag na pamumuno at pambihirang lakas ay
nabahala ang mga kastila sa magagawa ni Bernardo upang maging
matagumpay ang himaksikan laban sa mga mananakop. Dahil dito ay
gumawa ng patibong ang mga kastila. Diumano ay inanyayahan nila si
Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay dinggin ang
karaingan ng mga Pilipino subalit eto ay bitag lamang upang sa tulong
ng isang engkanto ay maipit sa nag-uuntugang bato at hindi na
makapamuno sa himagsikan.

Lihim sa mga mamamayan, nuong panahon na iyon, ang mga Kastila ay
may nahuling isang engkantado na kasalukuyan nilang isinasailalim sa
eksorsismo (exorcism), isang pamamaraan ng simbahan upang
sugpuin ang masamang ispiritu na sumapi sa katawan ng engkantado.

Dahil sa takot na magtagumpay ang himagsikan sa pamumuno ni
Bernardo ay nakipagkasundo ang mga paring Kastila sa ispiritu na
sumapi sa engkantado na ititigil nila ang eksorsismo (exorcism) kung
tutulungan sila nito na masupil si Bernardo. Sa paniniwala ng mga
Kastila, ang pambihirang lakas ni Bernardo ay matatapatan lamang ng
agimat na taglay ng engkantado.

Hindi nag-aksaya nang panahon ang mga Kastila. Agad nilang
inanyayahan si Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay
dinggin ang karaingan ng mga Pilipino. Subali't sila ay may nakahandang
bitag kay Bernardo. Sa pagdaraanan patungo sa isang yungib ay
naghihintay ang engkantado na nagtatago sa likuran ng magkaparis na
naglalakihang bato. Pagdaan ni Bernardo ay ginamit ng engkantado ang
kanyang agimat upang pag-umpugin nito ang naglalakihang bato sa
pagnanais na ipitin at patayin si Bernardo.

Dahil sa pagkabigla ni Bernardo ay hindi siya nakaiwas at unti-unting
siyang naipit ng nag-uuntugang bato. Ginamit niya ang kanyang lakas
upang pigilan ang mga bato subalit ang kanyang lakas ay may katapat na
lakas na nagmumula sa agimat ng engkantado.

Nang hindi bumalik si Bernardo kay Hagibis na naghihintay sa may
paanan ng yungib ay naramdaman nitong may masamang nangyayari
kay Bernardo. Mabilis na bumalik si Hagibis sa kapatagan upang
humingi ng tulong sa mga mamamayan subali't natagalan bago
naunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng mga halinghing at pag-
aalma ng kabayo. Sa bandang huli nang mapansin nila ang pagkawala
ni Bernardo ay naisipan ng ilang kalalakihan na sundan si Hagibis dahil
lagi silang magkasama.

Dinala ni Hagibis ang mga kalalakihan sa paanan ng yungib at tinangka
nila etong pasukin. Subalit nang sila ay papalapit na ay sinalubong sila
ng nagbabagsakang mga bato na ikinasugat at ikinapilay ng ilang
kalalakihan. Natanaw nila ang malalaking nag-uumpugang mga bato at
nuon ay napagtanto nila na ang yungib ay pinagpupugaran ng
engkantado. Sila ay nangatakot at bumalik sa kapatagan ng hindi nakita
si Bernardo.

Mabilis na kumalat ang haka-haka na si Bernardo ay naiipit ng nag-
uumpugang bato at tuwing nagpipilit siyang kumawala ay nagiging sanhi
eto ng paglindol sa kabundukan ng San Mateo.

Ang pagkawala ni Bernardo ay naging malaking dagok sa namumuong
himagsikan ng mga Pilipino dahil sa pagkawala ng isang malakas at
matapang na pinuno. Lumipas pa ang ilang taon bago muling nabuo ang
loob ng mga Pilipino na ituloy ang pakikipaglaban sa mga Kastila.

Taung 1895 nang muling magpulong ang mga kalalakihan sa yungib ng
Pamitinan at duon, sa karangalan ni Bernardo Carpio, ay ginawa nila ang
unang sigaw ng himagsikan laban sa mga Kastila.

source: KATIG.COM

Saturday, March 22, 2008

PASYON- ANG PAGHINGI NG TAWAD NI DIMAS SA ATING PANGINOONG HESUKRISTO

PASYONG MAHAL

Ang paghingi ng tawad ni Dimas
sa ating Panginoong Hesukristo
Sa dalawang palamara
na kay Kristo’y napasama
sa Krus nang pagkadipa,
ay hindi nga nagkaisa
ang loob nilang dalawa.
Yaong isang magnanakaw
na si Hestas ang pangalan
ay siyang nanampalasan,
na yumakag na magtanan
sa Poong nahihirapan.
Yamang ang iyong pabantog
ay Mesias kang tibobos
anitong hunghang na loob,
Salvum fac temetipsum et nos
magkalag tayo sa Krus.
Nang marinig nga ni Dimas
magnanakaw na mapalad
yaong winika ni Hestas,
kabuhungang pangungusap
ay pinangusapang kagyat.
At pinangusapang tikis
117
nang mga wikang matuwid
dapat kamtan ng may bait,
na pagtutubuang pilit
ito ang ipinagsulit.
Aniya’y katoto’t irog
kita’y manalig sa Diyos
tingi ang kalunos-lunos,
na ipinako sa Krus
ay walang salang tibobos.
At mag-iisip siya rin
magpapasulit sa atin
ng sala at gawang linsil,
saka wala kang panimdim
bagkus mo pang iniiring.
Ikaw ay nakikigaya
ng paglabag at pagmura
panunungayaw tuwi na
ng mga punong lahat na
mga tanod sa kaniya.
Ang pagpatay siyang hangad
nang malulupit na uslak
kita ay huwag gumagad,
ngayon ay tayo’y tumawag
yamang ating naging palad.
Ano’t nang maipangaral
ni Dimas ang gayong bagay
ka Kristo ay nanawagan,
napaampon kapagkuwan
ito ang siyang tinuran.
Domine, memento mei
Cum veneris ay ang sabi
in regnum tuum ay yari
Poong kong makalawingi,
Diyos na lubhang malaki.
Ako pong makasalanan
ay huwag mong kalilimutan
alalahanin mong tunay
kung mauwi ka sa bayan
na mahal mong kaharian.
Ang sagot ni Hesukristo
yaong wikang: Amen dice
tibi hodie. naman ito
mecum eris ay ang dulo
aniya’y in Paradiso.
Ako ay paniwalaan
nitong pangako kong tunay
ngayon din hindi liliban,
tatamuhin mo’t kakamtan
Paraisong aking bayan.
A R A L
Laki nganing kapalaran
ni Dimas na magnanakaw
gayong lalong nagsukaban,
miminsang tumawag lamang
nakaiwas sa kasalanan.
Balang gawa’y dili dapat
asal ay lubhang halaghag
kasalana’y mabibigat,
ngayo’y sa sandaling oras
ay nagkamit ng patawad.
Doroon na’t nauumang
sa impiernong kainitan
na itutulak na lamang,
ay agad nakapanaban
sa awa ng kalangitan.
Siya ang unang sampaga
bungang hinog na maganda
sa tanim ni Kristong Ama,
sa Pasyon at hirap niya
niyong sasakop sa sala.
Kung gayo’y ang katampatan
si Dimas ang ating tularan
manangis at manambitan,
ng tayo’y masama naman
sa maluwalhating bayan.
Kahima’t ang kaluluwa
nagugumon nga sa sala
mahabang tao’t araw na,
huwag matakot, umasa
at kaawaan di niya.
Kidaw sa gawang di tuto
sa Krus manambitan tayo,
ng magkamit at magtamo
118
ng grasiang mananagano
sa bayan nang Paraiso.
Ito’y karikit-dikitan
lalong kamahal-mahalan
sa tumbagang ahas naman,
ni Moises na naglalang
sa san hebreos ng minsan.
Kung sino man ang makagat
nang ulupong man at ahas
sa tanso nga kung magmalas
ay mapaparam na agad
ang mabibisang kamandag.
Ano pa nga’t ang katawan
doon na nga galing lamang
at hindi nasasakupan,
ang sa kaluluwang buhay
nang sa taong kasalanan.
Nguni bukod at kaiba
ang mananakop sa sala
lunas na lubhang maganda,
siyang makagiginhawa
sa katawa’t kaluluwa.
Tindig taong nangatuka
nang ulupong na mabisa
salang ahas ang kamukha
tayo’y pagamot magkusa
kay Hesus Haring dakila.
Tingni at iyong pagmasdan
napapako paa’t kamay
at kaniyang hinihintay,
ang dumulog na sino man
yayakapin niyang tunay.
Kung siya nga’y dudulugin
nating nangagugupiling
ang buong sinta’y ihain,
agad niyang tatanggapin
tayo at kakatotohin.
Malulumbay ang loob niya
na di natin ipangamba
tikis na nagpakamura,
hirap ay inalintana
dahilan sa taong sala.
Lumalo pa kaya naman
kay Dimas na magnanakaw
masama at taong hunghang,
tumawag lamang ng minsan
pinagpala kapagkuwan.
Oh! kalapating mapalad
babaing lalo sa lahat
Mariang lipos nang hirap,
dibdib ay halos mawalat
dahil sa Berbong Mesias.
Niyon ngang maghiwalay na
ang sing-ibig na mag-ina
sa lansangang amargura,
lumbay at buntong hininga
sa loob ay di mag-iba.
At baga man sinusundan
si Hesus ng Birheng mahal
ay agad ding nahiwalay,
parating nalulunasan
sa habang nilalakaran.

Saturday, November 24, 2007

AWITING-BAYAN -Definition

Ang Awiting-Bayan o Kantahing Bayan. Marahil sa lahat ng mga tula ang awiting bayan ay may pinakamalawak na paksa at uri. Ang mga paksa nito'y nagbibigay hayag sa damdamin, kaugalian, karanasan, relihiyon, at kabuhayan. Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng ibaít ibang uri nito, isa ang talindaw. Ang talindaw ay awit sa pamamangka. Ikalawa, ang Kundiman ito ay awit sa pag-ibig. Ikatlo, ang Kumintang ito ay awit sa pakikidigma. Ikaapat, ang Uyayi o Hele ito ay awit na pampatulog ng sanggol. Nabibilang rin dito ang Tigpasin, awit sa paggaod; ang Ihiman, awit sa pangkasal; ang Indulain, awit ng paglalakad sa lansangan at marami pang iba.

Para sa mga halibawa pumunta dito para sa Awiting Bayan.

, ,,,

Monday, August 6, 2007

SALAWIKAIN

Ang mga SALAWIKAIN ay mga sinulat sa berso o sukat na kadalasa'y may tugma at nagpapahayag ng aral at gabay sa pamumuhay.

Halimbawa:

Ang mabigat ay gumagaan, kung pinagtutulungan.


For more of salawikain with translations go to SALAWIKAIN.

Technorati tags:
,

Thursday, August 2, 2007

ANO ANG PARABULA

ANG PARABULA ay nanggaling sa English word na parable na nanggaling naman sa Greek word na parabole na ang ibig sabihin ay maiksing sanaysay tungkol sa buhay na maaring mangyari o nangyayari na kung saan nagtuturo tungkol sa ispiritwal o kagandahang asal na magiging gabay ng isang taong nahaharap sa pangangailangang mamili o magdesisyon.

Mga Halimbawa ng Parabula ay matatagpuan span style="font-weight:bold;">dito.

Wednesday, August 1, 2007

ANO ANG PANITIKAN, ANG URI AT ANYO

PANITIKAN- ay ang pagsulat ng tuwiran o tuluyan at patula.

Uri ng Panitikan

1. KATHANG-ISIP (FICTION) -ang mga manunulat ay gumagawa ng akda mula sa kanilang imahanisyon. Ang mga kuwento ay hindi totoo kagaya ng maikling kuwento, nobela at .

2. HINDI KATHANG -ISIP- ang mga panulat na batay sa tunay na pangyayari katulas ng talambuhay, awtobiyograpiya, talaarawan, sanaysay ang mga akdang pangkasaysayan.

ANYO NG PANITIKAN

1. tuluyan o prosa ( prose) - Paggamit ng mga salita sa isang pangungusap na walang kinakailangang pagtutugma o pagbilang ng mga pantig upang magkaroon ng parehong tunog sa huli ng tauludtod.

2. patula o panulaan ( poetry) - pagbubuo ng pangungusap sa pamamagitan ng salitang binibilang na pantig sa taludtod na pinagtugma-tugma, at nagpapahayag din ng mga salitang binibilang ang mga pantig at pagtutugma-tugma ng mga dulo ng mga taludtod sa isang saknong.


Mga akdang tuluyan
1. Alamat
1.1 Mga Halimbawa ng Alamat
* Anekdota
* Nobela
* Pabula
* Parabula
* Maikling kwento
* Dula
* Sanaysay
* Talambuhay
* Talumpati
* Balita
* kwentong bayan

Mga akdang patula
o Mga tulang pasalaysay - pinapaksa nito ang mahahalagang mga tagpo o pangyayari sa buhay, ang kagitingan at kabayanihan ng tauhan.
+ Awit at Korido
+ Epiko
+ Balad
+ Sawikain
+ Salawikain
+ Bugtong
+ Kantahin
+ Tanaga

Sunday, July 29, 2007

Pasyon

Pasyon

Ito ang isa sa mga tulang kantahin. Tungkol sa buhay ni Jesus mula siya ay ipinanganak hanggang sa siya ay nabuhay, magmuli, ang pasyon ay kinakanta sa anumang musikang gustong gamitin ng mga umaawit ng pasyon.
Example:

O Diyos sa kalangitan
Hari ng Sangkalupaan Mabait, lubhang maalam
At puno ng karunungan.

Saturday, July 28, 2007

Awit at Korido

Awit at Korido

Ang mga tulang ito ay tungkol sa pag-ibig at tungkol SA pagsasapalaran ng isang bayani.
Bagama't parehong may pagsasaad ng pag-ibig at pagkakaibigan, ang korido ay may misteryo.

Friday, July 27, 2007

Epiko

Epiko

Ang epiko ay isang mahabang tula na maaring kantahin o basahin. Ito ay tungkol sa kagitingan ng isang nilalang. Ito ay nagtuturo ng magagandang asal at kabayanihan sa pamamagitan ng mga paggamit ng salitang nakakapagsaad ng mabilis na pangyayari, mga masalimuot na paksa at mga kababalaghang hindi maabot nang pag-unawa ng karaniwang nilalang.

Thursday, July 26, 2007

Tanaga

Tanaga ay Binubuo ang tanaga ng apat na taludtod (verses) at bawat taludtod ay may sukat na pipituhin.(syllables). Sa loob ng naturang anyo, kailangang ganap na maipahayag ng makata ang nais sabihin sa pamamagitan ng matalinghagang pangungusap.
Examples:

Magdalita ang niyog,
huwag magpakatayog;
Kung ang uwang ay umuk-ok
Masasaid pati ubod.

Sunday, July 2, 2006

PASYONG MAHAL-Ang Pagtatanggal sa ating Panginoong Hesukristo at ng mga babae sa Mahal na Santa Kruz

Ang pagtatanggal sa ating Panginoong Hesukristo at ng mga babae sa Mahal na Santa Krus

Ay ano nga’y ng maganap
mahigit na tatlong oras
pagkapako’t paghihirap,
pagkamatay na nahayag
ni Hesus Haring mataas.

Noo’y dalawa katao
banal at dakilang Santo
ang nagsadya kay Pilato,
hiningi nilang totoo
ang bangkay ni Hesukristo.

At ang kanilang winika
doon sa nangagparaya
yamang nasunod nang pawa
pita niyo’t mga banta
pagpatay sa taong aba.

Ang aming ipinaglakbay
dito sa inyong harapan
kami po’y inyong tulutan,
mangyaring inyong ibigay
yaong kay Hesus na bangkay.

Di tumanggi si Pilato
sampu pa ng mga hudyo
ibinigay na totoo,
sa mga banal na tao
bangkay ng abang Kordero.

Alipala ay pumanaw
ang dalawang mga banal
at napaluwal sa bayan,
ng dala’y dalawang hagdan
na sangkay nga sa pagtanggal.

Si Hosep ang una-una
apelyido’y Arimatea
ito’y taong mapaninta,
at sumasampalataya
ka Hesus na Poong Ama.

Ang ikalawang may irog
banal na si Nikodemos
dating katoto ni Hesus,
kaya nga’t ang buong loob
inialay inihandog.

Nang sila ay dumating na
doon sa lupang Golgota
ang lumbay ay sabihin pa,
halos manaw ang hininga
nang si Hesus ay makita.


Tumatangis umiiyak
luha’y baha ang katulad
nilapitan nilang agad,
napasintabi’t nangusap
sa Inang lipos ng hirap.

Oh! Birhen anilang mahal
tigib ng pighati’t lumbay
kung iyo pong kalooban
ay kami’y pahintulutan
as Anak mo ay tumanggal.

Kusa po nang aming loob
ang parito at dumulog
at ng tanggali’t ihugos
sa pagkakapako sa Krus
yaong bangkay nga ni Hesus.

Gayong nasa’y ng malining
nang Inang mahal na Birhen
napahinuhod na tambing,
aniya’y inyo ng kalagin
bangkay na Anak kong giliw.

Agad na ngang hinawakan
ni Hosep ang isang hagdan
at kanilang sinandigan,
ang kamay sa dakong kanan
niyong sumakop sa tanan.

Sinandigan naman nila
ang kaliwa ngang paripa
ng mangyaring matanggal na,
ay inialis kapagkaraka
rotulong apat na letra.

Ang koronang tinik naman
inalis na pinagdahan
saka nila sinaklayan,
magkabilang tagiliran
ng kayong kanilang taglay.

Tinanggal nila’t pinukpok
yaong pakong nangagtagos
sa kanang kamay ni Hesus,
nang maalis at mabunot
ang kaliwa’y isinunod.

Saka nila pinagtibay
yaong kayong nasasaklay
katawa’y nalulungayngay,
isinunod nila naman
pako sa paa’y tinanggal.

Pinagdahang inihugos
katawang kalunos-lunos
malumanay na sinambot,
at kanilang iniabot
sa Inang Birheng tibobos.
Kinalong kapagkaraka
si Hesus nang Birheng Ina
lumbay hapis sabihin pa,
at pagbubuntong hininga
nang kaniyang kaluluwa.

Dibdib ay halos mawalat
nang sakit at madlang hirap
luha’y baha ang katulad,
nang pagtangis at pag-iyak
ito ang ipinangusap:
Oh maliwanag kong araw
at maalindog kong buwan!
aba bituing malinaw,
liwanag mo’y nahalinhan
nang dilim ng kasakitan!

Ito kaya’y mababata
ng Ina mong nagdurusa
oh bunso kong sinisinta!
ano’t hindi mapakali
hininga ko’t kaluluwa.
Hesus, dili baga ikaw
mapang-aliw sa may lumbay
bukal ng kaginhawahan!
ano at pinasakitan
itong mahal mong katawan?

Oh paraluman ng mata
at mutya niyaring Ina!
ang buhay ko’y anhin ko pa
kung baga mangungulila
sa bunso ko’t aking sinta?
Ito baga ang katawan
na pinanganganinuhan
ng lupa at Sanglangitan!
ano at pinaglahuan
at naging mistulang bangkay.

Ito baga bunsong liyag
kamay mong sakdal na dilag
na iginawad sa lahat?
bakit ngayon ay may butas
at ang dugo’y nagdaranak?
Ito baga ang buhok mo
tuwi na’y sinusuklay ko
hinuhusay kong totoo?
bakit ngayo’y gulong-gulo
natitigmak ng dugo mo?

Oh bunso kong sinisinta!
ano at binigyang dusa
iyang dalawa mong paa,
na inilakad tuwi na
ng pangangaral sa lahat na?
Lalong kasakit-sakitan
na halos kong ikamatay
bunso kung aking matingnan
iyang iyong tagiliran
na kanilang sinugatan.

Nasaan baga bunso ko
ang taong pinakain mo
mahigit na limang libo,
bakit ngayo’y wala rito
at di dumamay sa iyo?
Oh Hesus! nasaan baga
madla mong pinaginhawa?
ano’t hindi mabalisa,
ang kanilang kaluluwa
nitong hirap mong lahat na?

Ito’y siyang ganti’t bayad
ng pagsinta mo sa lahat
oh bunso ko’t aking Anak!
aking kayang madalumat
titigan ang iyong sugat?
Masaklap man at mapait
na di masayod nang dibdib
bunso itong siyang sakit,
tiisin ko’t siyang ibig
ng Diyos Hari sa Langit.

Madla nga t dilang bagay
ang sa Birheng panambitan
aling katigas-tigasan,
puso ang hindi matunaw
sa ganitong kahirapan?
Tumatangis na lahat na
ang tanang nakakikita
lalong ikinalumbay pa,
ni Huan Ebanghelista
at sampu ni Santa Maria.

Ano pa at nalunasan
budhi’t loob ni San Huan
ang Maestro’y nilapitan,
ang mata’y luha-luhaan
sa laking kapighatian.
Umiiyak, tumatangis
aniya’y Maestro kong ibig
ano’t ikaw ay umalis?
kung ikaw ay di masilip
anong aking masasapit?

Sino pa ang mangangaral
sa amin ng madlang bagay?
sinong aming daraingan,
sa sakunang ano pa man
dito sa hamak na bayan?
Dili ikaw ang Poong ko
pinsan ko’t aking katoto
minamahal na Maestro?
ano’t ako’y iniwan mo
dito sa balat ng mundo?

Aking kayang ikabuhay
Hesus ang iyong pagpanaw
tingna’t ako’y kaawaan,
yamang Diyos kang maalam
lumikha ng Sangtinakpan.
Poong ko ay datapuwa
pumanaw ka man sa lupa
huwag mong ipagkaila,
yaong lubos na biyaya
ampon mo’t pagkakalinga.

Dito sa wikang lahat na
habag nang Ebanghelista
ay dumulog kapagkaraka,
si Maria Magdalena
bubuntu-buntong hininga.
Tumangis at nanambitan
oh Maestro, aniyang mahal
kaluluwa ko at buhay!
anong aking naging asal
kung ikaw ay di matingnan?
Na kung lisanin mo kami
puspos nang pagkaduhagi
sino kaya ang kakampi

magtatanggol na parati
ng buhay ko’t sampung puri?
Kangino kami lalapit
ni Martang aking kapatid
Poong ko ikaw’y makinig,
sa taghoy tinangis-tangis
na alipin mong may hapis.
Doon ako nananangan
sa lubos mong kabagsikan
sapagka’t Diyos kang tunay,
tuwi na at nangangaral
sa tanang makasalanan.

Dili baga binuhay mo
kapatid kong si Lasaro
marami pa’t madla rito,
ang biyaya at saklolo
sa aming nananagano?
Oh Maestrong mapaninta
mapagkalinga tuwina
laking sakit, laking dusa,
nang puso ko’t kaluluwa
katawan mo kung makita!
Poon yaring aking buhay
ngayon yata ay papanaw
kung ako’y iyong maiwan,
dito sa lupang ibabaw
anong aking kapakanan?

Ano pa’t hindi magbawa
doon ang buntong hininga
pananangis na lahat na,
niluha-luha nang mata
nang Inang nangungulila.
Panambita’y di matapos
niyong magagandang loob
kapagdaka’ ay dumulog,
si Hosep at si Nikodemus
sa Birheng kalunos-lunos.

Aba po mahal na Birhen
ang hapis niya’y pag-anhin
itong Poon ay ilibing
itulot mo po sa amin
nang tayo’y huwag gabihin.